PAGHANAP  SA  MGA  UNANG  PILIPINO:     Cronicas Española

Kasaysayan  Ng  Mga  Pulo  Ng  Pilipinas, 1595-1602
Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino

In-English ni Frederic W. Morrison ng Harvard University, at ni Emma Helen Blair

Mahilig Maligo ang mga Pilipino

MULA PAGKASILANG, sa tubig pinalalaki ang mga tagapulo, kaya babae at lalaki ay marunong lumangoy na parang isda, kahit na ang mga bata. Hindi nila kailangan ang tulay upang tumawid sa mga ilog. Naliligo sila kahit anong oras, upang linisin ang katawan o aliwin ang sarili.

Paligong Tagalog Kahit na ang mga buntis ay naliligo kahit kailan maisipan. Ang mga sanggol na bagong panganak ay binabanlawan sa malamig na tubig ng mga ilog at sapa. Pagkatapos maligo, pinapahiran nila ang buhok ng langis ng ajonjoli (sesame oil) na hinaluan ng pabango mula sa civet na naglipana sa lahat ng dako ng kapuluan (anyong pusang hayop na nalipol, naglaho pati ang pangalan). Kahit na hindi naligo, mahilig silang magpahit ng ajonjoli sa buhok, lalo na ang mga babae at mga bata.

Dala ng hinhin, nakatalungko sila kung maligo sa ilog, hanggang leeg ang tubig at malayo sa ibang tao upang hindi masilip. Karaniwang naliligo sila pagbaba ng araw, tapos na ang mga gawain nila at nililinis at pinagiginhawa nila ang katawan. Pauwi, nagdadala sila ng tubig na inigib upang magamit sa kanilang tahanan.

Sa pulo ng Panay, pagkatapos ng dasal sa simbahan para sa isang namatay, nakita ang lahat ng tao na nakipaglibing tumuloy agad sa ilog at naligo. Hindi man nila alam, katulad ito ng gawi ng mga judio.

Los Baños

Sa harap ng pintuan ng bawat bahay, naglalagay sila ng banga (tinaja, jar) na may tubig. Lahat ng pumasok, panauhin o kasambahay, ay naghuhugas muna ng paa duon, lalo na kung tag-ulan at maputik. Sanay na sanay silang maghugas ng paa, kinakaskas ang bawat paa sa kabilang paa. Ang tubig na pinanghugas ay tumatagas sa mga silat ng sahig na gawa sa mga patpat ng kawayan, at bumabagsak sa lupa.

Naliligo din sila upang magpagaling sa sakit. Dinadayo nila ang mga sapa ng mainit na tubig (hot springs). Nitong mga nakaraang taon, nabantog (sa mga Español) ang mga sapang mainit sa banda ng baranggay ng Bai, sa tabi ng lawa ng Bai (Laguna de Bay ang tawag ngayon). Tanyag na pampalusog ng katawan ang maligo duon, nakakagaling pa ng sari-saring sakit. At talagang napakadali at napakasarap magpunta duon kaya, kahit hindi kailangan, marami ang nagliliwaliw duon (Los Baños ang tawag ngayon).

Ilog Pasig

UMAAHAS ang ilog Pasig halos 30 kilometro mula sa lawa ng Bai hanggang sa luok ng Manila (Manila Bay ang tawag ngayon). Sari-sari at magaganda ang mga kubo-kubo, mga halamanan (jardines, farms) at mga bakuran ng manok, baboy at bibi (patos, ducks) na nakikita pabaybay sa ilog. Hindi nalalagas ang dahon ng mga punong kahoy duon kaya kahit anong bahagi ng taon, laging mayabong at makulay ang tanawin sa ilog.

(Tag-ginaw o invierno, winter sa Europe ang bahagi ng taon na tinukoy ni Chirino, kung kailan nalalagas lahat ng dahon ng mga punong kahoy, maliban sa mga evergreen tulad ng palutsina o pino, christmas tree.)

Dalawang uri ng puno lamang ang naglalagas ng dahon duon, kapwa ligaw

(salvaje, wild) at hindi nagbubunga bagaman at kapwa mahalaga at ginagamit.

Ang isa ay ang balete na tumutubong matayog, hugis tasa (cup-shaped) ang uluhang dahon na luntian (verde, green) at magandang tignan. Ang dahon nito ay medyo makitid, matigas at makintab at ginagamit ng mga Pilipino na pampalasa (spice, herb) sa pagluluto.

Matibay ang balete at tumutubo kahit sa batuhan. Maraming ugat ito na bumabalot halos sa buong katawan ng puno kaya mukhang may balbas.

(Talaga namang kagilas-gilas ang anyo ng punong ito, lalo na kung gabi. Paniwala na bawat puno ay binabantayan ng Ticbalan. May mga balete na nagbubunga, ang iba ay namumulaklak lamang. --Blair & Robertson)

Bonsai

MAHUSAY talaga ang mga Intsik, napapaliit nila ang malaking puno na ito at pinapatubo sa maliit na bato - kayang dalhin sa isang kamay ang puno pati na ang bato! Katulad ng pangkaraniwang tanim na maaaring ilagay kahit saan, halos 5 palmos (hanggang tuhod) lamang ang laki nito. Dahil kataka-taka at pambihira ang pagtatanim na ito sa bato, susuriin ko kung paano ginagawa. (Bonsai ang tawag ngayon; at paniwalang sa Japan, hindi sa China, natuklas ang pagtanim nito.)

Kumukuha sila ng usbong (sprout) na balot na ng mga ugat, at isang bato na butas-butas at hindi masyadong matigas at hindi makinis. Maraming bato na katulad nito sa mga batuhan (coral reefs) sa dalampasigan ng dagat.

Itinatali nila ang usbong pabalot sa buong bato bago binababad sa tubig. Tumutubo ang usbong na mahigpit ang kapit sa bato, hindi na napaghihiwalay ang dalawa.

Ang pang-2 puno na naglalagas ng dahon ay ang tinawag nilang dabdab (brillo, glitter). Kaiba sa balete, mas matayog ito at kulay pula (rojo, red). Tulad sa balete, masarap ding iluto sapaw sa ulam ang dahon nito, gamit pang aporo (lining) sa sinaing upang hindi dumikit ang kanin sa luob ng palayok. Kasing lapad ng palad ang dahon ng punong ito at hugis puso.

Kunyaring ‘namamatay’ tuwing Septiembre nang nalalagas ang mga dahon, ‘nabubuhay’ ito uli tuwing Enero paglitaw ng mga bulaklak (flores, flowers), tapos ang mga dahon (hojas, leaves).

Ang isa pang puno na dinala mula sa Nueva España (ang Mexico ngayon) ay ang anona (atis ang tawag sa Pilipinas) na dito, mas malaki at mas maraming bunga, masarap at mainam kainin. Naglalagas din ng dahon ang puno subalit bumabalik din, kasing bilis ng balete.

Subalit mabalik sa ilog Manila (Pasig river): Duon nagdadaan ang mga bangka papunta sa mainit na tubig na paliguan (sa Los Baños). Iba-iba ang laki ng mga bangka, batay sa dami ng sakay paakyat sa ilog. Ang lawa ng Bai ay kulang-kulang 200 kilometro paikot, malaki at isa sa mga pinaka-tanging puok sa buong daigdig (mondo, world).

Maraming mga ilog, baranggay at taniman ang buong paligid duon. Ang lawa mismo ay tabang na tubig (fresh water) at maraming maliliit na pulo ang nagpapalamuti sa ibabaw nito, ang ganda-ganda. Sagana sa isda at mga tagak (herons), mga bibi (patos, ducks) at iba pang mga ibon na namumuhay sa tubig.

Higit sa lahat, maraming mga buaya (cocodrilos, crocodiles) na nagkakalat ng lagim sa mga mangingisda at mga naglalayag sa mga ilog duon. Lalo kung masama ang panahon, madalas mangyari duon, malabo at magulo ang tubig kaya madaling tumataob ang mga bangka.

Nakaraang kabanata                       Balik sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Lista ng mga kabanata                       Sunod na kabanata