Lady of Manaoag SI  ‘APO LAKAY’  JULIAN  BALTAZAR  NG  PANGASINAN
Himagsik laban sa Español, hacenderos, Katipunan at Amerkano

.

Ang ‘Guardias de Honor’
Naging ‘Los Agraviados’

Millenarian / Agrarian Revolt Sweeps North Central Luzon in 1886-1901

.

Ang Guardia de Honor ang nagpakita kung paano naghalu-halo ang pagsamba, gusot sa lipunan at kalampag politica sa hilagang Luzon. Unang itinatag ng mga Dominicano bilang alalay sa Mahal na Birhen, ginamit ito ng mga frayle mistulang panlaban sa mga Pilipinong naghihimagsik. Subalit nagbago ang Guardia at naging kilusang charismatic na hindi naunawaan ng mga ilustrado, o ng mga Español, pati ng mga Amerkano...   --David Joel Steinberg, The Philippines, A Singular and Plural Place, 2000

Nuong Marso at Abril (ng 1900), nagwagi ang hukbong Amerkano sa 2 panig ng hilagang Luzon. Una sa La Union, kumampi si Crispulo Patajo at ang kanyang pangkat ng Guardia de Honor kay Lieutenant William T. Johnston. Nagtatag sila ng 250 Ilocano Scouts na may daan-daang parang sundalo (paramilitaries), marami ay mga Guardias. Kasama ng mga Amerkano, sinuyod nila ang mga paligid at dinakip ang mga Katipunero na nag-guerrilla, pati ang mga principale na lihim tumulong sa mga guerrilla. Sa Tarlac at sa Pangasinan, kahit na magkaiba ang mga taga-2 lalawigan, dinigma ng mga Guardia ang mga Katipunero...   --Brian McAllister Linn, The Philippine War 1899-1902, 2000

TUMANDA na si Julian Baltasar sa kabayanan ng Urdaneta sa Pangasinan kaya iginalang siya ng mga tagaruon sa tawag na ‘Apo’ (‘Lolo,’ viejo, grandfather). Tinawag din siyang ‘Lakay’ o ‘Laki’ (‘malakas’ o ‘makapangyarihan,’ katumbas ng ‘Lakan’ sa lumang Tagalog) dahil matagal nang kilala ang ‘galing’ o ‘kakayahan’ ni Baltasar bilang ‘añitero’ o taga-dasal sa mga ‘añito’ at kaluluwa ng mga ninuno, ayon sa pagsamba ng mga tao mula nuong Unang Panahon (prehistory). (Ang tinawag na ‘añitero’ sa Español ay ‘mag-anito’ sa Ilocos at Pangasinan, ‘babaylan’ sa Tagalog at sa Visaya, kung saan tinawag din itong ‘bailan’. ) Batak Anyito

Matanda na rin, bulag na, ang asawa ni Baltasar, iginalang din at tanyag - nasulat na mas bantog kaysa kay Baltazar o Apo Lakay - bilang ‘managanito’ (tawag sa ‘babaylan’ sa Pangasinan) na gumagamot sa mga sakit ng tao sa pamamagitan ng panalangin o panawagan (faith healer) sa mga ‘añito’ laban sa mga multo (demonios, evil spirits) at mangkukulam (brujas, witches). Tinawag ang asawa na ‘Apo Bae’ o ‘Lola Maharlika.’   [Sa lumang wika mula Borneo, ang ‘Bae’ (bigkas: BA-e) ay ‘princesa’ o ‘maharlikang babae.’ Ito ang sinaunang pangalan ng tinatawag ngayong Bay sa lalawigan ng Laguna, sa tabi ng luok (laguna, lake) na tinatawag ngayong Laguna de Bay.]

Lumawak ang dangal ng mag-asawang espiritistas hanggang nuong bandang 1880, naging gawi na ng mga nagpapanata (peregrinos, pilgrims) sa Birheng Maria (Virgin Mary) sa kalapit na kabayanan ng Manaoag na dumaan at magpugay din sa mag-asawa sa Urdaneta. Sa dami ng mga dumadalaw, sakay sa kanilang mga kareta (caros, carts) at kalabaw, napupuno ang lansangan sa harap ng bahay ng mga Baltazar, lalo na pagkatapos ng ani ng palay (rice harvest) tuwing Mayo at Deciembre, taon-taon.

Pagkaraan ng ilang taon, nag-ugnay sa damdamin ng mga taga-Pangasinan ang panata sa Birheng Maria at ang pagpugay sa mag-asawang Baltazar. Kaya nuong 1882, nang umayaw na ang simbahang Español sa Guardia de Honor (‘Tanod Pangpugay’), dapat lamang asahan at sadyang tanghal sa mga tao, si Baltazar at ang bulag niyang asawa ang naging pinuno ng lumalawak na kapatirang charismatic (cofradia, lay brotherhood) sa maraming bahagi ng Pangasinan, La Union at Ilocos Sur.

MAGILAS bagaman at magulo ang pagsilang ng Guardia de Honor, sinimulan nuong 1872 ng mga frayleng Dominicano sa kanilang simbahan (Iglesia de Santo Domingo, church of Saint Dominic) sa luob ng Intramuros, ang lungsod ng Manila nuon. Tinawag ding Guardia de Honor de Maria (Mary’s Honor Guard) at Guardias de Honor de Nuestra Senora del Rosario (Honor Guard of Our Lady of the Rosary), sadyang inilaan itong kapatiran, sa kauna-unahang pagkakataon, para sa mga Pilipino.

Bago nito, mga Español lamang ang pinayagang bumuo at sumapi sa mga kapatirang charismatic. Pinarusahan ang sinumang Pilipino o kahit mestizo na nangahas mag-kapatiran, tulad ni Apolinario de la Cruz (nakaulat sa ‘Hermano Pule’ sa website ding ito), binitay nuong 1841 dahil sa itinatag niyang Cofradia de San Jose. Dinigma rin at inusig ang kasaping mga Pilipino at mestizo.

Subalit nuong 1872, pagkaraan ng 31 taon, nag-iba at lumabo na ang panahon ng Español sa Pilipinas dahil sa pakana ng mga frayle at ng pamahalaan. Kabilang ang dumadaming pag-agaw sa lupa ng mga katutubong magsasaka, pagpa-alis ng mga paring Pilipino upang ibigay ang simbahan at paroco sa mga frayleng Español. At nuong taong iyon ng 1872 binitay ang 3 paring Pilipino - sina Jose Burgos, Mariano Gomez at Jacinto Zamora (mababasa sa ‘GomBurZa’ sa website ding ito).

Umaapaw nuon ang galit ng Pilipino lalo na sa Katagalugan (Tagalog region) at ibang bahagi ng Luzon. Minabuti ng mga frayleng Dominicano na itatag ang Guardia de Honor, sadyang ukol lamang sa mga Pilipino, upang supilin - nang lihim - ang sumisibol na himagsikan. Likas na mapagdasal, at mahilig sa prosisyon at iba pang gawain para sa simbahan - lalo na at hindi naman mahirap ang panata - maraming Pilipino ang sumapi sa Guardia de Honor.

Maniwari, 3 lamang at karaniwan ang mga layunin ng Guardia de Honor

  1. Itaguyod ang mga mabuting asal catholico, lalo na ang pagiging dalisay sa pag-ibig (castidad, chastity)
  2. Palawakin ang dasal at panata sa Birheng Maria
  3. Tumulong at sumama sa mga prosisyon (processions) at iba pang pagtatanghal ng simbahan

Saka, ginawa ng mga frayleng Dominicano na madaling nakapasok (enrol) ang mga Pilipino, na walang dapat ginawa kundi

  1. Ipalista ang kanilang pangalan
  2. Ipangako na susunod sa mga utos ng Guardia de Honor
  3. Magdasal ng rosario araw-araw
Sto Domingo church

Bawat sumapi ay binigyan ng tanging katibayang sulat (certificado, certificate) ng pagiging Guardia. Binigyan din ng iskapiyula (escapulario, scapular) - mga istampita na may mga tali upang maisabit tulad ng kuwintas sa harap ng dibdib at sa likod bilang sagisag catholico. Nagtagumpay ang pakana ng mga frayleng Dominicano sa mga sakop nilang lupain, lalo na sa Manila at paligid, at sa Ilocos sa hilagang Luzon. Libu-libo ang sumanib sa Guardia at pangkat-pangkat naitala sa kani-kanilang purok, sa ilalim ng pari o frayleng namahala sa kanila.

Taon-taon, patuloy lumawak ang kilusang charismatic. Kahit saan unang lumitaw ang makulay na iskapiyula, hindi nagtagal at daan-daan ang sumunod sumanib at nagsuot ng sagisag ng Guardia de Honor. Pagkaraan lamang ng ilang taon, libu-libong Pilipino na ang kasapi sa Guardia de Honor. Marami pa ang sumasanib, at nadaig ang mga frayleng Dominicano ng sarili nilang tagumpay.

Maaaring kakatwa, subalit ang dahilan ng pagbitay sa 3 Pilipinong pari - ang GomBurZa - na ikinagalit ng mga Pilipino, ay siya ring dahilan natalo ang mga frayle sa kanilang tangka gamitin ang Guardia upang supilin ang himagsik ng mga tao. Ang kinalaban ng GomBurZa - ang pag-agaw ng mga frayle, na pulos mga Español, sa mga simbahan at paroco ng mga Pilipino at mestizong pari - ay isa sa mga dahilan nagkulang ng mga pari na maaaring mamahala sa libu-libong sumasanib sa Guardias. Scapular

Hindi lubha sa Manila, pugad ng mga frayle at ng simbahang catholico. May sapat na mga frayle at pari na nagpangaral at sumubaybay sa mga Guardias. Subalit sa mga lalawigan, kulang na kulang ang mga pari at frayle, at lumago at dumami ang mga pangkat ng Guardia de Honor nang hindi natunton, at ni hindi namalayan ng simbahang catholico. Sa Ilocos, kalat na ang gulo at lagim, bahagya lamang kaugnay sa GomBurZa, nang itinatag duon ang Guardia de Honor. Mula pa 1850 nauso duon ang agawan ng lupa (landgrabbing), agawan na matagal nang dinanas ng mga Tagalog at iba pang bahagi ng Luzon. Ninakaw mula sa maraming magsasaka (farmers) at mga may-lupang maliit (small landholders) ang kaisa-isang nilang pag-aari.

Nakadagdag sa bulabog ng lipunang Iloko, kasama ng mga frayle at mga Español nagnakaw sa lupa at bumuo ng kani-kanilang haciendas ang mga principale - mga familia ng dating mga pinunong Ilokano na kumampi at nagsilbi sa mga Español.

Bago pa, nuong 1814, naghimagsik na ang mga cailianes - tawag sa Ilocos sa mga karaniwang tao (common people, mga timawa sa Tagalog) - laban sa mga principales na kumampi sa mga Español (naulat sa ‘Cailianes Laban Sa Principales’ sa website ding ito). Natalo nuon, hindi na nakapag-aklas ang mga cailianes, subalit naghihimagsik na ang kanilang mga damdamin nang pumasok ang Guardia de Honor sa Ilocos.

Kulang na kulang ang mga pari at frayle. Abala pa sa kanilang mga tungkulin sa simbahan, wala silang naatupag kundi ilista ang pangalan ng mga nais sumapi sa Guardia. Tapos, ipinamahala sa mga cabecillas (assistant leaders) na mga principales. Ang mga ito ang kinalaban ng mga cailianes nuong 1814 at siya nuong nagnanakaw sa mga lupa. Kaya, dapat lamang asahan, hindi nangaral o nakipag-usap man lamang ang mga cabecillas.

Napag-iwanan (abandonado, abandoned) at nagkanya-kanya ang iba’t ibang pangkat ng mga Guardias de Honor.

Nagsabit ng iskapyula ang daan-daang tao at hinayag na Guardias sila, kahit na hindi nailista, nakausap o nakaharap man lamang ng pari. Mistulang ligáw (salvaje, wild), sumampalataya sila hindi sa catholico kundi ayon sa lumang pagsamba ng mga anyito, mga ninuno at mga mag-anito. Lalong nakabalam sa kasaysayan ng Pilipinas, hinaluan nila ang panata ng Guardias de Honor ng paniwala sa ‘milinario’ (millenarianism).

(Sa lumang paniwala ng catholico, babalik si Jesus Christ at maghahari sa daigdig isang millenium o 1,000 taon bago magunaw ang daigdig. Isasadlak sa infierno ang mga masamang tao, samantalang ang mga butihin ay magtatamasa ng laya, ligaya at sagana sa piling ni Jesus at ng mga santo.

(Ngayon, ang tinatawag na ‘milinario’ (millinerianism) ay ang malawak na aklasang nauuwi sa karaniwang pagtu-tulisan, karaniwan ng mga magsasaka at mga dukha laban sa mga maylupa at mayayaman.)

Itong halu-halong sampalataya ang dinala ng mga Ilocanong Guardias sa pagdayo nila sa Pangasinan sa Birheng Maria ng Manaoag. At kay Apo Lakay sa Urdaneta, ang bantog na ‘añitero’ o mag-anito. Dahil malaking bahagi ng Guardia de Honor sa Ilocos ay naging maka-anyito, tumanyag lalo ang tingin ng mga tao kay Apo Lakay.

Pangasinan map

Samantala, hilo at ligalig na ang mga frayleng Dominicano sa Ilocos. Iminungkahi nila nuong 1880 na lansagin ang hindi na nila nasukol na kapatirang charismatic. Pagano at hindi na raw catholico kaya inutos nuong 1882 ng mga pinunong frayle sa Manila na itigil at ipagbawal ang Guardias sa Ilocos. Nuon, sa pag-urong ng mga frayleng Dominicano, naging pinuno si Apo Lakay at ang asawa niyang Apo Bae ng Guardia de Honor na patuloy lumago sa Pangasinan at iba’t ibang bahagi ng Ilocos hanggang naging pinaka-malaki at pinaka-malakas sa buong Pilipinas.

Ang kapatirang minana ni Apo Lakay ay bahagya lamang hawig sa kilusang itinatag ng mga frayleng Dominicano nung 1872. Sa nagdaang 10 taon, nagbago nang malaki ang layunin ng Guardia de Honor. Ang damdaming catholico ay napalitan ng milinario, at hindi na kinilala ang dati-rating pamamahala ng mga frayle, mga Español, mga principale, mga hacendero at, pagdating ng panahon, pati ng mga katipunero at ng mga Amerkano. Sa madaling sabi, ang panalig ng Guardia ay hindi makabayan (patriotic) kundi ang hangad nilang “ligaya ng buhay sa libis ng nayon.”

Naging patakaran ni Apo Lakay na paunlarin itong simpleng buhay na malayo sa tanaw ng pamahalaan at ng simbahan. Nuong 1886, pagkaraan ng 4 taon ng lihim niyang pamamahala sa Guardia de Honor, ipinahayag ni Apo Lakay na malapit nang magunaw ang mondo - ang buod at buto ng milinario. Malulunod ang buong daigdig, sabi niya, sa deluvio universal at kaunti lamang ang maliligtas - ang mga mabuting tao na tatakas sa Santa Ana, maliit na pulo sa gitna ng ilog Agno, malapit sa kabayanan ng Asingan. Libu-libong Guardia ang nag-alsa balutan, iniwan ang kanilang mga bahay, bukid at mga bangka, at nagsiksikan sa Santa Ana at sa mga kalapit na pampang ng ilog Agno.

Patapos na ang tag-araw nuon at natakot ang mga frayle at Español na, pagdating ng tag-ulan, baka kumalat ang sakit ng pagtatae (cholera) sa kumpulan ng mga Guardia sa pulo ng Santa Ana. O, dahil sa dami nila, baka magkalakas-luob na tuluyang mag-aklas laban sa govierno.

Inutos ng governador ng Pangasinan na palayasin ng Guardia Civil, ang constabulary nuong panahon ng Español, ang mga dayo sa pulo ng Santa Ana. Kasamang nagtaboy ang mga frayle mula sa mga kabayanan ng Asingan, Tayug at San Miguel.

Walang umangal, walang nagmatigas, tahimik na nag-uwian ang mga kampon ni Apo Lakay. Dumating at lumipas ang tag-ulan nang walang nangyari. Nasiyahan ang mga Español, dahil nalansag din nila maniwari ang Guardia de Honor. Hindi nila alam, walang balak sumuko ang mag-asawang Apo Lakay at Apo Bae.

Bumalik ang mag-asawa sa Urdaneta at ipinagpatuloy ang kanilang pamamahala sa Guardia de Honor. Unti-unti, napuno na naman ang paligid ng bahay ng mag-asawa ng mga kareta, kalabaw at baul ng, nuong 1886, daan-daan, hanggang nuong 1896, naging libu-libong Guardias. Nauso uli ang pagsuot ng makukulay na iskapyula, pagro-rosario nang madalas at, sa mga simbahan sa Urdaneta at paligid, maraming nagpapa-misa araw-araw.

Hindi naunawaan ng mga Español ang nangyayari, nalansi dahil maniwaring nagpapanata lamang ang mga Guardia sa birhen ng Manaoag at dumadaan pagkatapos kay Apo Lakay upang magbigay-galang lamang. Hanggang kumalat ang balita nuong 1896 na sa 10 taon na nagdaan pagkatapos ng kumpulan sa pulo ng Santa Ana, lalong naging mabisa ang kapangyarihan ni Apo Bae.

Ipinasiya ng mga frayle sa Pangasinan na panahon na upang ibalik ang mga Guardia de Honor sa catholico sa halip ng panalig kay Apo Lakay. Dati-rati, pagkakataon ito upang dumugin at puksain ng mga frayle, mga Español at ng mga principale ang kilusan ng mga tao, tulad ng ginawa kay Hermano Pule at iba pang aklasan sa nakaraan.

Subalit taon ng 1896 nuon, halos tulala sa ligalig ang mga Español dahil sa papasabog na ang himagsikan ng mga Tagalog sa Manila at karatig, natali ang hukbong Español ng Pilipinas laban sa mga Moro (Muslim) sa Mindanao, at naka-ambang lumusob ang hukbo ng America (United States) sa himagsikan laban sa Español sa Cuba at, pagkatapos, baka sa Pilipinas din.

Kaya si Cipriano Pampliega, paring paroco ng Urdaneta, ang nanguna at nag-iisang umusig sa Guardia de Honor ni Apo Lakay.

Manaoag church

Unang inusisa ni Pampliega ang listahan ng mga Guardia sa Ilocos at hilagang Luzon. Dumating mula sa Manila ang pangalan ng 16,000 Guardias, karamihan ay mga taga-La Union, Ilocos Sur at Zambales. Ilan lamang maniwari ang mga taga-Pangasinan subalit nabatid ni Pampliega na sa Urdaneta at sa Santa Maria lamang, mahigit 600 ang mga Guardias. Nasiyasat din niya na maraming cabecillas, nakalistang dapat sanang namamahala sa Guardias, ay nagbitiw at wala nang pakialam sa kapatiran.

Naghinala si Pampliega na si Apo Lakay ang nagtanghal sa sarili niya at sa mga lihim na cabecillas din. At ang kapatiran ay naging mas malaki na, at mas mapanganib, kaysa sa akala ng mga Español.

Sugod si Pampliega sa mga pinunong frayle ng Pangasinan at, nang hindi siya pinansin, sa convento ng Santo Domingo sa Intramuros. Dahil sa gulo sa Manila nuon, hindi rin pinansin ang paratang kay Apo Lakay. Sunod nagsumbong si Pampliega sa governador ng Pangasinan subalit, kaiba sa paglusob sa pulo ng Santa Ana 10 taon sa nakaraan, tumanggi itong makialam sa tingin niyang suliranin ng simbahan, hindi ng pamahalaan. Ipinilit ni Pampliega na baka magkaruon uli ng “aklasan” tulad sa Santa Ana.

Alumpihit na ipinatawag ng governador si Apo Lakay sa Lingayen. Balisa sa nagaganap na bakbakan ng Katipunan at Español sa Manila, bahagya lamang nagtanong-tanong ang governador bago niya natiyak na tama ang una niyang sapantaha na suliranin ito ng simbahan, hindi ng pamahalaan. Pinauwi niya si Apo Lakay matapos payuhang mamuhay nang tahimik. Matagumpay ang balik ni Apo Lakay sa Urdaneta, lalong tanyag dahil sa napatunayang lakas niya laban sa Español.

Sa kabilang dako, bigo sa kanyang pag-usig, nagdasal na lamang si Pampliega na mamatay agad sana ang matandang mag-asawa nang, sa gayon, matapos na ang problema ng Guardia de Honor. Nuong Noviembre 1896, walang 2 buwan pagkaraan ng Sigaw sa Balintawak ng Katipunan, natupad ang dasal ni Pampliega.

Namatay nang tahimik si Apo Bae.

Sa hiling ni Apo Lakay, si Pampliega ang nag-misa sa libing ni Apo Bae. Nakihalo at nakipag-kaibigan siya sa libu-libong Guardias de Honor na nakiramay ngunit nabigo siya uli sa tangkang agawin ang kapatiran mula kay Apo Lakay.

Hindi nagtagal pagkatapos ng libing, kumalat ang balita na “nagpakita” si Apo Bae sa iba’t ibang balon (pozos, wells) at igiban ng tubig sa Urdaneta at ibinudbod sa tubig ang kapangyarihan niyang nagpapagaling sa sakit (healing powers). Lalong lumawak ang tanyag ni Apo Lakay, at walang nagawa si Pampliega kundi magmanman nang tahimik at maghintay ng kanyang pagkakataon.

Sa kabilang dako, hindi naghintay si Apo Lakay. Nag-asawa siya uli nuong 1897, wala pang 6 buwan pagkamatay ni Apo Bae. Pagkaraan ng maigsing pulot-gata (luna de miel, honeymoon), dinala niya ang bagong asawa at ilan sa kanyang mga pangunahing cabecillas sa malayo at ligaw na baranggay (sitio, settlement) ng Montiel. Ipinalinis ni Apo Lakay ang gubat sa paligid upang matirahan ng libu-libong Guardia de Honor na sunod dumanak duon.

Ito ang bininyagan niyang Cabaruan o “Bagong Buhay” (renacimiento, renewal) na napuno sa loob ng ilang linggo lamang at naging sarili at hiwalay na bayan (independent state) sa loob ng Pangasinan.

Binago ni Apo Lakay ang buong Guardia de Honor at inayos ang pamumuno ng mga cabecillas. Hinirang niyang tagapagmana (herido, heir apparent) ang pangunahing tagapagpayo (ayudante, adviser), si Antonio Valdez, sikat na dating teniente del barrio ng Manaoag. Sinulsulan niya ang kanyang cabecillas na pag-ibayuhin ang pagpalawak at pagpalakas ng Guardia de Honor. Tapos, namahinga ang 67-taon gulang na Apo Lakay at naghintay nang mamatay.

Patuloy ang pagdami at paglawak ng Guardias de Honor subalit hindi naging tahimik ang pahinga ni Apo Lakay. Mula pa nuong 1892, nang itatag ni Andres Bonifacio, sumapi na nang lihim ang mga taga-Pangasinan sa Katipunan. “Niligawan” nila ang mga Guardia de Honor na sumama sa tangka nilang pagpapa-alis sa mga Español. Matumal ang mga Guardia de Honor sa samo sapagkat mga principale ang nag-Katipunero. Ilustrados ang tawag nila sa sarili; gayon din ang turing sa kanila nina Apo Lakay.

Anuman ang tawag, naghinala ang mga Guardia dahil angkan sila ng mga katulong ng mga Español na kumikil ng buwis sa mga tao, at nagnakaw ng mga lupa ng mga magsasaka. Tinanggihan din ni Apo Lakay ang Katipunan mismo dahil maka-politica sa halip ng maka-Dios, at wala siyang tiwala sa mga Tagalog na mga pinuno at karamihan ng Katipunero sa Manila at paligid.

Dominican friars

Nang sumabog ang himagsikan nuong Septiembre 1896, ang “pagsuyo” ng mga Katipunero ay sumidhi at naging mapanganib. Nabahala si Apo Lakay at inutos kay Valdez na magbuo ng mga pangkat ng tabak (espada, broad sword), ang tanging sandata ng mga lalaban upang ipagtanggol ang mga Guardia. Hangad ni Apo Lakay na ilayo ang kanyang Guardia de Honor mula sa Español at mula sa Katipunan, at mula sa bakbakan ng lumalawak na himagsikan. Subalit nasawi ang hangad ni Apo Lakay. Sa init ng himagsikan, ang “pagsuyo” ng mga principale-Katipunero ay nauwi sa galit.

Napahamak ang tayo ng Guardias - mga itak lamang ang sandata. Upang maging mabisa ang pagtatanggol ng kanyang hukbo, ipinasiya ni Valdez na nakawin ang mga baril sa mga himpilan ng Guardia Civil at ng hukbong Español. Ilang ulit niyang pinalusob ang kanyang mga tabak subalit lagi silang nabigo at napaurong.

Dahil sa itinuring na “bantay-salakay” (traicion, treachery), kapwa nagalit ang obispo (bishop) ng Vigan sa Ilocos, at ang governador ng Pangasinan. Itinatwa ng obispo ang Guardia de Honor bilang kalaban ng simbahang catholico (herejes, heretics), habang pinalusob naman ng governador ang mga Guardia Civil.

Dinakip si Apo Lakay at ikinulong sa carcel sa Lingayen. Pinalayas ang libu-libong Guardias de Honor at humimpil ang Guardia Civil sa Cabaruan bilang tanod laban sa pagbalik ng mga tao. Dati-rati, sapat na sana ito upang mapuksa ang Guardia de Honor, tulad ng ginawa sa mga nakaraang kapatiran at kilusan ng mga Pilipinong charismatic. Ngunit dahil sa himagsikan ng Katipunan, nagkaruon ng pagkakataon ang Guardia de Honor. Masyadong abala ang mga frayle at mga Español upang tuparin ang 2 hakbang na “pamatay” nila sa anumang alsa (insurreccion, uprising) ng mga Pilipino:

  1. Pangaralan ang mga dating kasapi na bumalik sa simbahang catholico at sumunod sa utos ng mga frayle
  2. Usigin at parusahan ang mga pinuno ng alsahan

Bagaman at naikulong si Apo Lakay, nakatakas at namundok si Valdez, kasama ang kanyang mga tabak. Isinumpa niyang lipulin lahat ng kalaban - Español at Katipunero. Itinatag niya ang kalat-kalat na Guardia de Honor bilang malawak na hukbo ng paghihiganti (venganza, revenge). Sa sumunod na 7 buwan, naging bihasa (experto, expert) ang mga Guardias de Honor sa pagtambang (ambush) bilang mga guerrilla. Kahit nuong maniwaring nagkasundo ang mga Español at mga Katipunero sa Biyak-na-Bato, nagpatuloy ang pagsalakay nina Valdez sa 2 kapwang kalaban.

