Ang Mga Kabanata

1. Unang Pagkita Sa Kapuluan,
Ang Pangalang Filipinas

2. Natagpuan ang Santo Nino,
Ang Cebu At Ang Manila

3. Sinakop Ang Buong Kapuluan

4. Ang Mga Pilipino

5. Milagro sa Manila, ‘Pulis sa Tubig’

6. Ang Kapuluan Ng Pilipinas

7. Bisaya, Ang Mga ‘Pintado’

8. Salot ng Bulutong sa Balayan, Batangas

9. Kung Paano Nailipat ang Nayon ng Taytay

10. Kung Paano Maligo ang mga Pilipino

11. Digmaan ng Negrito at Ilonggo sa Iloilo

12. Pag-alis Namin Sa Tigbauan, Iloilo, At Unang Dayo Sa Cebu, Leyte At Iba Pang Mga Pulo

13. Pagyao Ng Unang Rector Ng Colegio Sa Manila, Ang Pang-2 Provincial Ng Mga Jesuit Sa Pilipinas

14. Ang Mga Jesuit Sa Pilipinas,
Ang Mga Dumating Nuong 1596

15. Mga Wika Sa Pilipinas: Magkatulad, Magkaiba

16. Ang Galang at Ganda ng Asal ng mga Pilipino

17. Ang Pagsulat at ang Baybayin ng Pilipino

18. Mga Español Sa Manila, 1596 - 1597

19. Manila, 1596-1597
Sa ‘Calualhatian’

20. Taytay At Antipolo, 1597
Nagbago Ang Pusakal

21. Mga Diwata, Pamahiin
At Ang Mga Anyito

22. Lihim Na Pagsamba
Sa Diwata Sa Taytay

23. Unang Colegio Sa Cebu,
Chinatown Sa Mandawe

24. Ang Pulo Ng Leyte

25. Ang Nagawa Ng Mga Jesuit
Sa Dulag At Karatig, Sa Leyte

26. Tumakas, Nagpabinyag
Sa Carigara, Leyte

27. Mga Taga-Palo, Leyte
Nagtago Nuong 1596

28. Convento ng Jesuit sa Alangalang, Leyte

29. Pinuno Sa Ormoc, Leyte
Nawalan Ng 2 Asawa

30. Kasal, Paghihiwalay ng mga Mag-asawa

31. Ang Pulo Ng Samar

32. Ang Pulo Ng Bohol

33. Luksa, Libing Sa Patay,
Pag-aalay Ng Maysakit

34. Lasingan at Kainan sa mga Handaan

35. Gamot sa Salot ang Banal na Tubig

36. Ang Pulo Ng Mindanao

37.   Visayas, 1596-1597,
Lumaganap Ang Pag-awit

38. Mga Español Sa Manila, 1598

39. Pakikiapid Sa Manila, 1598
Peste Ng Tipaklong

40. Sa Antipolo at San Juan del Monte

41. Pakiki-apid Sinupil Sa Cebu,
Sinimulan Ang Penitencia

42. Panglao at Siquijor, Pulo ng Apoy

43. Sa Butuan, Mindanao
Kumampi Ang Magiting

44. Ayaw Magpabinyag, Namatay sa Leyte

45. 2 Abuso Inawat sa Ormoc at Carigara

46. Pautang, Patubuan at Pag-alipin sa Mga Tao

47. Gawa ng mga Frayle sa Carigara, Leyte

48. Ayaw na sa ‘Baliana’ sa Palo, Leyte

49. Ketong Napagaling sa Dulag, Leyte

50. Paranas sa Samar Sikat
sa Pagka-catholico

51. Pagdalaw ng Mataas na Pinunong
Jesuit nuong Junio 17, 1599

52. Lindol sa Manila, 1599
Parusa ng mga Añito

53. Pagsugpo sa mga Añito sa Taytay

54. Minulto sa Cebu, ang
Bisa ng Banal na Tubig

55. Manghuhula sa Bohol
Pinilit ang mga Dalaga

56. Nailigtas ng Agnus Dei
at ng Ngalan ni Jesus

57. Pagtakas at Digmaan
ng mga Taga-Alangalang

58. Mga Awit Waray-waray
ng mga Taga-Carigara

59. Tumanggi ang Bulag sa Nayon ng Leyte

60. Nagka-catholico, Binato Sa Ormoc, Leyte

61. Sermon sa Waray-Waray,
Penitencia Sa Palo, Leyte

62. 2 Pipi Bininyagan sa Dulag, Leyte

63. 1,000 Bininyagan Namatay sa Buad

64. Paglubog ng mga Barko, Kasama 2 Jesuit

65. Nasagip 9 Jesuit sa Wasak na Barko
Sa Patnubay ni Ignaciong Banal

66. Kabanalan ng mga Español Sa Manila

67. 1601: Nag-penitencia sa Manila

68. Ayaw Magsimba sa Taytay, Namatay

69. Mga Frayle at Español Nag-away sa Cebu

70. Mga Muslim Lumusob, Naligtas ang Bohol

71. 5 Naghingalo Nasagip sa Tanay, Negros

72. Ang Lugod sa Maripipi at Limancauayan

73. ‘Nabubulok Kong Katawan’ sa Dulag

74. Isang Wika sa Leyte, Samar at Biliran

75. Sa Leyte, 1601: Napigil ang Digmaan

76. Sa Biliran, 1601: Babae Nakiapid, Sinibat

77. Mangkukulam Nadaig sa Tabi ng Manila

78. Saklolo Sa Buntis sa Taytay nuong 1602

79. Ang Mga Taganayon ng Silang, Cavite

80. Bigayan at Gamit ng Mga Pangalan

81. Kinumpilan ang 3,000 Taga-Bohol

82. Bata, Sanggol Nasagip sa Catubig, Samar

  PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO:   Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English ni Frederic W. Morrison ng Harvard University, at ni Emma Helen Blair

‘MINABUTI ng haring catholico (Felipe 2), upang lalong mapalawak ang pangaral ng simbahan, na iwasan ang agawan at ang kasunod na bakbakan ng mga frayle. Inutos niyang magkanya-kanyang lalawigan at walang pakialaman ang iba’t ibang lipunan ng mga frayle sa Pilipinas, nang sa ganuon, walang gulo.

Hinayaan niya sa mga lipunan ni San Francisco (Franciscans) at ni San Agustin (Augustinians) ang mga lalawigang hawak na nila mula nuong una silang mangaral sa mga indio, marami at masaganang mga puok. Sa lipunan ng mga frayle ni Santo Domingo (Dominicans), nahuli ng 5 taon sa amin ang dumating, ibinigay niya ang mga nalalabing purok sa Nueva Segovia na hindi pa napapasok ng ibang frayle.

Para sa aming lipunan ni Jesus (Jesuits), inilaan niya ang mga pulo ng Ibabao, Capul, Leite, Samar, Bohol at iba pang karatig na mga pulo duon. Binigyan pa niya kami ng karapatang magtatag ng isang colegio sa lungsod ng Santissimo Nombre de Jesus (Cebu).

SA GANITONG maunti at pangkaraniwang mga kataga, malinaw at walang pasikut-sikot, inilarawan ni Pedro Chirino, isang frayleng Jesuit, kung paano natatag ang pagsakop at pagbabago sa buhay ng bawat Pilipino sa sumunod na 300 taon. Matalino at mapag-kaibigan, kapalit (substitute) lamang si Chirino nang dumating sa Manila nuong 1595 subalit pagkaraan ng 7 taon lamang, naisulat niya ang salaysay (relacion, narrative) na hinahangaan hanggang ngayon bilang pinaka-mahusay sa mga unang ulat tungkol sa Pilipinas at sa mga Pilipino.

SI PEDRO CHIRINO ay isinilang sa Osuna, sa Andalucia, España, nuong 1557. Nagtapos siya ng abogacia at batasang simbahan sa lungsod ng Sevilla at nag-frayleng Jesuit sa gulang na 23 taon. Siya ang ipinalit sa isang frayle sa Pilipinas, si Alonso Sanchez, at dumating siya sa Manila nuong 1595, kasama ng bagong governador general, si Gomez Perez Dasmariñas. Nag-misionario siya sa mga Tagalog at mga Pintados (mga Visaya) at pinamahalaan, bilang superior, ang colegio ng mga Jesuit sa Manila at Cebu. Nakaibigan niya ang isang governador general, si Esteban Rodriguez de Figueroa, na nahimok niyang itatag ang colegio de San Ignacio at ang seminario de San Jose sa Manila.

Bumalik siya nuong 1602 sa Mexico, España at Rome bilang procurator, taga-hikayat ng pagtangkilik sa mision ng mga Jesuit sa Pilipinas. Isa itong dahilan isinulat niya nuong 1603 itong Relacion o salaysay ng pagpalawak ng catholico sa Pilipinas, kasingit ang mga kasaysayan ng kapuluan, at naglarawan sa mga indio (tawag ng Español sa mga Pilipino) na dinatnan duon.

Bagaman at ang Relacion ay sinulat sa Español para sa mga Español, hindi nakubli ang pagka-giliw ni Chirino sa mga tagapulo, bihira sa mga ulat ng Español tungkol sa Pilipinas. Katulad sa iba, nalunos at nandiri siya sa mga ugali ng mga tagapulo, lalo na sa lumang gawi ng pagsamba at pag-alipin na sinikap palitan at pawiin ng mga frayle. Subalit pinuri naman niya ang gandang-luob, dangal, dunong at tapang ng mga indio. Tangi sa lahat, siya ang una, at huling Español na tumawag na Pilipino sa mga taga-Pilipinas.

Madalas maligo ang mga Pilipino, sabi ni Chirino. Sinuri niya ang ugaling ito at ang nabantog na paliguan sa mga mainit na sapa (hot springs) sa pampang ng luok ng Bai (Laguna de Bay). Inilarawan niya kung paano gumagawa ng bonsai ang mga Intsik. Isinalaysay niya ang digmaan ng mga Visaya at mga Negrito sa pulo ng Panay.

Sinuri ni Chirino ang patuloy na pagsamba kahit na ng mga nabihasang (civilized) indio sa mga añito, lumang ugali na batay sa mga nakagisnang gawi at mga awit na minana pa mula sa mga ninuno. Masugid na pinuksa ni Chirino ang pagsamba, hindi lamang sa mga espiritu at mga ninuno, kundi pati na rin sa mga hayop, ibon at mga bagay-bagay sa kalikasan. Winasak ni Chirino ang maliliit na kubo na gamit sa lumang pagsamba.

Inilarawan ni Chirino ang pag-alay sa ‘misa’ ng mga catalonan sa Tagalog, babaylan sa Visaya, na siyang mga manggagamot ng mga indio. Tinugis niya ang mga ito at ginawang mga catholico.

Nuong 1602, lumawak ang pagsambang catholico sa Taytay at sa Antipolo, lalo na nang buksan ang hospital para sa mga indio at ang seminario para sa mga batang lalaki. Hinayag ni Chirino na naging karaniwan tuwing mahal na araw (cuaresma, Lent) ang procesion ng dugo - hinahagupit ng mga nagpi-penitencia ang sariling likod hanggang dumanak ang dugo, habang naglalakad sa lansangan.

Nuon, kata-takda pa lamang sa mga Jesuit na yariin ang baranggay ng Silang, sa Cavite. Agad nilang sinimulan duon ang patakaran nila ng reduccion. Malaki ang naitulong sa kanila ng isang bulag na dati ay isang catalonan. Inihayag ng mga frayle na ilang ulit naghimala duon ang larawan ni San Ignacio.

Pinuri ni Chirino ang galang, yaman at ganda ng wikang Tagalog. Isang kabanata ang inukol niya sa pagbibigay ng pangalan ng mga Pilipino, patuloy na nagbabago mula sa pagsilang at paglaki hanggang sa pagtanda. Ang pamansag (apellido, family name) ay iginawad lamang kapag nakasal na. Dati-rati, sabi ni Chirino, hindi gumagamit ang mga Pilipino ng parangal sa pangalan nila subalit “pinahiran ng kalunos-lunos na kayabangan ng ‘Don’ ang lahat ng indio, lalaki man o babae. Ang nangyari, sinumang may kahit katiting na sariling bait ay nagkabit ng parangal na ito sa pangalan kaya ngayon, mas marami pang ‘Don’ sa mga indio kaysa sa mga Español.”

Kapuna-puna ang pagkahawig ng mga frayle sa mga tagapulo, gaya ng sa paniwala sa kababalaghan, - halimbawa, ang buaya ay tagapag-parusa ng Dios, - at sa mga anting-anting, - ang gamit ng mga frayle ay rosario, ang agnus dei at ang pagbigkas ng pangalan ni Jesus at Maria. Sagana ang mga halimbawa nila ng bisa ng mga ito na makagaling sa sakit at magligtas sa kamatayan.

Lantay din sa Relacion ang pagsimula ng paaralang bayan (public education) sa Pilipinas at ang mga unang clase, tinawag na decurias ng mga Jesuit, bagaman at para lamang sa pag-aaral ng mga dasal at pangaral ng catholico, ang tinatawag ngayong catechismo.

Pinaka-mahalaga ang ulat tungkol sa mga pulo at mga tagaruon nuong 1590 hanggang 1602, ang kanilang mga baranggay at mga gawi, ilan ay naglaho na o sadyang sinupil, ang iba ay iniba upang magsilbi sa catholico, subalit karamihan ay nanatili at kilala pa hanggang ngayon bilang bahagi ng pagiging Pilipino.

UPANG mahikayat ang mga pinuno at mayaman sa España at Roma na mag-abuloy at tumulong sa mision ng mga Jesuit sa Pilipinas, siniksik ni Chirino sa kanyang Relacion ng mga pangalan ng mga frayle at mga pinuno ng simbahan at ang kanilang paglilingkod, paghihirap at pagkamatay sa kapuluan. Marami rin siyang binanggit na mga Español sa Pilipinas, kamag-anak at kaibigan ng mga kilalang angkan sa España.

Ang lahat ng ito ay nilaktawan at tinastas mula sa mga kabanata dahil wala nang katuturan ngayon at bagkus, bilang propaganda, nakalilito pa ang huwad na paglarawan ng, sa huling tuusan, ay pagpalawak ng pagsakop ng España sa Pilipinas. Ang nilathala lamang na mga kabanata ay tungkol sa mga Pilipino nuong panahon na iyon. Ang mga bahagi ng pagligid ng mga frayle ay isinali upang ipakita - gaya ng tangka nina Blair at Robertson, ang pinagkunan nitong Relacion - ang unti-unting pagbabago sa mga kutob at ugali ng mga Naunang Pilipino dahil sa pagdanak ng mga Español.

Mababasa pa rin ang mga kabanata, kung nais, ayon sa pagsulat ni Chirino, nakalista sa kaliwang hanay nitong pagina, kailangan lamang pitikin (click) sunud-sunod sa bilang na ibinigay niya.

Subalit upang madaling maunawaan, pinagsama-sama ang mga kabanata ayon sa paksa, inuna ang tungkol sa Pilipinas at mga Pilipino, sumunod ang mga ulat sa Manila, Cavite, Laguna at Batangas, sunod ang Iloilo sa Panay, tapos Cebu, Leyte, Samar, Negros at Bohol. Huli ang ukol sa Butuan at Mindanao, hindi batay sa halaga kundi sa dami ng paglarawan sa mga unang Pilipino.

Ang unang 3 kabanata ng Relacion ay nilaktawan, kinopya lamang ni Chirino mula sa ibang ulat at mayruong mga mali, gaya ng pahayag niyang hindi ‘natuklasan’ ng mga Portuguese ang Pilipinas gayong nakarating sila sa Maluku (Moluccas, the spice islands) sa timog at sa Formosa (tinatawag ngayong Taiwan). Ang katunayan, hindi lamang nakarating ang mga Portuguese sa Mindanao, winalang-hiya pa nila at naging mahigpit na kaaway ang mga taga-Basilan, ang mga unang Tausog o tao ng usog o daloy ng dagat, nuong bago dumating sina Ferdinand Magellan, ang mga unang Español na naka-abot sa Pilipinas. Napalawak din ng mga Portuguese ang catholico, bininyagan ang mga pinuno ng mga pulo ng Sarangani nuong bago dumating sina Ruy Lopez de Villalobos, ang nagbigay ng pangalang Felipinas sa mga kapuluan ng Leyte at Samar.

Higit angkop na tunghayan ang kasaysayan ng mga unang Español sa mga aklat na kasama sa website na ito, pitikin lamang (click) itong Ang Unang Español, ni Antonio Pigafetta at ang pagsakop sa Pilipinas nina Miguel Lopez de Legazpi sa Mga Conquistador Ng Pilipinas.

Kahit giliw si Chirino sa mga tagapulo, frayleng misionario pa rin siya at masipag niyang binago ang mga ugali at pagkatao ng mga indio at ang kalagayan, pati na ang puok ng kanilang mga tahanan. Ipinalipat niya ang baranggay ng Taytay at iba pang baranggay upang madaling mapuntahan, at upang ilayo ang mga tagaruon sa kanilang añito at mga pamahiin. Ang ganitong mga baranggay at nayon na pinagsadlakan ng mga katutubo ay tinawag ng mga Español na reducciones at marami, gaya ng Taytay at Antipolo, ay nananatili pa hanggang ngayon.

Umalis si Chirino mula Cavite nuong Julio 7, 1602, sakay sa barkong San Antonio na ginawa ng mga tagapulo ng Panamao (Biliran ang tawag ngayon) sa hilaga ng Leyte. Naglaho ang San Antonio nang palayag uli mula Cavite patungo sana saAcapulco, Mexico nuong 1604. Pagkaraan ng tungkulin sa Europe, bumalik si Chirino sa Pilipinas nuong Julio 17, 1606. Namatay siya nuong Septiembre 16, 1635.

‘SAPAT NA SANA ito upang tapusin ang aking salaysay, naihawag ko na naman ang mga mahalagang pangyayari hanggang nuong aking paglisan sa kapuluan, nuong buwan ng Julio, 1602. Harinawa na ang mga naganap mula nuon hanggang ngayong 1604, halos 2 taon, ay kasing kaigaya ng aking mga naranasan, at maging mas mabuti pa sana ang mga darating na panahon.

‘Ako ay panalig na ang pumalit sa akin ay higit na mainam na manalaysay sapagkat sinumang Jesuit ay mas magaling kaysa akin. Sapat na sa akin na nakapagsilbi ako sa Lipunan (ng mga Jesuit) na hamak man ang pakinabang ay matama ko namang pinagsikapan.

‘Dito sa Rome, Marso 5, 1604.’

Padre Chirino
ng Lipunan ni Jesus

Itong Relacion ni Chirino ay bahagi lamang ng Ninuno Mo, Ninuno Ko: Ang paghanap sa mga Unang Pilipino - ang mga lumang ulat (cronicas), karamihan ng mga Español tulad nina Miguel de Loarca at Francisco Combes sa website na ito. Ang ibang ulat, tulad nina Francisco Colin, Domingo Fernandez Navarrete at William Henry Scott, ay iniipon pa at ilalathala sa mga susunod na panahon. Kung mayruon nais unahin sa kanila, paki-email na lamang, salamat po!

Narito ngayon ang salaysay ni Chirino, sa wikang Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon. Pitikin (click) alin man sa mga kabanatang nakalatag sa kaliwa upang lumaktaw sa napiling paksa, o ipagpatuloy ang sunud-sunod na pagbasa sa mga pinagsama-samang kabanata.

ANG   PINAGKUNAN

Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903-1908,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Ulitin mula sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Sunod na kabanata