ANG  AKLAT  NI  ANDRES  BONIFACIO

Katipunan: Ang Samahang Nagturo at Nag-akay sa Bayan sa Paghihimagsik

Ang “Samahang Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” ay initayo nuong ika-7 ng Julio 1892, sa bahay ni Deodato Arellano sa daang Azcarraga, bilang 64, sa Binundok, Manila. Ganitó ang nangyari: Si Jose Rizal ay lumunsad sa Maynila ng ika-26 ng Junio 1892. Pagkaraan ng mahigit sa isang linggó, nuong ika-6 ng sumunod na buwan ng Julio, si Rizal ay ipinatawag ni general (Eulogio) Despujol na siyang pinaka-mataas na pinuno ng Castila dito sa atin nuon at siya ay ipiniit sa Fuerza de Santiago. Ang mga tunay na pangungusap ni Rizal sa nangyari sa kanyang itó ay gayari (ganito), ayon sa sulat din niyá, na inihayag ng kanyang matalik na kaibigan, ang nasirang Mariano Ponce.

“Nuong Miercoles,” sulat ni Rizal sa kanyang talaan, “itinanong sa akin (ni general Despujol) kung ako’y nagpupumilit na magbalik sa Hongkong. Sinagot ko siya ng oo. Makaraan ang ilang salitaan, sinabi sa akin na ako raw ay may dalang mga proclama (mga pahayag) na kasama ng aking mga

damit at ari-arian. Sinagot ko siyá ng hindi. Itinanong sa akin kung kanino yaong mga unan at banig, isinagot kong sa aking kapatid. Dahil dito, ipinatanto sa aking ako ay kanyang ipabibilanggo sa Fuerza de Santiago.”

Si Rizal nga ay ibinilanggo. Nang malaman ito ni Andrés Bonifacio, nag-alab ang kanyang luob. Pinulong sina Ladislao Diwa, Valentin Diaz, Ildefonso Laurel at si Deodato Arellano sa bahay ni Arellano, at itinatag nila ang “Katipunan,” na siyang dagliang pamagat ng samahan. Ang pakay ng “Katipunan” ay pagsama-samahin ang kaluoban ng mga Pilipino sa isang layunin: “Upang sa pagka-kaisang ito’y magka-lakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan, at matuklasan ang tunay na landás ng katwiran at kaliwanagan.” Ang ibig sabihin ng “matuklasan ang tunay na landas ng katwiran at kaliwanagan” ay iguho ang kapangyarihang maka-hari ng Espańa na sumasakop sa Pilipinas, at ang bayan natin ay magsarili sa kanyang kapangyarihan.

Mga Tuntunin ng Katipunan

Dakila ang pakay ng Katipunan: “Sapagkat kailangan na lahat ng ibig pumasok sa Katipunan ay magkaruon ng lubós na pananalig at kaisipán sa mga layuning tinutungo at mga kaaralang pina-iiral, minarapat na ipakilala sa kanilá ang mga itó, nang bukas-makalawa, huwag silang magsisi, at tuparin nila nang maluwag sa kaluoban ang kanilang mga tutungkulin.”

“Ang kabagayang pinag-uusig ng Katipunan ay lubós na dakila at mahalagá; pag-isahín ang luob at kaisipán ng lahat ng Tagalog. (Sa salitang “Tagalog”, katuturan ay lahat ng tumubo sa Sangkapuluang itó; sa makatuwid, “Bisaya” man, “Iloko,” “Kapampangan” atbp. ay “Tagalog” din.)

“Alang-alang sa mga pagkukurong itó, kami ay payapang naghihintay ng pagwawagi ng damdaming makabayan ngayon at sa hinaharáp, sa pamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagka-kaisáng ito ay magka-lakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan, at matuklasan ang tunay na landás ng Katwiran at Kaliwanagan.

Una sa lahat ang pag-ibig sa bayan: “Dito ay isá sa mga kauna-unahang utos, ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubós na pagdadamayan ng isa’t isá.”

Pantay-pantay ang lahat: “Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito ay magka-kapantáy at tunay na magka-kapatid.”

Ang buhalhal (escandaloso, disorderly) na kaugalian: “Kapag karakang mapasok dito ang sinuman, tatalikdang pilit ang buhalhál na kaugalian at pai-ilalim sa kapangyarihan ng mga banál na utos ng Katipunan.

“Ang gawang lahat na laban sa kamahalan at kalinisan, dito ay kinasu-suklaman; kaya sa bagay na ito ay ipina-iilalim sa masigasig na pakiki-balita ang kabuhayan ng sinumang ibig maki-anib sa Katipunan.

“Hindi kaila sa kangino pa mán ang mga nagbalang kapahamakán sa mga Tagalog na naka-isip nitong mga banál na kabagayan (at hindi man), at mga pahirap na ibinibigay ng naghaharing kalupitán, kalikuan at kasamaán.”

Hindi tinatanggap ang mga taksil: “Kung ang hangad ng papasok dito ay tumalastás lamang ng mga lihim nitó, o ang kilalanin ang mga naririto, at ipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy, sapagka’t dito, bantaín lamang ay talastás na ng makapál na nakikiramdám sa kanyá, at karaka-rakang nilalapatan ng mabisang gamot, na laán sa mga sukaban.”

Ayaw sa mga mabunganga: “Dito ay gawa ang hinahanap, at gawa ang tinitingnán; kaya hindi dapat pumasok ang hindi makagawa, kahit magaling magsalita.”

Hindi ginhawa kundi hirap at mabigat na tungkulin: “Unawain din, na ang mga katungkulang ginaganap ng lahat sa Katipunang itó ay lubhang mabibigát, lalong lalo na kung gugunitaín na hindi mangyayaring maiwasan at walang kusang pagkukulang na hindi aabutin ng kakila-kilabot na parusa. Kung ang hangad ng papasok dito na siya ay abuluyan ng ginhawa at malayaw na katahimikan ng katawan, huwag magpatuloy sapagka’t mabigát na mga katungkulan ang matatagpuan, gaya ng pagtangkilik sa mga naa-api

at madaluhong ng pag-usig sa lahat ng kasamaan; sa bagay na itó ay aabutin ang maligalig na pamumuhay.”

Ang halaga ng “kuota” (bayad buwan-buwan): “Talastás din naman ng lahat ang pagkakailangan ng salapi, na sa ngayon ay isá sa mga unang lakás na maaasahan; magbibigáy buhay sa lahát; sa bagay na itó, kinakailangan ang lubos na pagtupád sa mga pagbabayaran; piso sa pagpasok at sa buwan-buwan ay sikapat (Ľ). Ang salaping itó’y ipinagbi-bigay-alam ng nag-iingat, sa tuwing kapanahunan; bukód pa ay masi-siyasat ng sinuman, kailanman ibigin. Hindi maikikilos ang salaping ito kundi sa napag-kayarian ng karamihan.”

Ipagtangkilik ang kagalingan: “Ang lahát ng pinag-saysay ay dapat gunitain at mahinahong pagbulay-bulayin, sapagka’t hindi magaganáp at hindi matitiis ng walang tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa ang tunay na adhikaing ipagtangkilik ang Kagalingan. At nang lalong mapagtimbáng ng sariling isip at kabaitan.”

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Sunod na kabanata