Dahil sa lawak patawad (amnistia general, general amnesty) na bunga ng kasunduan sa Biyak-na-Bato, pinalaya si Apo Lakay nuong Deciembre 1897. Bumalik siya sa Cabaruan ngunit, dahil sa mga sakit na dinama sa carcel ng Lingayen, namatay siya bago nag-Bagong Taon (Año Nuevo, New Year).

Lalong nag-alab ang ngitngit ni Valdez laban sa mga Español at sa tinawag niyang mga ilustrado - ang mga Katipunero. Ilang linggo pa lamang ang tanda ng bagong taon ng 1898, sinimulan niya ang pagsalakay - hindi na tambang-tambang (emboscadas, ambushes) o harang-harang (atracos, holdups) lamang kundi harapang pagwasak at pagbakbak sa mga kabayanan (town) at mga hacienda.

Ang ilan sa mga winasak, dahil sa pagbatak sa Manila ng hukbong Español, ay napalaya at “hawak” na ng mga principale-Katipunero. Español at Katipunero - sinumbatang nilang lahat na tulisan (bandidos, outlaws) ang mga Guardia de Honor. Tumanggi si Valdez, at ipinahayag na sila ang Los Agraviados o “Ang Mga Inaapi” (the oppressed).

Ipinatapon (exiled) sa Hongkong si Emilio Aguinaldo at kanyang mga pinuno ng Katipunan, ayon sa kasunduan sa Biyak-na-Bato. Subalit patuloy na lumaban sa hukbong Español ang pangkat-pangkat ng Katipuneros na kampi kay Andres Bonifacio na pinapatay ni Aguinaldo. Dahil dito, halos buong hukbo ng Español ay naipon sa paligid ng Manila. Patuloy na nanghina ang mga pamahalaang Español sa buong Pilipinas, lalo na sa Tarlac hanggang sa dulo ng hilagang Luzon.

Sinamantala itong kahinaan ng mga principale. Tulad sa Pangasinan, sumanib sila o bumuo ng sarili nilang Katipunan at inagaw ang pamahalaan ng mga lalawigan at mga kabayanan mula sa mga Español. Nang pumasok ang mga Amerkano - pinalubog ang buong hukbong dagat ng Español sa Luok Manila (Manila Bay) nuong Mayo 1898 - lalong bumilis ang pag-agaw ng mga bagong sibol na Katipunan sa pamahalaan sa mga lalawigan ng Pilipinas.

Sto Domingo altar

Ang kampi (allegiance) ng mga tao, sang-ayon o sapilitan, ay nasalin sa Katipunan, maliban sa Pangasinan at ibang bahagi ng Zambales at Ilocos. Dahil sa Guardia de Honor - ang Los Agraviados ni Valdez - hindi kailangang piliin ng mga tao ang Español o Katipunero. Marami ang kumampi sa Guardia o Agraviado. Kaya sa Pangasinan at mga karatig, nangyari na mga principale-Katipunero ang naghari sa mga kabayanan, samantalang ang mga Guardia-Agraviado ang nanaig sa mga barrio.

Natunugan ni Valdez na baka matalo sila dahil mas maraming baril ang mga principale-Katipunero. Inutos niya sa mga Guardia-Agraviados na ipagtanggol ang mga simbahan - at ang mga frayle.

Pagkalaya mula sa lupit ng mga Español, maraming tao sa gitnaan (central) at hilagang (northern) Luzon ang nagtangkang gumanti at magmalupit din sa mga frayle - ilan ay sinaktan, marami ang inalipusta, halos lahat ay ikinulong sa iba’t ibang convento o carcel. Dahil sa bagong patakaran ni Valdez, karamihan ng mga frayle sa mga teritorio ng Guardia de Honor ay pinakawalan. Ang iba ay hinatid pa sa tabing dagat (sea coast) upang makasakay sa mga barkong patungo sa Hongkong.

Kabilang ang isang frayle na dating humamak kay Valdez bilang mandaraya at huwad na catholico. Pagkadaong sa Hongkong pagkatapos napalaya, napalatak ang frayle ukol sa “kaginsa-ginsang awa ng Dios, ginamit ang mapag-taksil na Guardias upang iligtas tayong mga frayle!”

(Kapuna-puna, sa tagal ng lupit na ipinataw ng mga frayle sa mga Pilipino, na ilang frayle lamang ang pinaharapan o sinaktan pagbagsak ng pamahalaang Español sa Pilipinas. Bahagi ito ng pabatid (report) ni William Howard Taft sa United States Congress bago siya naging unang Amerkanong governador ng Pilipinas nuong 1901. Hindi niya binanggit ang Guardia de Honor maliban sa balitang may mga aklasan ng mga magsasaka sa labas ng Manila.)

Dahil sa bagong pakana, nalamangan ni Valdez ang mga principale-Katipunero. Dumog ng mga sumanib sa Guardia-Agraviado, pati mga dating Guardia Civil tulad ng isang Sargento Pedroche na naging pinuno ng Agraviados sa Tarlac. Tulad sa Tarlac, umabot din ang kilusan sa Nueva Ecija hanggang nuong Septiembre 1898, nakabuo si Valdez ng 5,000 tabak - ang sandatahang hukbo Agraviado. Kaya na niyang talunin ang sinumang principale-Katipunero na magtangkang lumaban sa Guardia de Honor. Wala kahit isang nagtangka.

Sa halip, ang mga Guardia-Agraviado ang sumalakay sa mga principale-Katipunero.

Nakabalik sa Pilipinas mula sa Hongkong si Emilio Aguinaldo at ang mga kapwa niyang ipinatapon, ipinatawag ng mga Amerkano nuong Mayo 1898 upang tumulong palayasin ang mga Español. Mabilis na sumulat si Aguinaldo sa mga kapwa niyang principale upang magtatag ng Katipunan sa kani-kanilang bahagi ng Pilipinas. Pinapunta pa niya sa Cebu si “Leon KilatPantaleon Villegas, apo ng isang Español, upang pamunuan ang Katipunan duon. Subalit natalo sa bakbakan at pinatay si Villegas ng mga kakamping principale-Katipunero upang makasuko sila sa mga Español nang hindi binibitay.

Tulad ni Villegas, malas din ang kapalarang sinapit ng mga principale-Katipunero sa gitnaang at hilagang Luzon. Nuong Octobre at Noviembre 1898, tumanggap si Aguinaldo ng balita at panawagan ng tulong mula sa mga principale-Katipunero mula sa mga lalawigan sa hilaga, lagpas sa Pampanga, tulad ni Francisco Makabulos, ang punong Katipunero sa Tarlac. Panay at lawak daw ang nakawan at pagsalakay sa kanila at iba pang mayayaman ng mga tulisan at iba’t ibang pangkat ng mga mandirigma.

Nuong sumunod na buwan, Deciembre 1898, halos naglaho ang mga pamahalaang Katipunan sa Tarlac, Pangasinan at La Union, ayon kay Pio del Pilar, isang general sa Katipunan ni Aguinaldo. Galit ang panawagan ng mga principale-Katipunero duon laban sa “kataksilan ng mga tao, pati na ng mga katipuneros mismo namin dati.”

Lumitaw na bakbakan ito ng mga mahirap na tao laban sa mga principale at mayayaman. Nuong Pasko ng 1898, lubusang naglabu-labo sa Tarlac. Sabay-sabay nag-aklas ang mga Guardia-Agraviado sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, sa pamumuno ni Sargento Pedro Pedroche. Nasakop nila ang 4 municipio duon, at napipilan lamang sa kabayanan ng Camiling.

Nagkunwang kakampi ang presidente ng municipio duon at inanyayahan si Pedroche sa isang salu-salo (banquete, feast). Habang kumakain, pinatay si Pedroche at mga kasama ng mga principale-Katipunero ng presidente.

Tinangka ni Aguinaldo na siluin ang gulo sa Tarlac, nang sa gayon hindi kumalat sa mga katabing lalawigan subalit hindi siya makapagpadala ng mga sundalo mula sa Manila sapagkat patuloy ang pagdami ng mga sundalong Amerkano, barko-barko ang pagdumog sa Intramuros, at malamang naghahandang lipulin ang hukbo ni Aguinaldo at sakupin ang Pilipinas.

Walang nagawa si Aguinaldo kundi iutos sa mga pinuno sa Tarlac na amuin ang mga tao, at takutin naman ang iba, upang maging mapayapa ang lalawigan.

Datapwa, hindi nagtagumpay ang pakana ni Aguinaldo. Walang pumansin sa mga panawagan sa Tarlac na papatawarin ang lahat ng sumuko at tumigil ng pag-aklas. Simula nuong Deciembre 1898, halos naglaho ang payapang pamahalaan sa Pangasinan, Tarlac at La Union.

Pedroche Ang pinuno ng Tarlac mismo ang tumelegrama kay Aguinaldo nuong Deciembre 29, 1898, na kailangang bumuo ng hukbo ng “casadores” (hunters, mga mangangahoy - mga Español na may sariling baril at mahusay bumaril ng hayop, o tao) at “voluntarios locales” (mga Español, mga meztiso at mga kakampi) upang kalabanin ang mga nag-aklas, at kalabanin din ang hukbong Amerkano pagdating ng panahon. “Marami kaming salapi,” pawakas sa telegrama, “kailangan lang namin ay mga baril.”

[ Pasingtabi: Ang mga “casadores” at “voluntarios locales” ang tumalo kay “Leon KilatVillegas at mga principale-Katipunero sa Cebu. Dinaan sa dami, at dami ng baril. Duon kasi umurong ang libu-libong Español, matapos silang sumuko sa mga Amerkano at palayasin mula sa Intramuros, upang maghintay ng mga barko paalis sa Pilipinas.]

Lumaban ang mga “casadores” at “voluntarios locales” sa Tarlac. Hinanap at pinatay ang sinumang lumaban sa mga principale-Katipunero subalit kaunti lamang sila at sa mga kabayanan lamang may sapat na lakas. Sa mga bukid, patuloy na lumago ang aklasan at dumami ang mga sumapi sa Guardias-Agraviados, kahit na patay na si Sargento Pedroche.

Dahil sa inaasahang bakbakan laban sa mga Amerkano, ayaw sumangkot ni Aguinaldo sa labanan ng mga tao at mga principale sa Tarlac o saan mang bahagi ng Pilipinas. Minungkahi nuong Deciembre 28, 1898 ng isang pinuno niya sa Manila, ang kalihim ng pagsasaka (secretary of agriculture), na ipadala si Gregorio Aglipay upang “patahimikin ang Tarlac.” Alam kasi ng lahat na nagmula sa pagka-religioso ang aklasan ng mga Guardias-Agraviados sa Tarlac at Pangasinan, at baka makinig sila kay Aglipay, dating pari ng catholico at pinuno ng religion sa pamahalaan ni Aguinaldo.

Hindi lamang walang nakinig kay Aglipay, wala ring natakot sa mga baril ng mga principale-Katipunan. Patuloy lumawak ang salakay ng mga Guardia-Agraviado, at lalong dumami ang sumapi sa kanila. Sinimulan ng mga pinunong Guardia-Agraviado na tawagin ang sariling nilang mga “general.” Hindi lamang kayabangan - animo agos ng dagat ang sumakop sa gitnaan at hilagang Luzon. Nuong katapusan ng Pebrero 1899, nanawagan ang mga pinuno ng San Carlos (ang dating kabayanan ng Binalatongan) sa Pangasinan na sagipin ang 23,000 mamamayan duon ng hukbong Katipunan mula sa panay na salakay ng mga “Agraviado” at “Guardia de Honor.”

Huli na.

Bago pa nanawagan ang mga taga-San Carlos, binaril ng mga sundalong Amerkano ang mga principale-Katipunero sa Santa Mesa, Manila, nuong Pebrero 4, 1899. Nagsimula na ang digmaan upang sakupin ang Pilipinas ng mga Amerkano. Nilagas ng mga kanyon at sundalong Amerkano ang mga principale-Katipunero na nakapaligid sa Intramuros at ibang bahagi ng Manila.

Sa isang buwan lamang, lumusob din ang mga Amerkano sa Iloilo, Cebu at Bohol. Nuong sumunod na buwan, Marso 31, 1899, dinurog nila ang hukbo ng principale-Katipunan at sinakop ang kabayanan ng Malolos, Bulacan, ang pusod mismo ng pamahalaan ni Aguinaldo.

Walang tulong na ipinadala sa mga principale-Katipunero na dinadambong ng mga Guardia-Agraviado. Lubos na abala ang umuunting hukbo ni Aguinaldo na makaligtas sa humahabol na hukbong Amerkano. Pati mga Amerkano ay hindi pumansin sa pagsabak ng mga Guardia-Agraviado sa mga kabayanan at mga hacienda, unang nakita nila sa Bulacan.

Hindi nila naunawaan kung bakit naglalabanan duon, at kung “anu-anong pagsamba” (religion) ang pinaiiral ng iba’t ibang tao na tinawag na “profeta” (prophets) ang mga sarili. Sa Bulacan, isang Guardia-Agraviado lamang ang dinakip at ikinulong ng mga Amerkano sa salang “kinakuwartahan” (extortion) daw ang mga tao.

Nuong katapusan ng taong 1899, pagsapit sa Pangasinan ng hukbong Amerkano na humahabol kay Aguinaldo saka lamang nabatid ng mga pinunong Amerkano ang lagim at lawak ng kapangyarihan ng mga Guardia-Agraviado. Mula sa Pangasinan, danak ang salakay ng mga ito sa mga karatig lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, La Union at Ilocos Sur.

