North Luzon TINGGIAN,  ZAMBAL,  GADDANG  O  ILONGGOT?

‘Aklasan’  Ng  Mga  ‘Igorot’  Nuong 1601

ANG hayag sa mga kasaysayan na “aklasan” ng mga “Igorot” nuong 1601 ay hindi gawa-gawa ng mga Igorot, ang tawag ngayon sa mga taga-Cordillera. At hindi sa bulubundukin ng Cordillera nag-aklasan kundi sa bundukin ng Caraballo Sur - sa timog (sur, south) ng Pantabangan, ang magubat na lawa (laguna, lake) sa tinawag dating kalakihang Pampanga (Greater Pampanga) na ngayon ay isang nayon (pueblo, village) sa lalawigan ng Nueva Ecija. Mali rin ang sabihing “aklasan” (rebelión, revolt) ang naganap sapagkat hindi pa sakop ang mga tagaruon. Katunayan, ang patayan ay pagharang sa pagpasok ng mga Español sa Caraballo.

Hindi na matunton kung sino ang nagparatang at kailan sinisi ang aklasan sa mga Igorot, subalit nuon, ang tawag sa mga tagaruon ay Tinggian mula sa “tinggi” o “mataas” sa wikang Malay at, tulad sa “Igorot,” ibig sabihin ay “tagabundok.” Mula kailan lamang, itinangi ang “Tinggian” sa mga Itneg, ang mga “taga-ilog Tineg” sa lalawigan ng Abra. Sa kabilang dako, hanggang nuong bandang 1790 - may 30 taon pagkatapos ng himagsik ni Diego Silang - ang tawag ng mga taga-Ilocos sa lahat ng tao sa bandang timog nila, pati sa mga taga-Pangasinan at mga taga-Caraballo, ay Zambal.

Itong pangalan ang ginamit ng mga pinuno at mga frayle sa Manila nang pag-usapan nuong bandang 1600, may 30 taon pagkapasok ng Español sa Pilipinas, ang patuloy na pagtambang (ambush) at pagpugot ng mga “Zambal” sa mga frayle at catholicong Pilipino na patungo o nanggaling sa Ilocos. Winawasak pa ang mga reduccion, mga baranggay na itinatag ng mga frayle upang tahanan ng mga Pilipinong catholico na, at pinapatay o inaalipin lahat ng matagpuan duon. Nuong Deciembre 1606, sumang-ayon ang mga frayle sa napagkasunduan ng mga pinunong Español, at nanawagan sila sa mga taga-Pampanga at Ilocos na sugurin ang mga Zambal at gawing alipin (esclavo, slave) ang lahat ng mabihag nila - bagay na ipinagbawal ng hari ng España at ng Consejo de las Indias sa Madrid. Inulit Headhunter nuong 1609 ng hari at consejo ang pagbawal gawing alipin o mag-ari ng alipin ang sinuman sa mga sakop ng España. Napigil ang patakaran (policy) ng pag-alipin at pagsalanta (extermination) sa mga “Zambal” subalit nuong bago pa inulit ang pagbawal. Katunayan, bago pa nanawagan ang mga frayle nuong 1606. Ang nagpatigil ay ang mga “Igorot” sa Pantabangan nuong 1601.

Lupain ito ng mga Ilonggot at mga Gaddang na, tulad sa mga Igorot, ay mga mabangis na mandirigma at pugot-ulo (headhunters). Sila, lalo na ang mga Ilonggot, ang humadlang sa pagpasok ng mga Español sa Caraballo hanggang nuong 1705.

Nuon pang Febrero 1571 nang unang sinakop ang Manila nina Miguel Lopez de Legazpi, nabalitaan at sinikap nang agawin ng mga Español ang ginto ng hilagang Luzon. Nuong Mayo 1572, pinasugod ni Legazpi ang apo, si Juan de Salcedo, upang hanapin ang mga mina ng ginto (gold mines). Nagtatag si Salcedo ng kuta (fortaleza, fort) sa Vigan at sinimulan ang pagsakop sa Ilocos at pagligid sa dulong hilaga ng libis ng Cagayan (Cagayan Valley). Patungo na siya sa mga mina ng ginto sa Cordillera nang nagkasakit ng pagtatae at biglang namatay nuong Marso 1576. Patuloy ang sikap ng mga Español, ang pangkat naman ni Juan de Morones ang pina-akyat sa Cordillera ni Gobernador general Francisco de Sande (1575-1580) isang buwan lamang pagkamatay ni Salcedo. Hindi natagpuan ang mga mina subalit nakita sa Ilocos ang mga alahas at gintong pinambili ng baboy at iba pang pagkain ng mga “Igorod” - tawag ng mga taga-Ilocos sa mga tagabundok sa silangan (oriente, east) nila.

Bahagya lamang kilala ng mga Español ang “Igorod” nuon subalit alam na nila ang bangis ng mga “Zambal” na humaharang sa pagitan ng Ilocos at Manila kaya sa bangka sa dagat sila napipilitang maglakbay. Nuong 1585, inutusan ni Gobernador general Santiago de Vera (1584-1590) ang isang maharlika ng Pampanga na humanap ng butas palusot sa hilagang Luzon.

Ang maharlika ay si Dionisio Capolo (bulol ng Español sa “Kapulong” na “kasama” o “ka-angkan” ang ibig sabihin), anak ni Lakan Dula ng Tondo at pinuno ng Candaba nuon. May hilang 100 mandirigma, umiwas si Capolo sa mga Zambal ng Pangasinan, lumihis sa bandang silangan at nakarating sa Bayombong. Duon, binalaan siya ng mga nakaibigan. Umurong si Capolo, pumuslit sa Tondo at nuong 1587, kumampi sa kapatid, si Magat Salamat, at iba pang kamag-anak sa lihim na “Sabwatan ng mga Tagalog” laban sa Español. Natuklas ang lihim at dinakip sina Salamat nuong 1588. Hinatulan ng patapon (expulsion, exile) nang 8 taon, nagmaka-awa si Capolo at pagkaraan ng 4 taon, nagbalik at tapat na nagsilbi sa Español habang buhay.

Bago nakabalik si Capolo, pinasugod ni Gobernador general Gomez Perez Dasmariñas (1590-1593) ang sariling anak, si Luis Perez Dasmariñas, sa kanlurang gilid ng Pangasinan upang humanap ng landas patawid sa Ilocos. Walang nakita si Luis subalit nagtatag si Esteban Marin, ang kasama niyang frayleng Augustinian, ng mga mision - munting simbahan at convento - sa Masinloc at sa Bolinao nuong 1591-1592.

Nuon at duon lalong nagpakita ng gilas si Marin, nagsimulang nagpangaral nuong 1584 sa Tagudin (bahagi ngayon ng Ilocos Sur) na nasa gilid lamang ng bundok kaya madalas mamili duon ang maraming Igorot na naka-usap ni Marin. Naglingkod din sa Laoag at sa Bantay, at pagkatapos sa Masinloc at Bolinao, nabantog siya dahil natutuhan lahat ng mga wika duon - Ilocano at Zambal, pati na isa o higit pa sa mga wikang Igorot.

Samantala, inilahad kay gobernador Dasmariñas ng 2 frayleng Augustinian, sina Mateo de Peralta at Diego Gutierrez, na talagang mayaman sa ginto ang hinahanap na mga mina sa mga bundok na tinatawag na Ituy - ang hulo (riverhead) na pinagmumulan ng ilog Magat sa paligid ng Aritao, Dupax at Bayombong. Bahagi lahat ngayon ng lalawigan ng Nueva Vizcaya subalit nuon, hindi pa nararating ng Español. Malaki ang naitulong ng Masinloc at Bolinao sa lakbayang dagat sa pagitan ng Ilocos at Manila subalit kailangan ng mga frayle at Español ang landas sa bundok mula sa Pampanga.

Nagkataon namang nakabalik na nuon si Capolo, at siya ang paulit-ulit na pina-akyat ni Dasmariñas sa Caraballo upang amuin ang mga tagaruon na pasa-ilalim sa Español. Mainam sa politica si Capolo, madalas namundok nang nag-iisa, o ilan lamang ang kasama. Dinalaw-dalaw pa siya sa Manila ng mga pinuno ng mga tagabundok na alinlangang pasakop ang kanilang mga lupain. Nakakuha siya ng buwis na ginto mula sa mga tagabundok, nang wala kahit isang tao na napatay o nasaktan man lamang.

Subalit nang tangkain niya nuong 1595 na tuklasin ang mga mina mismo ng ginto, naglaho ang politica ni Capolo. Panguna siya sa isang pangkat patungo sa Kayapa mula Aritao nang sumalakay ang mga tagabundok - ang panganib na ibinabala sa kanya ng mga taga-Bayombong nuon pang 1585. Masama ang tama sa mukha ni Capolo at napa-urong ang buong pangkat. Muntik nang mamatay si Capolo; tumigil na siya ng pamumundok. Wala nang nagtangkang umakyat muli sa Caraballo dahil hindi kasama si Capolo.

Sa Mexico lumaki at nag-frayle si Marin, bagong dating lamang sa Pilipinas nang ipadala nuong 1684 sa Ilocos. Sa “Osario Venerable” ni Agustin Maria de Castro, frayleng Augustinian din, nuong 1780, ibinantog si Marin bilang “unang apostol ng mga Igorot” - maniwari dahil sa mga naka-usap niya sa Tagudin. Sumulat daw siya ng “diccionario” (dictionary, talatinigan) at “arte” (grammar, balarila) sa wikang Igorot, isa pang “diccionario” sa wikang Zambal at Español, at ilang sermon sa wikang Zambal.

Naglaho na lahat sa imbak-aklatan (archives) ng mga Augustinian, hayag sa “Ensayo de una Biblioteca Ibero-American de la Orden de San Agustin” ng frayleng Gregorio de Santiago Vela sa Madrid nuong 1920, subalit ang bihasa (maestria, expertise) ni Marin sa mga wikang katutubo ang dahilang pinili siya ni Gobernador general Francisco Tello (1596-1602) sa Manila nuong Noviembre 1601. Ayaw pasakop sa Español ang mga tagabundok sa silangang Pampanga at, bago pasugurin ang hukbo, nais ni Tello na himukin sila nang mapayapa. Namahinga na nuon ang dating pambato (champion), si Capolo, dahil sa mga sugat na tinamo sa Caraballo nuong 1585, kaya si Marin ang isinugo sa Pantabangan.

Naglakbay si Marin mula sa Gapan (bahagi ngayon ng Nueva Ecija) nang isang cross lamang ang sandata, at isang alila (criado, servant) lamang ang kasama - tapang na tinularan ng ibang frayle sa mga sumunod na panahon.

Buong tiwala si Marin na nakipag-kaibigan sa mga tagabundok. Nagpangaral siya ng biyaya ng pagiging catholico at pagsamo sa Español habang tahimik na nakinig ang mga tagabundok. Biglang sinilo si Marin ng mga mandirigma sa likod niya, at iginapos sa isang punong-kahoy (arbol, tree). Pinana siya nang ilang ulit, at inulat na binigti pa siya. Alinman, pinatay si Marin, pinugot ang ulo niya at sinunog ang kanyang bangkay. Inutas din ang kanyang alila.

Tapos, hinintay ng mga mandirigma ang hukbong Español na alam nilang darating sunod kay Marin. Libu-libo pang mga mandirigma ang dumating mula sa paligid. Tinambang (ambush) ng 3,000 mandirigma ang pangkat ni teniente Mateo de Aranda, nagulat at nalagas ang hukbo, karamihan ay mga Kapampangan, bago nagtakbuhan sa sindak lahat ng mga buhay pa.

Ang dami ng mga napatay nuon ang nagtulak sa mga Español na manawagan nuong 1606 sa mga taga-Ilocos at Pampanga na lusubin at alipinin ang mga tagabundok. At ito rin ang naghimok sa mga taga-Ilocos at Pampanga na pabayaan nang tahimik ang mga tagabundok kaya mula nuong 1601, ang mga frayle na lamang - mga Dominican mula sa Manaoag, sa Pangasinan, at mga Augustinian mula sa Ilocos - ang umakyat, paisa-isa tulad ni Marin, sa mga bundok ng Cordillera at Caraballo. May ilan-ilang mision ang naitayo sa Cordillera, at winasak ng mga tagabundok pagkaraan ng ilang taon. Ang Caraballo naman ay hindi napasok uli ng Español sa sumunod na 10 taon.

ANG  PINAGKUNAN

The Discovery of the Igorots, Spanish Contacts with the Pagans of Northern Luzon, by William Henry Scott, New Day Publishers, Quezon City, 1974
The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy