NINUNO MO, NINUNO KO: Paghanap sa mga Unang Pilipino
‘Isang Pahayag Tungkol Sa Mga Taong Ligaw’
MAHIGIT 50 taon ang pagitan - 1225 at 1280 - ng 2 tantiya kung kailan sinulat ni Chao Ju-kua ang kanyang pahayag tungkol sa pulo-pulo ng mga ‘taong ligaw’ na tatawaging Pilipinas pagkaraan ng halos 300 taon. Mahigit 60
taon naman ang pagitan ng 2 pagsalin sa ulat ni Chao Ju-kua, kapwa nakalathala dito. Mahigit 700 taon na ang nakaraan at may katwirang itanong, ano ang katuturan ng 50 at 60 taon, sa dami ng naganap at nagbago mula nuon?
Una, ito ang pinakaunang paglarawan ng mga unang Pilipino at, sabi ni WH Scott, hindi maiiwasan na sitsitin ng mga nag-agham sa pagka-Pilipino ang bawat himulmol ng ulat. Pang-2, sa hulaan ng mga puok na sinuri, maisasali ba o hindi ang Manila at ang ilog nitong pilipit na tatawaging Pasig pagtagal? Nuong lamang 1290 naging tagpuang kalakal ang Manila kaya sina Emma Blair at James Robertson lamang tumuring duon. (Ang Tondo sa kabila at mas mayuming panig ng ilog, ay mas matandang nayon ng mga mangingisda na nakipagkalakal sa mga kalapit baranggay lamang. Lahat nito ay nasa Ang Unang Conquistador na kasama sa website na ito.)
|
|
TAÓN NG 1280
ANG bayan ng Ma-yi ay nasa hilaga ng Poni. Bandang 1,000 mag-aanak ang naninirahan sa mga pampang ng isang pasikut-sikot na ilog. Nagdadamit ang mga tao ng telang deilo (linen) na parang mga kumot, o tinatakpan ang kanilang katawan ng mga sarong. Sa liblib ng mga gubat, nagkalat ang mga tansong estatwa ng Buddha, subalit walang makapagsabi kung saan nanggaling ang mga ito. Bihira magpunta duon ang mga mandarambong. Pagdating ng mga barkong nagkakalakal, dumadaong sila sa tinatawag na puok ng mga ginoo (mandarins). Iyon ang ginagamit bilang pamilihan (market), kung saan ginaganap ang palitan ng mga paninda ng iba’t bang bayan. Pagka-angkla, naghahandog ang capitan ng barko ng mga puting payong na gamit araw-araw duon dahil kailangang makaibigan ang mga ginoo. Ang gawi ng kalakal ay sama-sama ang mga taong ligaw (barbarians) may kani-kanyang buslo (baskets), at kinukuha ang mga paninda sa barko. Bagaman at hindi kakilala ang mga kumuha, walang paninda na nawawala o nananakaw kahit kailan. Nilalako ng mga taong ligaw ang mga paninda sa ibang mga pulo kaya 8 o 9 buwan ang nagdaraan bago maibalik ang katumbas ng nailakong mga paninda. Napipilitang maghintay ang mga barkong nagkakalakal kaya ang nangyayari, laging kulelat sa uwian ang mga nagkakalakal sa Ma-yi. Ang mga natatanging puok sa bayang iyon ay San-hsii, Pai-pu-yen, Pu-li-lu na malapit sa San-hsii, Li-yin-tung, Lin-hsin at Li-han. Ang San-hsii o ‘3 Pulo’ ay sakop ng Ma-yi. Ang pangalan nila ay Ka-may-en, Pa-lao-yu at Pa-chi-neng. Ang mga kalakal sa bayang iyon ay pagkit na dilaw (yellow wax), bulak (cotton), perlas, bahay-pagong (tortoise shells), ikmo at bunga (betel nuts) at telang yu-ta (jute, sako). Ang paninda ng mga dayuhan ay porselana, gintong pangkalakal (commercial gold), pira-pirasong bakal (iron) at tingga (lead), mga holen (glass beads), mga karayom at perlas na may kulay. SAN-HSII Ang bawat pulo ay may sari-sariling lipi at kalat-kalat ang mga tahanan nila duon, subalit pagdating ng barkong nagkakalakal, nagtitipon silang lahat. Ang pangalan ng lahat ng pulo ay San-hsii at ang ugali nila ay kahawig sa Ma-yi. Ang bawat lipi ay binubuo ng 1,000 familia. Maraming bundok sa bayang iyon na kasing tarik ng malalaking pader. Ang bahay ng mga tao ay gawa sa kawayan (bamboo). Bihira ang mga sapa sa taas ng bundok kaya bumababa ang mga babae at umaakyat uli, may dala-dalang 2 o 3 palayok ng tubig sa kanilang ulo. Hindi nila pinapansin ang bigat ng dala-dala, pumapanhik sa bundok nang kasing gilas ng paglakad nila sa patag. Sa looban, ang mga libis (valleys) ay tinitirahan ng isang lahi na tinawag na Hay-tan. Punggok sila, bilog at dilaw ang mga mata, kulot-kulot ang buhok at kitang-kita ang mga ipin nila sa bibig. Nagpupugad sila sa mga sanga-sanga ng mga punong kahoy at isang mag-anak, 3 hanggang 5 tao, ang tumitira sa bawat pugad. Palaboy-laboy sila sa mga sukal ng gubat at hindi nakikita ng mga nagdaraan, na pinapana nila. Kaya sila kinakatakutan. Kapag binigyan sila ng porselanang mangkok, tinatanggap nila sabay yuko bilang pasalamat. Tapos, takbuhan na sila, hiyawan nang hiyawan sa tuwa. Pagsapit ng mga dayuhan sa nayon ng mga taong ligaw, iaangkla nila ang barko sa gitna ng pasigan (current o agos) ngunit hindi sila maaaring bumaba mula sa barko. Nagpapatunog sila ng tambol, saka darating ang mga taong ligaw sa kanilang mga bangka, dala-dala ang kanilang kalakal na bulak, niyog, camote, makikinis na banig at lahat ng maiaalok nila kapalit sa paninda ng mga Intsik. Kung hindi magkasundo sa halaga ng palitan, kailangang ipatawag ang pinuno ng nayon upang siya ang makipag-ayos nang harapan kung anong halaga ang ikaliligaya ng bawat isa. Ang mga paninda ng mga Intsik ay mga sutlang payong at telang sutla, porselana, damaskong itim (black damask), mga perlas na magkakaiba ang kulay, tingga, lata (tin) at isang uri ng buslo na gawa sa rattan. Bilang siguro (bond), nag-iiwan sa barko ng mga kalakal na 2 o 3 mas malaki ang halaga kaysa mga paninda na ilalako sa nayon. Pagkaraan ng 3 o 4 araw, ibinababa na ang mga siguro at isinasauli na sa mga taong ligaw. Babalik na sa barko ang mga dayuhan at tutuloy sa susunod na nayon at magkakalakal uli duon sapagkat ang mga nayon sa dalampasigan ng 3 Pulo ay hindi kabilang sa iisang pamahalaan. Tinatakpan ng mga bundok ang mga barko mula sa malakas na hangin kapag tag-ulan ng silangang hilaga (northeast monsoon). Subalit kapag panahon ng bagyo (southwest monsoon), malakas ang hampas ng alon sa dalampasigan at natatangay ang mga barko kahit naka-angkla. Kaya natatagalan ng 4 o 5 buwan ang pagbalik ng mga nagkakalakal sa 3 Pulo. Ang Pu-li-lu ay malapit sa 3 Pulo. Ang mga baranggay at nayon duon are punong-puno ng tao, subalit sila ay malupit at mahilig mandambong (piracy). Ang dagat naman ay maraming batuhan (coral reefs) at ang dalampasigan ay may mga bato na uka-uka, gaya ng bulok na kahoy, at matutulis na parang mga sibat. Upang makarating duon ang mga barko, lumilihis sila nang malayo sa mga matulis na bato. May mga coral duon subalit mahirap makuha. Ang mga ugali at gawi duon ay katulad sa 3 Pulo. |
TAÓN NG 1225
Ang bayan ng Ma-i ay nasa hilaga (north) ng Borneo. Ang mga katutubo ay nakatira sa malalaking nayon ng mahigit 1,000 bahay-bahay, sa magkabilang pampang ng isang ilog, at nagdadamit sila ng tela na hawig sa kumot, o nagtatakip lamang sa katawan ng bahag. Sa mga liblib at gubat, nagkalat ang mga estatwa, mga Buddha na hindi mawari kung saan nagmula. Bihira nakarating duon ang mga mandarambong (pirates). Pagdating ng mga barkong dagat, dumadaong sila sa harap ng tiyangge (plaza, market), ang pamilihan ng bayan, upang magpugay at magpatala sa mga namamahala. Pagkatapos, maaari na silang makihalo sa mga tao. Dahil gawi ng mga pinuno ng bayan na mag-payong ng puti (white umbrellas), kailangang handugan sila ng puting payong ng sinumang dumating sa barko upang magkalakal. Ang ugali ng pagkalakal duon ay dinadayo lahat ng bangka ang barkong dumating at inilalagay ang mga paninda (merchandise) sa maraming buslo (baskets). Tapos alisan na ang mga bangka, tangay-tangay ang mga paninda. Kahit na hindi nila (ng mga taga-barko) kilala ang mga naka-bangka na kumuha, pagtagal-tagal namumukhaan na rin nila, kaya sa huling tuusan, walang nawawala sa mga paninda kahit isa. Ang mga kumuha ay lumiligid sa iba’t ibang pulo sa paligid upang ipagpalit ang mga paninda ng mga katutubong kalakal. Umaabot hanggang Septiembre o Octobre bago sila makabalik upang bayaran ang mga kinuhang paninda ng kung anuman ang naipagpalit nila. Nangyayari pa na mas matagal pa bago bumalik ang ibang lumigid kaya ang mga barko na nagkalakal sa Ma-i ang pinakahuling makabalik (sa China). Katulad ng Ma-i ang mga puok na tinawag na San-hsu, Pai-pu-yen, Pu-li-lu, Li-yin-tung, Liu-hsin, Li-han at iba pa. Ang mga katutubong kalakal ay pagkit (beeswax), bulak (cotton), tunay na perlas (true pearls), ikmo na panghimasmas (medicinal betel), telang yu-ta (jute? sako?) at bahay-pagong (tortoise shells). Bilang kapalit, nagkakalakal (ang mga Intsik) ng porselana, gintong pangkalakal, palayok na bakal, tingga, karayom na bakal at mga sari-saring kulay na holen o maliliit na pirasong salamin (glass beads). SAN-HSU Ang San-hsu o Tatlong Pulo ay katulad ng Ma-i, at may mga pangalan gaya ng Chia-ma-yen, Pa-lao-yu at Pa-chi-nang. Sa bawat pulo, kalat-kalat at kani-kanila ang mga lipi na lumalaot upang magkalakal tuwing dating ng mga barko. Lahat-lahat, tinawag ang mga pulo na San-hsu, at ang mga ugali nila ay kahawig sa Ma-i. Mahigit 1,000 mag-anak (familias) ang kabilang sa bawat lipi. Dikit-dikit ang mga gulod at bangin sa mga lupa, ang iba ay kasing tarik ng dingding ng bahay. Duon sa mga tuktok nila itinatayo ang kanilang mga kubo, mga bahay na gawa sa himay-himay na kawayan (bamboo) at rattan (caña, reeds). Dahil walang tubig sa tuktok ng bundok, bumababâ ang mga babae, 2 o 3 sisidlan ang patong-patong sa kanilang ulo. Umiigib sila ng tubig bago umaakyat uli sa bundok nang buong gilas at hinhin, parang naglalakad lamang sa patag. Sa mga liblib na libis (valleys) mayroong ibang uri ng mga pamahayan, tinawag na Hai-tan. Ang mga tao duon ay pungok (short), ang mga mata nila ay bilog at matingkad, ang buhok nila ay kulot-kulot, at usli ang kanilang mga ipin. Namamahay sila sa taas ng mga punong kahoy (treetops). Kung minsan, 3 o 4 sa kanila ang patago-tago sa gubat at pinapana nila ang sinumang nagdaan, at marami ang nasaktan nila nang ganito. Subalit kung nag-iiwan ng porselana sa sukal, hinahanap nila at sinusunggaban kapag natagpuan. Tapos, nagtatakbuhan sila, naghihiyawan at nagtatawanan. Kahit kailan dumating barkong nagkakalakal sa isang nayon, hindi sila pangahas na bumababa agad. Tumitigil muna sila sa gitna ng pasigan (midstream) at magta-tambol upang tawagin ang mga tao na una-unahan namang darating, sakay sa kanilang mga bangka at dala ang kanilang mga kalakal gaya ng pagkit, bulak, kakaibang tela (strange cloth) at mga banig na hawi sa puso ng niyog (coconut-heart mats). Kung hindi nagkasundo sa halaga ng palitan, tiyak na darating ang pinuno ng mga tagapulo upang yariin ang tawaran. Pagkatapos, hinahandugan siya (ng mga Intsik) ng mga payong na sutla (silk umbrellas), porselana o mga buslo na gawa sa rattan. Kahit nagkasundo na, 1 o 2 tao ang naiiwan sa barko bilang patibay (hostages) habang nagkakalakal sa lupa ang mga dayuhan. Kapag tapos na lahat ng bilihan saka lamang pinapawalan ang mga patibay. Hindi lumalagpas ng 3 o 4 araw, likas na ang barko papunta sa ibang nayon o pulo. Walang isang naghahari sa lahat ng mga taong ligaw (barbarians) sa San-hsu (maniwari, sila ay malalaya). Nakahilig ang mga bundok, nakaturo sa silangang hilaga (northeast), at madalas kapag tag-ulan, humahampas sa mga bundok ang malalaking alon kaya hindi nakakahimpil duon ang mga barko at kaskasan sila sa gitna ng dagat. Dahil dito, ang mga barkong nagkakalakal sa San-hsu ay karaniwang umuuwi (sa China) bandang Mayo-Junio. Kalakihan ng kinakalakal duon ay mga porselana, lata (tin), sutla (pongee silk), makukulay na holen (glass beads) at tingga na pabigat sa lambat (lead fishnet sinkers). Kaugnay ng Pu-li-lu ang San-hsu subalit mas malalaki ang mga nayon duon. Mababangis ang mga tao at mahilig mandambong (plunder). Ang dagat duon as puno ng butas-butas na bato (coral), matutulis, parang mga sibat at palakol kaya ilag ang mga barko pagdaan duon upang hindi mawakwak. Nagkakalakal sila ng shan hu (mamahaling puno ng coral) subalit mahirap makuha ito. |
Tagasaan Ang TIYAK NA Mindoro ang Ma-i sapagkat Mait pa ang pangalan sa pulo nang dumating ang mga Español (sina Miguel Lopez de Legazpi nuong 1565), at siyang tawag pa hanggang ngayon ng mga tagabundok at mangingisda duon at sa mga karatig pulo. Malinaw na ang Pai-pu-yen ay ang kapuluan ng Babuyan Islands, kilalang landas ng mga mandarambong na sumalakay sa Fujian nuon pang panahon ni Chao Ju-kua. Ang Pa-lao-yu naman ay ang Pa-lao-yuan o Palawan sa 2 landasan ng paglayag (sailing directions) na nalathala sa China 400 taon pagkamatay ni Chao Ju-kua. Sapantaha ni Antoon Postma, dalubhasa tungkol sa pagka-Mangyan, na ang Chia-ma-yen ay bigkas Intsik ng ‘ka-mangyan’ at ang ‘kamangyanan’ o puok ng mga Mangyan na naging pangalan ng kapuluan ng Calamian (Calamianes, Calamian Islands) sa pagitan ng Palawan at Mindoro. Ang iba pang mga pangalan ay hindi na matunton ngayon, pulos mga walang kabuluhang paglalarawan sa wikang Intsik maliban sa San-hsu, ang 3 Pulo. Bagaman at iyon ang salin ng kataga, ang tunay na ibig sabihin nito ay maraming maliliit at makakalapit na pulo. Halimbawa, upang linawin ang kalituhan: Maaaring isalin ang San-hsu sa Pulo-pulo upang ipahiwatig, hindi 2 pulo lamang kundi maraming pulo. Mahuhulà na ang Pulo-pulo ay Visayas, ang maraming pulo sa kalagitnaan |
Mga Pangalan ng Pilipinas na tinatahak ng mga barkong Intsik mula Mindoro hanggang Borneo patungo sa Maluku (Moluccas, spice islands). Ito ang landas na inilarawan ng isa pang dalubhasa sa China, si Chang Hsieh, sa kanyang Tung Hsi Yang Kao (Silangan at Kanlurang Landas Dagat) na nalathala nuong 1618. Hula rin ang ginawa ng mga dalubhasa ngayon sa pagtunton sa Li-yin-tung, na Lingayen daw, sa Pangasinan, Liu-Hsin, na Luzon naman daw, at Li-han, na pulo ng Lubang daw, kahanay ng Batangas, sa hilaga ng Mindoro. Hindi pa rin matunton ang Pa-chi-nung at ang loobang gubat sa libis ng Hai-tan. Mahirap paniwalaan na ang Pu-li-lu ay Polillo sa silangang baybayin ng Pilipinas dahil hindi dadaan ang mga barko ng China papuntang timog (south) sa malayo at mapanganib na gilid ng dagat Silangan (Pacific Ocean). Isa pa, Polillo ay ‘munting pulo’ sa wikang Español, na malamang nagbigay ng pangalang iyon 300 taon pagkamatay ni Chao Ju-kua. Ang shan hu o mamahaling sanga-sangang coral na nasabing natatagpuan duon ay ang tinawag na pulang coral (red corral) nuong unang panahon sa dagat Mediterranean, sa pagitan ng Europa at Africa. Subalit bihira itong matagpuan sa Pilipinas maliban sa isang lihim na puok, ayon sa balita nuong 1983, sa silangan ng kapuluan ng Cuyo (sa pagitan ng Palawan at Panay). |
Kung ito nga ang tinawag na San-hsu o Pulu-pulo, maniwaring lakbayan ng mga nagkalakal na Intsik ang mga baybayin ng Palawan at Calamianes hanggang Mayo o Junio, pagkatapos ay nagkakanlong sila sa Mindoro hanggang Septiembre o Octobre, paglipas ng masamang panahon. Wala sa mga puok ang nasabing sakop o naka-ilalim sa ibang puok, gayong nasabing ‘kaugnay’ ng Pu-li-lu ang San-hsu. Lantad na Ma-i ang pinaka-tanyag sa lahat: Ito lamang ang tinawag na ‘bayan’ at naulat na nakipagkalakal ito sa Canton 250 taon bago sumulat si Chao Ju-kua, at mawawari na ito ang pangunahing tambakan (entrepot) ng kalakal ng Intsik na ipinagbibili sa iba’t ibang pulo sa paligid. Duon humihimpil ang mga barkong kalakal, nagpapalista (register) bago magkalakal, tapos binabangka ang mga paninda sa mga puok na hindi kilala ng mga Intsik. Sinumang naghari sa Ma-i, pati na ang mga tao na pinagharian niya, ay waring mga bagong salta sa puok, sapagkat hindi nila alam kung saan nagmula o ano ang mga estatwa ni Buddha na nagkalat sa gubat duon. Ang mga kalakal ng mga katutubo ay inilalako sa maaakit na taguri, gaya ng ikmo na panghimasmas (medicinal betel) na maaaring walang galing gumamot kaysa karaniwang ikmo. At ang banig ng puso ng niyog (coconut-heart mats) ay katunayang karaniwang banig na hawi sa rattan o pandan (pandanus mats). Ang iba pang kalakal na inilista ni Chao Ju-kua ay kagulat-gulat sapagkat kalakal pa hanggang ngayon. |
Ang pagkit (beeswax) na bahay-bubuyog ay iniluluwas pa mula sa mga bundok. Inilalako pa sa mga pamilihang bayan (public markets) hanggang ngayon ang ikmo at banig pandan. Ang telang abaca (tinawag ding sinamay) ay hinahawi ng kamay, hindi ng maquina (textile mills), at ang coral, bahay-pagong at perlas ay kasalukuyang mamahaling kalakal panglabas (export commodities).
Malawak ang paggawa ng telang bulak (cotton cloth industry) nuong unang pasok ng mga Español sa kapuluan at patuloy na pinagbili sa China hanggang panahon ng Amerkano. Nakatuklas pa ng mga ligaw na puno ng bulak sa Cebu kailan lamang. Mali ang taguri ng ibang aklat na kapok ang puno ng bulak - hindi nahahawing tela ang kapok at ginagamit lamang palaman sa mga kutson (colchones, cushions, mattresses). [Ang pagtanim at paggamit ng bulak ay laganap sa India mula pa nuong unang panahon at maaaring nakaabot sa Pilipinas nuong limot nang nakaraan.] Kagila-gilalas, walang binanggit si Chao Ju-kua tungkol sa ginto na laganap na kalakal sa Pilipinas nuon, lalo na’t binanggit niya ang paggamit ng gintong pangkalakal at, sa ibang bahagi ng kanyang aklat, ang paminsan-minsang palitan ng ginto sa Taiwan. Maniwaring hindi minina (mining) ng mga Pilipino ang ginto upang ipagpalit sa mga dayuhan. Higit malamang, inilihim ng mga Intsik ang nakalakal na ginto at walang nagsabi kay Chao Ju-kua na, sa huling tuusan, ay isang pinuno ng pamahalaan ng China at baka ilitin lahat ang ginto. |
Kuru-kuro Ni Taong Ligaw (barbarian) - Tawag ng Intsik sa lahat ng hindi Intsik, maliban lamang ang mga taga-Korea, Japan at Annam (North Vietnam ang tawag ngayon) Pasikut-sikot na ilog - Malamang ito ang ilog Pasig at ang nayon ay Manila Ma-yi - Lumang pangalan ng Luzon, mula sa Bahi o Ba-i ang dating tawag sa luok ng Bay (Laguna de Bay). Sa ibang wikang Intsik, ang pangalan ay isinulat na Ma-yit, Ba-hi o Ba-yit. Ang parangal ng mga pangunahing Tagalog ng Bulacan nuong pagpasok ng mga Español ay Gat-maytan kaya aking sapantaha na Ma-yi malamang ang lumang pangalan ng Bulacan na nuon pa ay pinakamayamang bahagi ng Luzon. Ang buong kapuluan ng Pilipinas ay tinawag na Ma-yi ni Chao Ju-kua. Ayon kay Doctor Hirth, ang titik na Ma-hi sa wikang Intsik ay mababasa ring Mo-yat, Ba-ek, Ma-i, Ma-yek at iba pa. Poni - Dating tawag ng Intsik sa pulo ng Borneo. Sarong - Tawag ng Malay sa tapis (skirt). |
Blumentritt Mga estatwa ng Buddha - Patibay ito na dati ay malawak ang pagsamba ng buddhist sa Pilipinas, nanggaling sa India. (Ayon kina Blair at Robertson: Mas malamang, dala ang mga estatwa ng mga Intsik at ipinagbili sa mga mapamahiin (superstitious people) at hindi kailan man pumasok o lumawak ang pagsambang buddhist sa Pilipinas, kahit na paniwala ni P.L. Stangl na pumasok ang pagsamba mula sa Java.) San-hsii - Ang ibig sabihin ay 3 Pulo at baka turing sa Visayas. Ang Pai-pu-yen ay baka ang kapuluan ng Babuyan. Ang Pu-li-lu ay maaaring Mindanao. Ang Li-yin-tung ay Lingayen. Magkahawig ang bigkas sa Lin-hsin at Lin-hsing (Lin-sung ayon kay Stangl) na tawag ng Intsik sa Luzon, subalit maniwaring Calilaya (Tayabas) ang tinuturing ng Intsik. Li-han ang lumang tawag ng Intsik sa Malolos, at ang parangal sa mga pinuno duon ay Gat-salihan o Gatsalian. Yu-ta - Maniwaring tawag sa abaca. Ka-may-en ay Mait o Mindoro. Pa-lao-yu ay Paragua o Palawan. |
Pa-chi-neng ay maaari ring bigkasin sa Intsik na Pa-kat-lung o Ba-ki-lung. Parang ito ang tawag nila sa Visayas, samantalang San-hsii ang turing nila sa buong Visayas, kasama ang Mindoro at Palawan. Gintong pangkalakal - salapi ng Java at Thailand? Baka ginamit sa Pilipinas. [Blair at Robertson: Ang sulat ni Stangl dito ay may kadugtong na ‘subalit paano nakarating sa kapuluan?’ Baka ito ay buhaghag na ginto (gold dust) o mga alahas (gold ornaments). Hindi kapani-paniwala na gamit dito ang salaping ginto ng Java o Thailand at kung mayroon man, malamang ang mga Intsik na rin mismo ang nagdala, dahil matagal na nilang narating ang mga bayang iyon.] Hay-tan ay mga Aeta, Ita o Negrito. Nagulat kami sa tanda ng tawag na ito, parang pang-kasalukuyan ang paglarawan na isinulat ni Chao Ju-kua bagaman at nalito siya sa sinulat na ‘pugad’ ng mga ito sa taas ng mga punong kahoy, na gawain ng ibang mga tribo sa Mindanao. [Blair at Robertson: Nuong Marso 14, 1905, sinulat ni LeRoy na natutulog paminsan-minsan ang mga Negrito sa mga sanga ng punong kahoy subalit mahirap paniwalaang ‘nagpugad’ sila o gumawa ng mga bahay sa mga puno, na ugali ng ibang mga Malay sa Pilipinas na may halong dugo ng mga Negrito.] [Pagdating nina Ferdinand Magellan sa Pilipinas nuong 1521, nakita nilang nagbahay ang ibang mga taga-Cebu sa itaas ng mga punong kahoy. Nasa Ang Unang Español ni Antonio Pigafetta, kasama sa website na ito. ] Kitang-kita ang ipin - Gawi ng mga indio na kulayan ng itim ang mga ipin, dating ugali ng maraming mga Malay. Ang mga Negrito ay hindi nagkukulay ng ipin. |
Lipi - paniwala ko na ang tinukoy ay baranggay o nayon. Bilog at dilaw na mata - [Blair at Robertson: Ang salin ni Stangl dito ay ‘bilog at makintab na mga mata’ (round eyes of a shining appearance).] Bulak - Dapat paniwalaang mga telang hawi sa bulak. [Blair at Robertson: Hindi kailangan. Sulat ni Stangl na dapat ituring ang puno ng kapok, na tubong ligaw sa Pilipinas, dahil sa katagang ginamit ni Chao Ju-kua, maniwaring katagang Intsik. Ang tanim na bulak ay tinawag na kapas sa Java.] Hindi kabilang sa iisang pamahalaan - Idinidiin ni Chao Ju-kua na walang malawak na kaharian sa Visayas. Pahiwatig ito na sa Luzon, may ilan-ilang nayon na sakop ng isang hari o panginuon. [Blair at Robertson: Hindi kailangang pahiwatig ito.] Pu-li-lu ay...punung-puno ng tao - Mas maraming tao sa Mindanao nuon kaysa ngayon (1890). Ang pulo ng Sarangani na ngayon (1890) ay may 1,500 Bilan at 100 Moro ay puno ng mga tao nuong 1548 (panahon ni Ruy Lopez de Villalobos), mayroon pa silang kuta (fort) sa tuktok ng isang bundok duon. Marami ring batuhang matutulis (sharp coral reefs) sa mga dalampasigan duon, ayon sa mga sulat ng mga frayleng Español, gaya nang sinulat ni Chao Ju-kua. At ang lihis nang malayo ng mga barko duon ay tulad sa nilalandas ng mga barko ngayon (nuong 1890), lalo na sa banda ng Cape San Agustin (sa dulong timog ng Davao del Sur). |
Sino Si   SI Ferdinand Blumentritt ay kinilalang dalubhasa sa mga unang tao (anthropologist), lalo na sa agham (science) ng gawi at buhay ng mga napag-iwanan ng kabihasnan (ethnology), ang tinatawag na mga primitivo (ethnics). Isinilang siya nuong 1853 sa Prague, punong lungsod ngayon ng Czech Republic subalit nuon ay bahagi lamang ng malawak na Austria-Hungarian Empire. Nagtapos siya nuong 1877 at sa gulang ng 24 taon, nagsimulang magturo bilang professor sa Leitmeritz, sa Austria. Inilathala niya ang unang niyang aklat pagkaraan ng 2 taon, Ang mga Intsik Sa Pilipinas (The Chinese in the Philippines). Nasa Europa nuon si Jose Rizal na akit sa anumang ulat tungkol sa pinagmulan ng mga unang Pilipino. Nakipagsulatan at nakilala niya si Blumentritt, dinalaw pa niya sa Leitmeritz nuong 1887, nang isinulat niya ang Noli Me Tangere. Naging magkatalik sila at pinag-ibayo ni Blumentritt ang pagsiyasat sa kasaysayan ng mga unang Pilipino, kaya naging dalubhasa siya kahit na hindi siya nakarating sa Pilipinas kahit minsan. Ipinaalam niyang lahat kay Rizal. |
Blumentritt?
Nang simulan ng mga Pilipino sa España na ilathala ang La Solidaridad nuong 1889, nagpadala si Blumentritt ng kanyang pagsusuri upang maisali sa pahayagan. Nuong taon ding iyon, ipinagtanggol din niya si Rizal sa isang sulat nang laitin ng mga frayleng Español sa Manila ang Noli Me Tangere. Sinulat ni Blumentritt ang paunang hayag (introduction) sa Sucesos delas Islas Filipinas ni Antonio de Morga na kinuro at dinagdagan ni Rizal ng paliwanag bago ipinalathala nuong 1890. Sa sumunod na taon, 1891, sinulat uli ni Blumentritt ang paunang sabi (foreword) sa pang-2 aklat ni Rizal, ang El Filibusterismo. Patuloy ang kanilang sulatan habang 4 taon nakatapon si Rizal sa Dapitan. Malaki ang dalamhati ni Blumentritt nang bitayin si Rizal ng mga Español sa Manila nuong 1896. Isa sa mga sinuri ni Blumentritt tungkol sa mga unang Pilipino ay itong ulat ni Chao Ju-kua na isinalin niya sa wikang Aleman (German) at dinagdagan ng mga paliwanag na natutunan niya sa pagdadalubhasa tungkol sa Pilipinas. Kasama ang mga ito sa pagsalin nina Blair at Robertson at nakalahad ngayon dito sa wikang Pilipino. |
Paunawa Nina Blair WALANG sumulat kung kailan nabuhay si Chao Ju-kua subalit nabanggit ang pangalan niya sa Talaan Ng Hari (Imperial Catalogue) at maniwaring kamag-anakan (descendant) siya ng angkan ng mga haring Sung (Sung dynasty), na ang tunay na pangalan ay Chao. Pahiwatig din na ipinanganak siya nuong huling bahagi ng ika-12 sandaang taon (12th century). Pinuno siya ng mga tagasingil ng buwis sa asin (salt tax) sa lalawigan ng Fo-kien (Fujian ang tawag ngayon) at ang parangal niya ay Shih-po o ‘kapatas ng kalakal dagat’ (commissioner of customs ang tawag ngayon). Hindi nagtagal ang tungkuling ito sa Fujian, mula 1277 hanggang 1287 lamang, at maniwaring sa mga taon na ito matutuos ang panahon ni Chao Ju-kua. [ Kahanga-hanga ang nagawa nina Blair at Robinson, subalit mahirap paniwalaan ang tanto nilang mahigit 80 taon gulang na si Chao nang manungkulan at isulat itong hayag tungkol sa Pilipinas.] |
At Robertson Sa tungkuling ito, may pagkakataon siyang mag-ukilkil sa mga dumating matapos magkalakal sa labas ng China, mas marami nuong panahong iyon kaysa nuong nakaraan o pagkatapos, kaya madaling gawin. Ang sinulat niya ay ang Chu-fan-shih, halos lahat ay copia lamang ng mga nakaraang ulat, subalit mas maraming tukoy sa ibang bayan kaysa sa ibang kasulatan ng kaharian (court records). Ang hinalaw na kabanata na isinalin dito ay mula sa Periodico Hebdomadario Escolar o Linguhang Pahayagan Ng Mga Mag-aaral (Students Weekly Journal) nuong Noviembre 9, 1901, ang ika-6 limbag (issue). Si Clemente J. Zulueta ang naglathala, history professor nuon, pagkatapos ay naging tagasaliksik ng mga kasulatan at kasaysayan sa España para sa Kagawarang Pilipinas (Philippines Department) ng pamahalaan ng America (United States government). Ipinahiram ang pahayagan sa amin ni James A. LeRoy, dalubhasa sa pagka-Pilipino (Philippine ethnological expert). |
May palatastas ng patnugot (editor’s note) sina Blair at Robertson sa harap ng kabanata: ‘Paniwala namin na mahalaga itong salaysay ni Chao Ju-kua sa kasaysayan, lalo na tungkol sa mga unang panahon ng Filipinas, na isinulat 300 taon bago dumaling si Ferdinand Magellan, kaya namin isinalin sa English mula sa isang pagsalin sa Español. Isinalin ni Professor Blumentritt sa Aleman mula sa isang pagsalin sa English. Ayon kay Blumentritt, isinalin ni Doctor Hirth sa English mula sa Intsik nuong 1891.’ Hindi namin natunton ang pahayag ni Hirth, kaya napilitan kaming gamitin ang ulat ni Blumentritt na isinalin namin uli sa English. Isinulat sa amin ni LeRoy nuong Enero 27, 1904, na ‘Pag-aari ni Zulueta ang liham at |
pagsalin ni Blumentritt, ipinadala niya kay Rizal nang nakatapon (exiled) ito nuong 1894. Ang liham ang patunay na si Blumentritt ang sumulat ng mga kuru-kuro.’
May isang pahayag sa wikang Español, may kasamang pagsalin sa English, na nalathala sa Revista historica de Filipinas o Repaso Ng Kasaysayang Pilipino (Filipino Historical Review) nuong Junio 1905, ang ika-2 limbag, ay nilagdaan ni P.L. Stangl. Kakaiba ito sa ulat ni Blumentritt na nilathala ni Zulueta, hati sa 2 kabanata, Ma-yi ang una, San-Hsii ang pang-2. Ang pinili naming isalin ay ang version ni Zulueta, kasama ang mga kuru-kuro ni Blumentritt, dahil hindi namin alam kung paano binuo ang version ni Stangl. |
Ang Paliwanag Ni SI CHAO JU-KUA ay kapatas ng kalakal-dagat sa Chuan-chou, sa lalawigan ng Fukien (Fujian) nang isulat niya ang kanyang ‘Isang Pahayag Tungkol Sa Mga Taong Ligaw’ (Chao Fan Chih, An account of the various barbarians) nuong 1225. Bagaman at bahagi ng aklat ay binatay sa mga naunang ulat gaya ng Ling-wai Tai-ta, ang bahagi tungkol sa Pilipinas ay lantad na batay sa mga lahad ng mga bumalik pagkatapos magkalakal sa ibang bayan, kaya kasalukuyan sa panahong iyon. Ang ulat ni Chao Ju-kua ay bunyag na nuon pang 1911 nang ilathala nina Friedrich Hirth at WW Rockhill ang kanilang aklat, Chao Ju-kua: his |
William Henry Scott work on the Chinese and Arab trade in the 12th and 13th century entitled Chu Fanchi (‘Ang sinulat ni Chao Ju-kua tungkol sa kalakal ng Intsik at Arabe nuong ika-12 at ika-13 sandaan taon’). May ilang mali sa pagsalin nina Firth at Rockhill na maaari sanang huwag nang pansinin subalit masugid ang pagsipat ng mga manalaysay (historians) sa bawat kataga tungkol sa Pilipinas at, sa malas, naisali sa mga aklat na ginagamit pa hanggang ngayon sa mga paaralan. Kaya itinanghal ko rito ang mas makabagong pagsalin na ginawa namin ni I-hsiung Ju nuong 1968. |
Ang mga pinagkunan Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Prehispanic Source Materials For the Study of Philippine History, ni William Henry Scott, New Day Publishers (revised edition), Quezon City, 1984
Balik sa itaas
Mga Intsik Sa Pilipinas
Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas
Pang-email ng tanong o kuru-kuro
|