Biliran, 1601: Babae Naki-apid, Sinibat

PANAMAO ang lumang pangalan ng pulo ng Biliran, at ito rin ang pangalan ng isang bundok sa hilagang bahagi ng pulo. Ang Biliran ay nasa tabi ng hilagang gilid (northern coast) ng Leyte. Lubhang makitid ang dagat na namagitan sa 2 pulo kaya bangka lamang at hindi barko ang nakakalusot duon.

Dahil maraming punong kahoy sa Biliran na angkop sa paggawa ng mga barko, maraming cagayan (dating tawag sa carpinteros, boatwrights), ang mga gumagawa ng barko duon.

  PAGHANAP  SA  MGA  UNANG  PILIPINO:     Cronicas Española

Kasaysayan  Ng  Mga  Pulo  Ng  Pilipinas, 1595-1602
Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino

In-English ni Frederic W. Morrison ng Harvard University, at ni Emma Helen Blair

Duon tinatapos nuong Deciembre 1601 ang barko (ang ‘San Antonio’) na sinakyan ko (si Chirino) nuong sumunod na taon pa-alis sa Pilipinas. Marami ring mga Español at iba pang manggagawa na kasama sa paggawa ng barko. At mga frayleng Jesuit na nagsisilbi sa kanilang lahat.

ISANG negro mula sa España, utusan ng pinunong Español sa Biliran, ang pinakuha ng mga gamit para sa barko. Pagbalik niya, natagpuan niya ang kanyang asawa na kasiping sa ibang lalaki. Sinaksak niya kapwa ng sibat, napatay ang lalaki at nasugatan ang asawang babae.

Malaking gulo ang sumunod sapagkat sikat ang lalaking napatay, makisig na binata na kaibigan ng marami. At dahil namatay siya sa kasalanan nang hindi nakapag-kumpisal.

Sagsag sa Biliran ang frayle, si Francisco Vicente, nuong katapusan ng kapaskuhan (Advent) upang maudlot ang away at ang pagdanak ng dugo. Nagpatayo siya ng simbahan at nagsimulang magpangaral at mag-sermon, na para sa maraming taga-Biliran, ay sa kauna-unahang panahon.

Hinayag ng frayle na hanggang pagkabuhay (Easter) lamang siya sa Biliran. Nagmaka-awa ang mga tao na magtagal pa siya upang magka-panahon silang makapag-kumpisal lahat.

Mula nuon, laging puno ang simbahan ng mga Español at mga indio. Nagsimulang magpa-kumpisal ang frayle tuwing madaling araw, bandang ika-4 ng umaga, at marami ang nag-kumpisal nang humahagulhol, humingi ng tawad sa maraming taon o habang buhay na pagka-kasala nang walang kumpisal o patawad. May mga Español at mga indio na magdamag lumuha at nagsisi, habang hawak-hawak ang cross.

Dumating at lumipas ang araw ng pagkabuhay (Easter Sunday) at hindi pa rin tapos ang mga kumpisalan. Sa halip na 3 araw, ipinagpaliban pa ni Vicente ang pag-alis niya sa Linggo na sumunod upang marinig ang mga huling kumpisal.

Nuong araw na iyon, pinagbati ng frayle ang negro na pumatay at ang asawang talipandas. Nagkaibigan sila at nagsama uli mula nuon.

Itinatayo pa ang maliit na pagamutan (ospital) para sa mga mahirap, at marami ang lumuha nang umalis ang frayle.

Nakaraang kabanata                       Balik sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Lista ng mga kabanata                       Sunod na kabanata