Wala nang hukbong principale-Katipunan nuon, nilansag ni Aguinaldo nuong Noviembre 12, 1899 sapagkat napaka-unti na ang mga sundalo niya. Pinakalat at pinag-guerrilla na lamang niya. Kaya ang mga Amerkano ang nagmana sa gulo sa gitnaang at hilagan Luzon. At kung hindi nalutas nina Aguinaldo ang suliranin, ni hindi man lamang naunawaan ito ng mga Amerkano. Ang “kakaibang panata,” ayon kay Major General Elwell S. Otis ay halimbawa lamang ng kakatwang gawa-gawa ng mga taga-Asia.

Walang anumang hinala tungkol sa Guardia-Agraviados, inusisa ni Otis ang mga “educado” sa Manila, pati na ang mga pinuno ng simbahang catholico. Wala siyang tinanggap na malinaw na sagot maliban sa babalang “magiging mahirap pamahalaan” ang mga Guardia-Agraviado kapag pinabayaan silang gawin anumang nais nilang gawin.

“Anuman ang dahilan,” hayag ni Otis sa pamahalaang Amerkano sa Washington DC, “lubhang ligalig ang mga pinunong catholico” sa gawa-gawa ng mga Guardia-Agraviado.

Malasiqui church Habang nakikipag-usap si Otis sa Manila, ipinahanap naman ng general niya sa Pangasinan, si Arthur MacArthur, kung saan nagmumula ang gulo. Siniyasat ng kanyang mga sundalo ang bara-barangay ng Pangasinan. Marami silang nakita na hindi nila naunawaan, tulad ng malaking kabayanan ng Malasiqui na halos nawalan ng tao. Subalit ang pinaka-malaking natuklas nila ay ang kabayanan ng Cabaruan, 17 kilometro sa silangan (oriente, east) ng Malasiqui, at pugad ng 10,000 Guardia-Agraviado.

Ayon sa isang sundalong Amerkano, ang Cabaruan ay “isang sawing bayan, victima ng mga “sukdulang mapagsimba” (fanáticos religiosos, “religious fanatics”) at mga barakong magnanakaw.” Agad inutos ni MacArthur na lansagin ang Cabaruan. Pinaligiran at pinasok ng mga sundalong Amerkano ang pugad ng Guardia-Agraviado at pina-uwi ang mga tao. Tapos, isinulat ni MacArthur kay Otis na “ang mga mapagsimba” sa Cabaruan ay “mga magnanakaw at mamamatay tao.”

Nilaspag daw ng mga Guardia-Agraviado ang mga karatig purok at pinilit lumipat sa Cabaruan ang mga tao, lalo na sa kabayanan ng Malasiqui kung saan 9 tao ang pinaslang nuong nakaraang ilang linggo. Halos wala raw tao na sa Malasiqui, sabi ni MacArthur. Hindi raw niya alam kung bakit at paano nag-ipon ang mga Guardia-Agraviado sa Cabaruan, subalit dahil naitaboy ng mga sundalo niya ang mga taga-Cabaruan, sulat ni MacArthur, magiging tahimik na duon harinawa.

Tumahinik nga sa Pangasinan, natigil ang mga patayan at nakawan. Subalit hindi umuwi ang mga Guardia-Agraviado kundi nagkubli lamang sa pali-paligid at walang ginawa kundi magsimba at magdasal. Pag-alis ng hukbo ni MacArthur, isang pangkat (compañía, company) lamang ng mga sundalong Amerkano ang naiwang nagbabantay sa Cabaruan. Pagkaraan ng Bagong Taon (Año Nuevo, New Year) nuong 1899, umalis na rin itong pangkat ng mga sundalo sapagkat wala na namang gulo sa Cabaruan. Naiwan sa mga official sa malayong Dagupan, ang himpilan ng hukbong Amerkano sa Pangasinan, ang magmatyag sa Cabaruan.

Nabuhay muli ang mga Guardia-Agraviado! Nuong taon ng 1899, mahigit 10,000 tao ang nag-ipon-ipon uli sa Cabaruan. Araw-araw ang dating ng mga pami-pamilya ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan at mula sa mga karatig lalawigan, lalo na sa La Union at Ilocos Sur. At lahat sila ay nabuhay sa nakaw.

Lumabas sa pagsiyasat ng mga Amerkano pagkaraan ng ilang taon na nagkalakas-luob ang mga magsasaka, karamihan ay mga “kasama” (aparceros, sharecroppers) sa gitnaan at hilagang Luzon dahil sa “tagumpay” ng mga Guardia-Agraviado sa Cabaruan.

Pagkatapos daw ng ani (cosecha, harvest), alsa balutan daw ang buong pamilya ng mga magsasaka. Dala lahat ng kanilang mga ari-arian at mga alagang hayop, sama-sama nilang ninakaw lahat ng aning palay, mga kalabaw at alagang hayop ng mga may-ari ng lupa (hacienderos, landowners).

Pagdating sa Cabaruan, abuloy nila ang mga nakaw na pagkain at hayop, dagdag sa mga pagkain at ari-ariang ninakaw ng mga Guardia-Agraviado mula sa pali-paligid. Mula nuon, itong naipong tumpok ng mga nakaw ang ikinabuhay nila sa Cabaruan. Parang pista (fiesta, feast) raw araw-araw, ayon sa natuklasan ng mga Amerkano.

Nuong una, hindi naunawaan ng mga Amerkano sa Dagupan kung bakit nakapahalaga (importante, precious) ng Cabaruan sa mga tao, at kung bakit tinuring itong pugad ng lagim ng mga karatig na purok. Hindi alam ng mga Amerkano ang kasaysayan ng Guardia-Agraviado at ang nakaraang alsahan ng mga ito laban, nuong una, sa mga Español at, pagkatapos, laban sa mga principale-Katipunan.

Paminsan-minsan lamang ang “manman” (patrulla, patrol) ng mga Amerkano sa Cabaruan na nakita nilang laging malinis at tahimik. Maayos ang latag ng Cabaruan - plaza sa gitna na pinagmulan ng 12 lansangan (calle, streets) na may pangalan ng 12 apostol (apostoles, apostles) ni Jesus Christ.

Napansin ng mga Amerkano na walang nagsaka o nagtanim sa paligid kaya nagtaka sila: Ano ang ikinabuhay ng mga taga-Cabaruan? Upang matuklas ang lihim ng Cabaruan, iniba-iba ng mga Amerkano ang panahon at pinagmulan ng kanilang “manman” subalit higit na tuso si Antonio Valdez, sanay na pagkaraan ng halos 3 taon ng hamok bilang, nuong una, kanang kamay (ayudante, assistant) ni “Apo LakayJulian Baltazar, at pagkatapos, bilang pinuno ng Los Agraviados. Maraming tauhan niya ang laging nakapaligid sa Cabaruan kaya, kahit na saan nagmula ang mga sundalong Amerkano, lagi nang natutuklas.

Pagdating ng mga sundalo, lagi silang sinalubong ng mga “musiko” (banda, brass band) at hinahatid sa luob ng “bayan” kung saan sila binati at inaliw ng mga Guardia-Agraviado at nina Valdez. Ilang ulit napahiya ang mga Amerkano sa ganitong tinawag nilang “Cabaruan fiasco” (fracaso, utu-utuan).

Subalit sa Dagupan, walang tigil ang pagsiyasat (pregunta, investigation) ng mga pinunong Amerkano. Mula sa pahayag ng mga tao sa paligid ng Cabaruan, natuklas nila ang mga pagnakaw ng mga Guardia-Agraviado, at pagpatay sa sinumang lumaban sa kanila.

Masikap (practico, pragmatic), natanto ng mga Amerkano sa Dagupan na 25,000 tao na ang nakatira sa Cabaruan nuong 1901, at panay pa ang dating ng mga bagong Guardia-Agraviado. At nabatid ng mga Amerkano nuong Marso 1, 1901 na nagbunga ang Cabaruan ng panibagong pangkat sa kabayanan ng Santa Ana, ang dati at unang pugad ni “Apo LakayJulian Baltazar.

Manaoag dancers

Nuon, sukdulang “Bathala” (Dios, God Almighty) na ang turing ng mga Guardia-Agraviado sa yumaong “Apo Lakay.” Si Valdez ay tinawag na “Hesukristo” (Jesus Cristo, Jesus Christ). Ang punong tagapayo (consejero, adviser), si Gregorio Claveria, ay ang “Espiritu Santo” (Holy Spirit). Ang pinunong babae, si Maria de la Cruz, ay “Mahal na Birhen” (Maria Santissima, Virgin Mary). Ang mga “Apostol” ay 12 pinunong katulong nina Valdez sa pamahalaan ng Cabaruan.

Isang pinuno sa Cabaruan, hindi nasali sa pangkat ni Valdez, ang nag-alsa at nagtatag sa Santa Ana ng sarili niyang “kaharian ng Diyos” (Nuevo Jerusalem, City of God), kasama ng 10,000 Guardia-Agraviado. Itong dami ng mga Guardia-Agraviado ang mabilis na umubos sa pagkain na dala ng mga bagong dating. Ang pagka-ubos ng pagkain ang nagtulak sa mga taga-Cabaruan at mga taga-Santa Ana na palawakin ang pagnakaw nila ng pagkain mula sa paligid na kabayanan.

Pati ang mga mahirap ay ninakawan, at pinatay ang sinumang lumaban. Kaya ang mga dukha, dati ay kampi sa mga Guardia-Agraviado dahil sa pagkalaban sa mga “asendero” (hacenderos, landowners) at mga principale, ay mabilis na bumaligtad at sinumbong ang mga Guardia-Agraviado sa mga Amerkano.

Ito ring dami ng mga Guardia-Agraviado, at ang panganib ng paglawak nila sa iba’t ibang kabayanan ng Luzon, ang tumigatig sa mga Amerkano. Hindi lamang himagsik laban sa pamahalaan, ayon sa mga Amerkano, hindi lamang aklas laban sa simbahan. Ang tuntunin at gawain ng mga Guardia-Agraviado, sabi ng mga Amerikano, ay lubusang pagwasak sa lipunan at tahimik na pamumuhay ng lahat ng tao.

Kaya nuong Marso 3, 1901, 2 araw lamang pagkasumbong sa kanila na sinakop na rin ng mga Guardia-Agraviado ang kabayanan ng Santa Ana, nilusob ng hukbong Amerkano ang Cabaruan at Santa Ana.

Wala nang utu-utuan, dinakip sina Valdez, Claveria at Maria de la Cruz, iginapos at kinaladkad sa kulungan ng hukbong Amerkano sa kabayanan ng Urdaneta. Nuong araw ding iyon, hinanap ang 12 “apostol”, dinakip at ikinulong sa Urdaneta.

Nuong gabi, nagsimulang magbalot ang mga Guardia-Agraviado, sira na ang mga luob. Dalawang buwan, Marso at Avril, inabot ang alsa-balutan ng mga taga-Cabaruan at mga taga-Santa Ana. Ilan daang Guardia-Agraviado ang nagtiyaga, patago-tago sa Cabaruan mula sa mga sundalong Amerkano na nagpapalayas sa kanila. Hinintay nila ang kapalaran ng kanilang mga puong tagapagligtas (salvadores, redeemers).

Binitay sa Urdaneta sina Valdez at Claveria nuong Junio 1, 1901. Ang ibang mga pinuno ng Guardia-Agraviado ay hinatulang makulong ng maraming taon.

Nag-uwian ang mga Guardia-Agraviado. Walang nahayag kung ano ang nangyari sa kanila. Sa gulo ng katatapos na himagsikan laban sa Español, sinundan ng digmaan laban sa Amerkano, malamang walang pumansin.

Pati ang hukbong Amerkano ay umalis na rin, at nabalik ang tahimik ang munting baranggay ng Cabaruan at Santa Ana. Sa mga mapa ng Pangasinan ngayon, hindi na nakatatak ang 2 baranggay na maniwari ay naglaho na o lubhang kaunti ang mga nakatira upang bigyan pansin.

Subalit ilang taon bago lubusang naglaho ang kilusang Guardia-Agraviado. Isang masidhing aklasan ay nangyari sa kabayanan ng Natividad nuong 1903.

Tulad sa Katipunan nuong Himagsikan ng 1896, pangkat-pangkat nila ang nagtatag ng lihim na lipunan at nag-aklas sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan at Ilocos Sur. Bagaman at kaunti, masigasig nilang binagabag ang mga mayor at governador sa Pangasinan at Ilocos Sur, karamihan ay mga Pilipino - dating mga pinuno ng principale-Katipunan na sumuko at sumabwat sa Amerkano at, bilang pabuya, ay binigyan ng tungkulin sa bagong tatag na pamahalaang Amerkano sa Pilipinas.

Nahayag na ang Guardia-Agraviado ang nagsilang sa kilusang “Santa Iglesia” sa Tarlac at Pampanga, at sa “Sapilada” sa Mountain Province. May ilan-ilang gulo ang naganap sa Pangasinan nuong 1920 hanggang simula ng digmaan nuong Panahon ng Hapon (World War II) subalit maniwaring walang ugnay sa Guardia-Agraviado maliban sa bakbak ng mga tao laban sa mga principale at mga hacendero.

ANG MGA PINAGKUNAN
Guardia de Honor, 1872-1901, by David R. Sturtevant, Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940, Cornell University Press, Ithaca, London, 1976
Guardia de Honor, Colorum, by David Joel Steinberg, The Philippines, A Singular And Plural Place, Westview Press, Colorado, Oxford, 2000
Guardia de Honor, by Brian McAllister Linn, The Philippine War, 1899-1902, University Press of Kansas, 2000
The Miraculous Our Lady of Manaoag Church, http://en.wikipedia.org/wiki/Our_Lady_of_Manaoag

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy