Portugal ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Kagagawan  Ng Portuguese
Portugal ‘Discovers’ but Ignores the Philippines

Binuksan ng Portugal para sa mga taga-Europe ang landas patungong
silangang timog (southeast) Asia, binagabag ang mga taga-Mindanao, at
sinadya o hindi, sinulsulan ang isang Portuguese din na pasukin
ang Pilipinas para sa hari ng España.

NUONG nagsimulang sumikat ang mga Portuguese halos 600 taon sa nakaraan, ninais nilang maiba sa mga Español na kauri-uri nila. Pinalawak nila ang alamat na mula sila sa lahi ng Lusitania, magiting at matandang bansa na lumaban daw sa pagsakop ng ancient Rome nuong 200 taon bago nagpanahon ni Jesus Christ (200 BC), hanggang pati ang mga Español ay naniwala na ang mga Portuguese ay mga Lusitanio.

Bansag sa alamat na ito ang pagpaslang kay Viriato, ang bayani ng himagsikan na hindi nagapi ng Rome kundi nuong suhulan nila ang 2 kabig ng magiting na general na patayin siya. Totoo na lumaban ang mga taga-Iberia sa Rome at nasakop lamang pagkaraan ng 200 taon ng tinawag na digmaan ng Cartagena (Carthaginian Wars). Maaaring totoo rin na may isang bayani silang tinawag na Viriato.

Ngayon naman, kahit ang mga Portuguese ay naniniwala na walang katuturan ang alamat na tinawag na Lusiadas, at hindi tunay na mayruong isang lahi na tinawag na Lusitania. Ang totoo ay walang pinag-iba ang mga Portuguese sa mga samut-samot na namuhay sa Iberia mula pa nuong bago natatag ang imperio ng Rome.

Totoo rin na ang Portuguese ang unang taga-Europe na ‘tumuklas’ sa Pilipinas, hindi ang mga Español ni Ferdinand Magellan na ulat sa mga laos na kasaysayan na itinuturo pa hanggang ngayon sa mga paaralan.

Mula sa pira-pirasong bahagi na naiwan nang bumagsak ang imperio ng Rome (Roman empire), nabuo ang mga kaharian ng mga Visigoth, mga Aleman (Germans) na dumayo mula sa Germany, lumupig at nakihalo sa mga dinatnang Romano (Romans), Greco (Greeks), Cartagenio (Carthaginians) at katutubong Celta (Celtic aborigines) sa matayog na kalatagan (plateau) sa dulong kanluran ng Europe na tinawag na Iberia.

Mga kahariang sinalakay naman at sinakop ng mga Moro.

Pira-pirasong Kabihasnang Sinakop ng Moro

Ang mga tunay na Moro, mga taga-Morocco sa Africa, ang tumawid sa dagat Mediterranean nuong ika-8 sandaan taon (8th century) at nagtatag ng isang kahariang tinawag nilang Al Andalus o Andalusia. Ang nakapigil lamang sa mga Moro ay ang mga kaharian sa mga bundok sa hilaga (north) ng Iberia, sa pamumuno ni Pelayo, isa sa mga hari nuon.

Ang mga magiting at mga hari duon ang lumaban sa sumunod na 800 taon upang mabawi ang Andalusia sa matagal na digmaang tinawag nilang requista (reconquest) o ‘muling pagsakop.’ Portugal Sila ang tumawag sa mga sarili na conquistadores (conquerors).

Isa sa mga kaharian duon ang Leon. Sa isang munting sulok ng Leon nagsimula ang Portugal, sa gilid ng dagat Atlantic, malayo sa mga kabihasnan ng Europe. Ang unang pangalan nito, Portucelia o lupain ng

daungan sa Cale (Terra Portucalensis sa Latin, Vila Nova de Gaia sa Portuguese) ay nanggaling sa munting daungan (port) ng Portus Cale (Latin uli, Porto da Galla sa bigkas ng Portuguese) na ngayon ay karatig ng lungsod ng Porto, sa bukana ng ilog Douro. Ang mga tagaruon, laging nag-aaway sila-sila, ay dating nagkasiya na lamang sa pagpulot-pulot ng anumang kabishasnang napadpad mula sa nakapaligid na
  1. Mga Moro na sumasakop nuon sa mahigit kalahati ng Iberia
  2. Mga taga-Castilia at mga taga-Leon, kapwa mahigpit na kalaban ng mga Moro - at ng pagsasarili (independence) ng Portugal
Salungat din ang simbahang catholico sa pagtiwalag mula sa Castilia (puok ng mga castillo, castle country sa gitna ng Iberia at pusod ng digmaan laban sa mga Moro) mula nuong 1095 nang naging conde ng Portucalense ang isang taga-France, si Enrique de Burgundia, asawa ng anak ‘sa labas’ (bastardo, illegitimate) ni Alfonso VI, hari ng Castilia nuon.

Pagkamatay niya, inagaw ng anak nila, si Alfonso Enriquez, ang mga lupain mula sa sariling ina upang hindi mabawi ng mga Castiliano o Castilla. Nuong 1139, nadagdagan ang lupain niya nang talunin niya ang mga Moro sa isang labanan, at sinimulan niyang tawagin ang sariling Alfonso 1, hari ng Portugal. Sa tibay at tagal ng paghahari niya, hanggang nuong 1185, napa-ayon niya ang Castilia sa pagsasarili ng Portugal. Pumayag na rin ang simbahang catholico nuong 1179.

Yumaman sa Kalkal at Kalakal

Patuloy na napalawak ang bagong kaharian, karamihan mula sa mga lupaing naagaw mula sa mga Moro, ang iba ay inagaw mula sa Castilia, hanggang nuong 1279, naabot ng Portugal ang kasalukuyang sukat ng kanilang territorio. Mula nuon, ipinagpatuloy nila ang digmaan laban sa mga Moro bilang kakampi, hindi galamay - kahiwalay at kapantay - ng katabing mga Castellaño at mga taga-Leon.

Itong 2 kaharian ang pinag-isa ng Castilia (Kingdom of Leon and Castile). Napag-isa rin ang 2 kaharian ng Navarre at Aragon at, nang nag-asawa sina Isabela 1 ng Castilia at Fernando 2 ng Aragon nuong 1469, nagbuklod ang Castilia at Aragon sa naging kaharian ng España nuong 1474. Sinimulan nila uli ang ‘muling pagsakop’ (requista) laban sa huling piraso ng Andalucia, kaharian ng mga Moro, sa Granada.

Nuong 1492, nang lubusang nang napalayas ang mga Moro mula sa Iberia, nawalan ng silbi, gawain, tirahan at pagkain ang libu-libong conquistador. Pinakalat sila ng España upang humanap ng ikabubuhay sa mga ‘bagong tuklas’ na lupain sa America, Africa at Asia. Sa mga lupaing iyon

natagpuan ng mga conquistador ang mga Portuguese, naunahan sila nang mahigit 50 taon.

Mula nuong naging hari sa Portugal si Juan 1 nuong 1385, nagpalaot na si Principe Enrique (Prince Henry, the Navigator) sa dagat Atlantic ng mga barko upang magkalakal, at sumakop, sa mga bagong lupain sa baybayin ng Africa. Nasakop ng Portuguese ang mga kapuluan ng B>Madeira at Azores. Nuong 1471, naagaw ng hari ng Portugal nuon, si Alfonso 5, ang mayamang lungsod ng Tangier sa Morocco mismo.

Nabigo ang tangka niyang maging hari ng Castilia subalit nagpatuloy ang paglawak ng lakbay at pagsakop ng mga Portuguese hanggang, nuong 1488, naabot ni Batolome Diaz ang dulong timog ng Africa, tinawag niyang Cabo da Boa Esperanza (Cape of Good Hope). Nagtatag ng matibay na kuta (fuerza, fortress) ang mga Portuguese sa Mozambique, sa kabilang baybayin ng Africa.

Bukas na ang landas papuntang Asia - at nakapinid (cerrado, closed) na sa iba pang mga taga-Europe, lalo na sa bagong kaharian at matagal nang karibal na España.

Demarcation lines Madalas nagsagupa ang Portugal at España sa dagat at nag-agawan sa mga ‘bagong tuklas’ na lupa. Dahil sa dami ng kanilang mga batikang conquistador at sa laki ng nakalkal na yaman mula sa mga Moro at mga Judio (Jews) na pinalayas ni Isabela 1, sila ang pinaka-malakas sa Europe nuon. Upang hindi malansag ang 2 kaharian, minungkahi ni Papa Julio 2 (Pope Julius II) at hinati nila sa 2 ang daigdig at inangkin ang tig-isang bahagi, pinagtibay sa kasunduan (treaty) ng Tordesillas nuong 1494, binago at inulit nuong 1524 sa kasunduan ng Saragossa (tinawag ding Zaragoza). Maraming parangal, mayruong pang suhulan, subalit paulit-ulit nilabag ng 2 kaharian ang 2 kasunduan simula’t simula pa.

Nuong 1500, 8 taon matapos ‘tuklasin’ ni Christopher Columbus ang America para sa España, binaybay ni Pedro Alvarez Cabral ang Africa upang hanapin ang India. Sa banda ng Guinea, tinangay siya ng hangin at agos ng tubig patawid sa dagat Atlantic at napadpad siya sa malawak na South America. Inangkin niya ang lupaing dinatnan, ang Brazil ngayon, para sa Portugal. Cabral Pagkaraan ng isang taon, narating ni Cabral ang Madagascar, ang malaking pulo sa silangang panig ng Africa.

Nilakbay at siniyasat ito ng isa pang Portuguese, si Triste de Cunha, nuong 1507, habang sinakop naman ang pulo ng Mauritius sa kalagitnaan ng dagat India nuong taon ding iyon.

Nakarating din si Cabral sa India nuong 1501 at

nagtatag siya ng mga himpilan ng kalakal (commercial houses) duon sa lungsod ng Cochin (Kuchin ang tawag ngayon, capital ng Madras) at sa Calicut, sa Madras din.

Nuong 1506, narating ni Lourenzo da Almerida ang Ceylon (Sri Langka ang tawag ngayon). Nuon nabatid ng mga Portuguese na ang kaharian ng Muslim sa Malacca (Melaka sa Malay) ang lagusan ng mga spice, ang mga pampalasa sa ulam na minimithi nila.

Nuong 1509, pinapunta ni Alfonso de Albuquerque, pinakamahusay na general ng Portugal, ang 4 barko upang siyasatin ang lakas ng Malacca para sa binabalak niyang pagsakop duon. Pinamunuan ni Diego Lopez de Sequiera, kasama sa pangkat ang 2 binatang Portuguese, si Fernao Magalhaes (Fernando Magallanes, Ferdinand Magellan) at ang kaibigan niyang Fernao Serrao (Fernando Serrano).

Kataksilan at Patayan ng mga Malay

HALOS walang alam tungkol sa unang panahon sa Malaysia at sa kalapit na pulo ng Si Ang Puro (‘siyang pulo,’ The Island, Singapore ang tawag ngayon at ang official na kahulugan ay ‘lungsod ng leon’) maliban sa sapantaha na bandang 10,000 taon sa nakaraan, nag-umpisang dumating ang mga Orang Asli, ang mga unang tao (aborigines) sa Malaysia, na kauri at walang pinag-iba sa mga tao na dumanak din sa iba’t ibang puok sa paligid, pati sa Pilipinas.

Sa lungsod ng Palembang, sa katabing pulo ng Sumatra, natatag, lumawak at umunlad ang isang kahariang Malay, ang Sri Vishaya (tinawag ding Sri Vijaya), simula nuong taon ng 650. Dumayo duon ang mga magdaragat at mga mandirigma mula sa paligid, pati na sa malayo-layong Pilipinas, upang magkalakal o mag-lingkod sa hukbong dagat.

Isang Vishaya mula sa Palembang, si Sri Tri Buana, ang nagtatag ng

sariling kaharian sa Si Ang Puro nuong 1299. Tumagal nang mahigit 700 taon ang Vishaya subalit bumagsak din nuong 1377 matapos ng 200 taon ng madugong paglusob ng mga karibal na kaharian, lalo na ang bagong kaharian ng Majapahit na sumibol sa katabing pulo ng Java nuong 1292.

Nuong 1388, isang maharlika ng Vishaya, si Paramesvara, ang tumakas mula sa pagsukol ng mga Majapahit sa Palembang at nagtago sa Si Ang Puro. Dahil anak-anakan (descendant) din ng Vishaya, kinupkop ng hari si Paramesvara subalit nagtaksil siya at pinatay ang hari upang agawin ang pagka-hari sa Si Ang Puro. Hindi nagtagal, inabutan si Paramesvara ng mga humahabol na mga Majapahit at ng mga Thai mula sa isa pang kalaban niyang kaharian ng Siam (Thailand ang tawag ngayon). Napilitang siyang tumalilis uli, pahilaga (northward) naman sa sukal ng Malaysia nuon.

Sa makitid na bahagi ng dagat sa pagitan ng pulo ng Sumatra at Malaysia, nagtatag si Paramesvara nuong 1401 ng isang kaharian, tinawag na puok na ‘may lakan’ o Mei Laka (Melaka ngayon, Malacca sa Europe).

Gaya ng nawasak na Vishaya, mabilis na yumaman ang Mei Laka mula sa buwis ng mga barko na kailangan tumawid sa pagitan ng Sumatra at Malaysia upang makapag-kalakal sa Arabia at sa China. At gaya rin sa Vishaya, kinainggitan at kinalaban ang Mei Laka ng mga katabing kaharian. Naka-amba nang lumusob ang mga Thai nuong 1405 nang dumating ang malakas na sandatahang dagat (armada, navy) mula China upang awatin ang mga kalaban ng Mei Laka.

Nagkataon naman, Muslim ang pinuno ng armada, si Jung Hu (tinawag ding Zheng He o Cheng Ho), at, sa matagal niyang paghimpil sa Mei Laka, naakit hindi lamang ang mga Intsik na nagkalakal mula sa China

kundi pati na ang mga kapwa Muslim na nagkalakal mula sa Arabia. Nagsamantala si Paramesvara at nag-Muslim na rin siya nuong 1414 at tinawag ang sarili na Sultan Megat Iskander Shah o Haring Mohammed Alexander, mula sa Alexander the Great.

(Kahit Muslim na, nanatiling maka-India ang mga taga-Mei Laka at ginamit kapwa ang turing na hari sa Arabe, sultan, at sa Hindu, shah.)

Sa tulong ng mga Intsik at mga Arabe, lumawak ang kanyang kaharian at sinaklaw ang buong Malaysia, pati na ang Si Ang Puro. Namatay si Paramesvara nuong 1424 at 85 taon na nagpayaman ang Mei Laka habang hinahanap ng Portugal ang pinagmulan ng mga spice.

Dumating ang mga taga-Europe

MAKAPANGYARIHAN at maraming kawal na nakita ang mga Portuguese nang dumating sila sa Mei Laka nuong Agosto 11, 1509, pagkatapos umikot sa Sumatra. Nagsugo ng isang pangkat ang capitan, si Diego Lopez de Sequiera, upang mag-alay ng handog kay Sultan Mahmud Shah at humingi ng pahintulot na magkalakal. Malugod na tinanggap ng bendahara, ang ministro ng sultan, ang mga handog ng Portuguese na lumapag nang lahat upang mag-usisa at makipagkalakal sa lungsod.

Dinumog sila ng mga tao sa Mei Laka na nuon lamang nakakita ng mga taga-Europe. Gulat sila sa kulay at anyo ng pinagkamalan nilang mga taga-Bengal (Bangladesh ngayon) at tinawag nilang ‘mapuputing Bengali.’ Hinipo ang kayumanggi o puting buhok at balbas ng mga Portuguese, hinimas ang maputing balat.

Huwag kayong magtiwala sa mga Portuguese, bulong sa sultan at sa bendahara ng mga nagkakalakal na taga- Arabia at mga taga-India, alam ang mga kagagawan ng Portuguese sa kanilang bayan. Sasakupin kayong lahat at aagawin ang inyong kayamanan!

Binalak ng sultan na biglang lusubin ang mga barko at bihagin sina

Albuquerque Sequiera subalit ibinunyag ang lihim ng isang babaing taga-Java na napa-ibig sa isang Portuguese. Nang nabalitaan ng sultan ang pagsiwalat, sinugod ng kanyang mga kawal ang mga Portuguese na lumilibot pa nuon at namimili sa bayan. Napatay nila ang mahigit 60 Portuguese at nabihag nila si Ruy de Aranjo at 20 pang mga kasama. Karamihan ng mga Portuguese ay nakatakas dahil sumagupa ang ilang conquistador, kabilang si Fernao Magalhaes, upang bigyan ng panahon ang mga kasama nila. Iniwan ang mga bihag, bumalik sina Sequiera sa Goa.

Gaya ng payo ng mga taga-India sa Mei Laka, nag-iipon nuon si Albuquerque ng isang hukbo na sumalakay sa mga moghul at sumakop sa lungsod ng Goa nuong sumunod na taon, 1510. Pagkatapos, abala si Albuquerque sa pag-ayos ng pamahalaan ng Goa at pag-ipon ng isa pang hukbong dagat kaya Julio 1, 1511 na nang tumapat sa Mei Laka ang 19 barko, sakay ang 1,400 conquistador at mga sundalo - 800 Portuguese at 600 taga-Malabar, India - upang, maniwari, sagipin si Aranjo at iba pang mga bihag.

Sinakop ang Melaka, hinanap ang Maluku

Nagpahele-hele muna si Sultan Mahmud Shah habang pinatibay niya ang tanggulan ng Mei Laka at nag-ipon ng mga kakamping mandirigmang Malay at taga-India.

Daig sa dami, halos 15 mandirigma laban sa bawat conquistador ang nagbakbakan sa Mei Laka nuong Julio 25, 1511. Marami ang napatay at nasugatan sa magkabilang panig. Natalo ang mga Portuguese at napilitang umurong subalit pagkaraan ng ilang araw lamang, pinag-ibayo ni Albuquerque ang pagsalakay at pagkanyon sa lungsod.

Nuong Agosto 10, 1511, si Sultan Mahmud Shah ang napilitang umurong sa kabayanan ng Ulu Bertram, sa Pehang, isang araw na lakad ang layo. Akala niya, magnanakaw lamang ang mga Portuguese at makakabalik siya sa Mei Laka pag-alis ng mga ito. Subalit, gaya ng payo ng mga Arabe, sinakop at nanatili sina Albuquerque. Pinatay lahat ng mga mandirigma subalit pinalaya ng mga Portuguese ang mga nagka-kalakal matapos kunin ang lahat ng ari-arian, at hinayaang bumalik sa Cormorin sa India, at sa Pegu sa Burma (Myanmar ang tawag ngayon).

Pagkaraan ng 2 linggo, nuong Agosto 24, 1511, inangkin ni Albuquerque ang palacio at mga ari-arian ni Sultan Mahmud at pinasimulan ang pagtatag ng makapal at malaking Magandang Kuta (Fuerza a Famosa, Fort Beautiful). Pinasimulan din niya ang pagkalakal muli sa Mei Laka ng

mga taga-iba’t ibang bayan. Sinugo niya si Duarte Fernandez upang makipag-ugnay sa Siam (Thailand ang tawag ngayon) at bago magbagong taon, nuong Deciembre 1511, pinalaot niya si Antonio de Abreu upang hanapin ang pangunahing pakay ng Portuguese, ang Maluku.

Hinirang ni Albuquerque bilang governador si Rui de Brito bago umalis nuong Enero 1512. Pabalik sana sa Goa, dala ang malaking kayamanan ni Sultan Mahmud ngunit tinamaan ng bagyo at lumubog ang kanyang barko, ang Flora dela Mar (Bulaklak ng Dagat), malapit sa Sumatra. Nakaligtas si Albuquerque subalit naglaho lahat ng kayamanang dala.

Dahil sa giting ng kanyang pakipag-laban nuong 1509, nahirang na capitan si Fernao Magalhaes subalit hindi siya kasama ni Albuquerque nang sakupin ang Mei Laka nuong 1511. Hindi rin siya kasamang humanap sa Maluku dahil Malacca bumalik siya sa Portugal nuong taon na iyon, 1512.

Kasama sa paghanap ang kanyang kaibigan, si Fernao Serrao, bilang capitan ng isa sa mga barko sa pangkat ni Abreu. Siya lamang sa buong pangkat ang nakarating sa Maluku. At siya ang unang taga-Europe na nakapasok sa Pilipinas, 9 taon nauna kay Magalhaes.

‘Natuklas,’ Hindi Pinansin ang Pilipinas

Kataka-taka, natuklas ng mga Portuguese ang Maluku, ang China at ang Japan, subalit hindi nila natuklas ang nasa gitna ng mga ito, ang Filipinas. Totoo, nasabi sa kanila ang tungkol sa pulo ng Burney sa dulong timog ng kapuluan. Subalit hindi sila tumigil duon, nagmadali silang makarating sa Maluku at sa mga spice duon...’     -- Pedro Chirino, frayleng Jesuit sa Pilipinas, 1604

MARAMING siniyasat at inulat si Chirino sa kanyang Relacion delas Islas Filipinas, salaysay tungkol sa Pilipinas, nag-aral at natuto pa mandin siya ng Tagalog at Cebuano (baka Waray-Waray din). Subalit mali siya sa akalang hindi narating ng Portuguese ang kapuluan.

Maaaring sinadya ang maling akala sapagkat ipinagma-malaki nuon ng España na ang mga Español sa pangkat ni Fernando Magallanes (pangalan ni Magalhaes pagkatapos lumipat sa España) ang ‘nakatuklas’ sa Pilipinas - ‘pagtuklas’ na ginamit na katibayan sa pag-angkin ng España Portuguese map

sa kapuluan. (Ang buong kasaysayan ng paglakbay ni Magallanes o Ferdinand Magellan sa Pilipinas ay naka-ulat sa ‘Ang Unang Español,’ sa website ding ito.)

Totoong hindi humimpil ang mga Portuguese sa Borneo o sa anumang pulo ng Pilipinas nuong 1512, subalit narating at nakita nila hindi lamang ito kundi pati ang kapuluan ng Jolo, Basilan at Mindanao, mga pulo na isinali nila sa kanilang mapa ng daigdig - at ginamit nilang batayan nang tangkain nilang palayasin ang mga Español mula sa Pilipinas pagkaraan ng mahigit 50 taon (nakaulat sa isa sa mga susunod na kabanata).

Ang kataka-taka lamang, batay sa mga nangyari nuong 1512 hanggang 1514, ay may nag-akala na narating ng mga Portuguese ang Maluku nang hindi nagdaan sa Pilipinas.

Agad natanto nina Abreu na mapanganib maglayag sa baybayin ng Java, ang karaniwang landas patungo sa Maluku mula sa Malacca, dahil sa mga kaharian ng Muslim duon na tutugis at lalagas sa kanila - Bantam, Mataram at Demak, at ang kaharian ng Macasar sa timog na bahagi ng Celebes (ang Sulawesi ngayon). Hindi man sila kakamping lahat ng Malacca na sinakop ng Portuguese nuong nakaraang taon, 1511, balisa pa rin ang mga kaharian na sila ang sunod na sakupin ng Portuguese.

Unsiyami sa pinaka-alam na landas patungo sa Maluku, naghanap ng ibang landas sina Abreu at nagpaligoy-ligoy sa pagitan ng Brunei (Borneo) at Si Ang Puro (Singapore) hanggang tinamaan sila ng bagyo. Nagkahiwa-hiwalay ang mga barko nila na bumalik lahat sa Malacca upang makumpuni ang mga nasira ng bagyo.

Maliban kay Fernao Serrao, ang kaibigan ni Magalhaes.

Lumiko sa Jolo

Nasiraan din sa bagyo, sisinghap-singhap na ang barko ng kaibigan ni Magalhaes nang nakanakaw sila ng isang dyong, barkong pandagat na inuso sa Java. Nakalipat sila sa dyong bago lumubog ang kanilang barko at, sa halip na bumalik sa Malacca gaya ng ibang barko ni Abreu, ipinasiya ni Serrao na patuloy hanapin ang Maluku. Napilitan silang magbigay ng suhol (soborno, bribe) sa hari ng Brunei na, dahil kaaway ng mga taga-Java, ay pumayag bigyan sila ng mga gabay (guias, guides) patungo sa Maluku.

Nuon pinasok nina Serrao ang Pilipinas.

Nilandas nila ang pagitan ng Jolo at Tagima (Taguima sa mga ulat ng Español, Basilan ang tawag ngayon) at binaybay ang Mindanao hanggang Saranggani patimog (southward), bago lumihis patungo sa Maluku. Pagkadaong nila duon sa pulo ng Ternate, nabunyag ang balak ni Serrao na hindi na magbalik sa Malacca o sa Portugal. Niligawan niya ang hari ng Ternate at hinirang siya nitong general ng kanyang hukbo laban sa matagal na niyang kaaway, ang hari ng katabing pulo ng Tidore.

Sa tulong ni Serrao at mga kasamang Portuguese, madaling napasuko ng Terrenate hindi lamang ang Tidore kundi ang buong kapuluan ng Maluku.

Nuong 1514, nagpadala uli si Albuquerque ng isang pangkat dagat sa

Maluku. Taon-taon mula nuon, naghakot ng mga spice ang mga Portuguese mula sa Maluku, gamit ang landas na ‘binuksan’ ni Serrao paligid sa Jolo at sa Mindanao. Gamit pa rin ng mga Portuguese itong landas pagkaraan ng mahigit 50 taon, nuong tatag na ang mga Español sa Pilipinas.

Pinilit nila si Serrano na sumama pabalik sa Malacca subalit nanatili ito sa Ternate, nagpadala pa ng sulat sa Portugal para sa kaibigan niyang Magalhaes tungkol sa pagkatupad ng matagal na niyang pangarap na magbuhay-principe. Niyaya niya duon si Magalhaes at inulat ang tantiya niyang layo ng Malacca sa Maluku - mali dahil minsan lamang niya nabagtas, nahaluan pa ng pagkaligáw sa bagyó at paligoy-ligoy bago natagpuan ang landas paligid sa Jolo.

Nayakag nga niya si Magalhaes. Matapos tanggihan ng hari ng Portugal, kumampi si Magalhaes sa España at naging pinuno duon ng pangkat dagat patungo sa Maluku. Subalit hindi na nagkita uli ang magkaibigan. Namatay si Serrao nuong 1521. Nuong taon ding iyon, narating ni Magalhaes at napatay sa mga pulo na tatawagin ng mga Español na ‘Las Felipinas’ sa sumunod na mahigit 300 taon.

Nuong 1515, nagdala ng isa pang hukbong dagat si Albuquerque at sinakop ang daungan ng Mormoz, sa dalampasigan ng Persia (Iran ang tawag ngayon). Pabalik sa Goa pagkatapos, namatay si Albuquerque.

Portuguese in Asia Ang Kahinaan ng Munting Portugal

ITINULOY ng mga Portuguese nang walang humpay ang pagsakop sa iba’t ibang bahagi ng Asia. Pagkaraan lamang ng 2 taon, nuong 1517, naabot ng pangkat ni Fernao Pires de Andrade ang Canton, sa China, at nabigyan ng pahintulot na magkalakal. Pagkaraan ng 40 taon, nuong 1557, pinayagan silang sakupin ang lungsod ng Macao duon.

Tinamaan ng bagyo at napadpad ang 3 Portuguese sa Japan nuong 1542. Sumunod na taon, nagbalik ang mga Portuguese at nagtatag ng bahay kalakal (trading house) duon sa kabayanan (town) ng Deshima.

Nuong 1590, narating nila ang malaking pulo sa timog ng China na tinawag nilang ‘Ilha Formosa’ o ‘magandang pulo’ (Isla Hermosa, Beautiful Island, Taiwan ang tawag ngayon). Tinangka nilang magtatag ng himpilan duon subalit iniwan din nila dahil higit na mayaman ang kalakal sa Macao at Deshima. Isa pa, wala silang sapat na tauhan upang ipagtanggol ang pulo na wala namang pakinabang.

Wala pang 2 milyon ang mga Portuguese sa buong daigdig (mondo, world) nuon. Umarkila (alquila, hire) sila ng libu-libong sundalo - mga patapon (vagabondos, drifters) at mga conquistador mula sa iba’t ibang kaharian sa Europe. Hindi pa rin nila nakayanang tanuran ang landas at pagharian ang mga lupain sa kabila ng daigdig.

Kasabay nilang dumanak sa Asia ang mga misionarios catholicos tulad ni San Francisco Xavier, ang apostol (apostle) ng mga indios, ngunit lagi nilang nakabanggâ ang mga Muslim na nagpapalawak din nuon ng Islam sa Borneo, Celebes at Maluku.

Ang tanging nahikayat nilang maging catholico ay ang mga kapuluang hindi pa narating ng mga Muslim, ang Amboina, kung saan namatay si Ruy Lopez de Villalobos nuong 1546, at ang silangang bahagi ng Timor (East Timor ang tawag ngayon).

Hindi nalihim sa mga inggit sa Europe ang kahinaan ng Portugal.

Mayruon mang tatag na sandatahang Portuguese sa Malacca at India, wala namang sapat na lakas upang saklawin ang Maluku o hadlangan ang sunud-sunod na pagsulpot ng mga Español at iba pang taga-Europe sa iba’t ibang panig ng silangang timog (southeast) Asia.

Isa sa mga pinaka-masugid si Felipe 2, naging hari ng España nang nagbitiw ang ama, si Carlos 5, nuong 1556. Si Felipe 2 ang nagmana sa maraming digmaan, at malalaking gastos, ng mga Español kaya kahit kanya ang pinaka-malaki at pinaka-mayamang kaharian sa Europe, nagsigasig siyang masaklaw ang mga kapuluan na binigyan pa ng kanyang pangalan.

Hindi nagtagal, ang walang kamalay-malay na mga tagapulo (islanders) na tahimik na namumuhay sa malayong gilid ng malawak na dagat Pacific ay niligalig uli ng mga manlulupig (conquistadores, conquerors) mula, hindi lamang sa Portugal, kundi pati na sa España, Britain at The Netherlands.

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata