Diwata Sinambang Lihim sa Taytay ISANG PANGKAT ng mga Catalonan ang lihim na naghari sa nayon ng San Juan del Monte (nabalik sa Taytay ang tawag ngayon). Mahigpit nilang hinawakan ang puso ng mga tagaruon, kahit naging catholico na ang mga ito, kaya sila ang palaging pinupuntahan ng mga may kailangang manawagan at mag-alay sa mga aņito, gaya nuong dating pagsamba. Isa sa mga catalonan ay kinilalang reyna, ang pinuno nila, na nagpahayag na ang kanyang aņito ay matalik na kaibigan ng aņito ng mga catholico. Bumaba raw sa lupa ang kanyang aņito mula sa langit. Malaki ang kapangyarihan ng reyna, kinikilala at iginagalang sa buong nayon at karatig dahil matalino siya at nagmula sa tanyag na angkan. May mga anak siyang lalaki na asawa ng mga babaing anak ng mga pinuno ng mga baranggay. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Cronicas Espaņola Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas, 1595-1602
|
Sa kanya nananawagan ang mga may kailangan at walang sumalungat sa kanya sa takot na gantihan niya. Kahit ang mga malakas sa nayon at karatig ay ilag sa kanya o lubusang nakipagsabwatan. Kapag may namatay na catalonan, siya ang nagtuturing ng kapalit. Inuutusan niya ang mga pinunong indio na dalhin nang lihim ang aņito ng namatay sa bahay ng hinirang niyang kapalit. At pagdating ng aņito, nagdiriwang sila sa kalaliman ng 3 gabing sumunod, nagkakainan at nag-iinuman para sa bagong catalonan. |
|
NASABING tumagal ang kagagawan nang 2 taon. Walang maysakit na hindi nanawagan sa kanila, gaya ng dati, upang malaman kung nasa panganib silang mamatay at nang sa gayon, makapag-alay sila sa mga aņito upang gumaling. Nabulong pa na isa sa mga catalonan ang kumita ng halos 300 escudos (salapi ng Espaņol nuon). Nagsumbong sa frayle ang ilang indio na catholico at nabunyag ang lihim ng pangkat (intriga, cabal). Unang inusig ang mga mahinang catalonan, at isiniwalat ng mga ito ang mga sunod na mataas sa kanilang lipunan. Ang mga ito naman ang dinakip at nagturo sa mga nakakataas, hanggang natuklas nila kung sino ang reyna ng mga catalonan duon. Sinikap maigi ng mga frayle ang pagwasak sa mga estatwa ng mga aņito at daan-daan |
ang nahalungkat nila. Ukit sa kahoy ang ilan, gawa naman sa luwad (clay) ang iba. May 2 na inukit mula sa malalaking ipin ng buaya na sinusukan ang tulis ng gintong ulo ng aņito.
Gawa sa ginto ang aņito ng reyna ng mga catalonan, nakatago sa isa sa kanyang mga bahay. Hinalughog ng mga frayle ang kanyang tahanan, pati na ang kanyang kubo sa bukid, subalit hindi nila natagpuan ang gintong aņito. Ayaw sumuko ng reynang catalonan, walang takot kahit na paulit-ulit siniyasat ang kanyang mga gamit sa bahay. Isinumpa sa akin ng aņito, sabi ng reyna, na hindi siya kailan man matatagpuan, kahit wasakin ng frayle ang bahay ko! |
Panay ang halungkat ni Diego de Santiago, ang frayleng Jesuit duon, sa bahay ng reyna at, kahit wala siyang nasambulat, tiyak niyang nakasingit ito sa luob ng kubo. Sa isa pang kahuli-hulihang halughog, sinipat maigi ng frayle ang bahay at napansin niya ang isang kupas at luma nang kawayan na nakatukod sa bubong ng kubo. Hindi nalaman kung bakit, ipinaputol niya itong tukod upang makita kung may laman. Gintong tagumpay! Natagpuan ang aņito sa luob ng kawayan at upang magapi, sinunog ito tulad ng ibang mga aņito. Ang tunaw na ginto ay ginamit sa simbahan ng mga catholico. Mula nuon, binangungot ang reynang catalonan gabi-gabi, halos nabaliw siya sa sindak at puyat, at napilita siyang humingi ng tawad at saklolo sa |
simbahan, tapos ay nagpa-binyag. Binigyan siya ng cross bilang panlaban sa bangungot. Tumagal nang maraming gabi ang masasamang panaginip subalit natigil din sa katapusan, at nakatulog na nang mahimbing ang reyna ng mga catalonan.
Nuong isang fiesta, itinatatwa ng lahat ng mga catalonan, sa harap ng mga tao sa luob ng simbahan, ang pagsamba sa mga aņito. Mula nuon, nanirahan sila sa isang puok na litaw at minaman-manan ng mga masugid na catholico upang hindi na sila makasamba uli sa mga aņito. Nuong mga araw na sumunod sa fiesta, dinala ng mga tao ang mga ari-arian nilang estatwa, damit at gamit sa pagsamba sa mga aņito hanggang lubusang napawi ang ugaling ito. Marami ang nagkumpisal, tumagal nang ilang buwan, at sa ilang taon pang sumunod. |
BILANG katapusan nitong pangyayari, dapat kong ihayag ang kasaysayan ni Francisco Amandao (Amang Tao), ang pinunong indio sa nayon. Matanda na siya, mahusay magpasiya at matalik na kaibigan ng mga frayle. Nagkasakit siya minsan at humingi ng tulong sa simbahan. Ipinagdasal naman siya subalit, dala marahil ng matagal nang ugali, pumayag siya na manawagan sa aņito at baka sakaling makagaling kahit na papaano. |
Ang nangyari, gumaling ang kalahati ng katawan niya ngunit tuluyang nasalanta ang kabilang kalahati kaya naging lumpo (paralitico, crippled) siya at hindi na nakalakad mula nuon. Nabuhay siyang nakaratay nang ilang taon hanggang, sa bandang huli, humingi siya ng tawad sa simbahan at muling naging isang tapat na catholico. Kasabay ng pagbagsak ng mga catalonan sa Taytay, namatay siya. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |