NAHULI ang mga kasapi sa Katipunan nuong ika-13 ng Agosto 1896 sa San Piro, Makati, bagáman at mga Masón daw, alinsunod sa sulat ng cura duon, si Agustin Fernandez, sa pinuno ng Castila sa Maynila, si Luengo. Nguni’t bago pa nangyari ito, ang teñente ng guardia civil, si Manuel Sityar, ay sumulat na sa mga pinuno niya sa Maynila nuong ika-5 ng Julio 1896 din, at ibinalita na may natuklasan siyang inihahandang paghimagsik laban sa pamahalaan. Ang mga sanga raw ay nasa San Juan del Monte, San Felipe Nery, Pandakan, Marikina at Montalban. Ibinabalita rin niya na may ilang libo ang maghihimagsik, sumumpa sa sarili nilang dugo na inilagda sa kasulatan, nang sa gayon ay tumibay sa pakikibaka hanggang sa matamó ang kasarinlan ng Pilipinas. Umabot sa kaalaman ni Bonifacio ang mga ibinalita. Simula pa nuong itinatag ang Katipunan, nakahikayat na ng ilang kababayang naglilingkod sa mga kawanihan ng pamahalaang Castila; gayon din ang ilan sa mga naglilingkod sa bahay ng mga pinuno at sa mga convento. Nuong mga araw na yaon, ang mga tiktik ng Katipunan sa luob ng pamahalaan ay nagdadala |
ANG AKLAT NI ANDRES BONIFACIO 3 Ulit Na-visto Ang Himagsikan |
|
na ng mga balitang kailangan ni Bonifacio. Kaya, nang nalaman niyang natuklasan na ang Katipunan ng may kapangyarihan, pinulong ang lahat ng mga pangulo sa mga balangay at mga kasapi sa puok ng Kankong, Kalookan, niyong ika-17 ng Agosto 1896, - sinimulan nuong ika-8 ng umaga at natapos nuong nagtatakipsilim na.
Mainit at mahigpit ang kanilang pagtatalo. May mga ayaw munang gawin ang paghimagsik sa kawalan ng mga sandata at baril na ilalaban, nguni’t marami ang may ibig at ayaw nang umuwi sa kani-kanilang bahay. Sa wakás, napagtibay din at bilang saksi ng pinagkasunduan, lahat ay nagsidukot ng kani-kanilang cedula personal at pinagpupunit, tanda na hindi na sila babalik sa kani-kanilang bahay. Pinagtibay pa na salakayin ang Maynila nuong ika-30 ng buwang iyon ng Agosto. Pagkatapos ay nagpangkat-pangkat na. Datapwa, nuong ika-19 lamang ng Agosto, natuklasan ni Mariano Gil, cura sa simbahan |
ng Tundo, ang mga kasulatan ng Katipunan dahil sa sumbong ni Teodoro Patiño. Nakuha pati ang batong pinaglimbagan ng recibo sa pagawaan ng pahayagang Diario de Manila.
Ang mga sundalo at guardia civil ay nagsiyasat sa pali-paligid ng labas ng Maynila, kaya nuong ika-23 ng buwang iyon, nangyari ang unang labanan ng mga iyon sa kawal ng Katipunan sa Balintawak. Sinimulan na ang paghuli at pagpahirap sa mga napagbintangan. Ang inilalaban ng mga kasapi sa Katipunan ay ilang itak, tinulisang bukawe (isang uri ng kawayan) at palasan (makapal na yantok), mga revolver na kinuha ng Katipuneros sa maestranza (arsenal), 2 o 3 baril na naagaw sa mga sundalo ng pamahalaang Castila. Nagpatuloy sa ganito nguni’t itinatag na ni Bonifacio ang kanyang pamahalaan sa Pasong Tamo, Kalookan, at pagkatapos sa bundok ng Balara, Marikina. Mula duon, nag-utos siya katulong ang kanyang mga kagawad. |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Sunod na kabanata |