Milagro!

ANG mga lumang dios ay mga inukit at kinulayang kahoy, harapan lamang at hunghang (hollow) ang likuran, nakadipa ang mga kamay at nakataas ang mga paa. Malaki ang mukha at may 4 malaking ipin, hawig sa mga pangil ng baboy-damo.

Isang araw, ipinatawag ng capitan ang hari at ang mga pinuno ng kabayanan. Dumating ang hari, suot ang kanyang bata na sutla (seda, silk) at kasama ang kanyang kapatid, tinawag na Bendara (hindi pangalan kundi parangal sa isang may katungkulan sa pamahalaan) at tatay ng tagapag-mana (principe), at isa pang kapatid, tinawag na Cadaio (Ka Dayu) at iba pang pinuno, kabilang ang mga tinawag na Simiut (si Miyut), Sibuaia (si Buwaya), Sisical (si Sikal) at Maghalibe (Mang Halibi), at iba pang hindi na binanggit at nang hindi maging napakahaba ito.

Pinasumpa ng capitan ang mga pinuno na sila ay

Pigafetta Ferdinand Magellan     FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE:   Ang Unang Pag-ikot sa Mondo

Ang Unang Español Na Dumayo Sa Pilipinas
Primo viaggio intorno al mondo

ni Antonio Pigafetta

susunod at magsisilbi sa hari, at ang hari naman ay pinasumpa ng panalig (fidelity) sa hari ng España. Pagkatapos, binunot ng capitan ang kanyang espada sa harap ng estatua ng Virjen at sinabi sa hari na kapag sumumpa nang ganoon, dapat mamatay bago mabali ang pangako.

At sa lakas at tapang ng pahayag ng capitan, sumumpa nga ang hari sa harap ng estatua na laging magsisilbi at mananalig sa emperador.

Pagkasumpa, binigyan ng capitan ang hari ng isang upuan (silla, chair) na balot ng pulang pelus (red velvet) at inutos na tuwing lalabas ng bahay ang hari, kailangang bitbitin ito ng mga kamag-anak o pinuno niya sa harapan, at

ipinakita sa hari kung paano dapat pasanin ang upuan (ito ang pahiwatig sa Europa nuon ng pagsisilbi sa isang panginoon). At sumagot ang hari na gagawin niya ito bilang pagmamahal sa capitan, at sinabi pa na nagpapagawa siya ng alahas na ihahandog niya sa capitan. Ito ay 2 malaking singsing na ginto, magagamit na hikaw sa tenga, 2 pang gintong sinsing na maisusuot sa mga bisig, sa ibabaw ng siko (elbow) at 2 pang gintong singsing din na isusuot naman sa paa, sa alak-alakan (ankles). Mayroon pang mga mamahaling bato na maisusuot na hikaw at palamuti sa tenga. Pinaka-mahalagang alahas ang mga ito na isinusuot ng mga hari sa kapuluan. At ito ay mga tao na nakayapak, at naka-bahag lamang.
Sinunog Isang araw, tinanong ng capitan-general sa hari at iba pang pinuno kung bakit hindi pa nila sinusunog ang mga lumang dios (idols), gaya ng ipinangako nila nang binyagan sila, at bakit sila patuloy na nag-aalay ng carne sa mga ito. Ang sagot nila, hindi para sa sarili nila kundi para pagalingin ng mga lumang dios ang isang maysakit sa kanila, 4 araw na raw hindi nagsasalita. Ito ay kapatid ng hari, isang magiting (knight) at kinikilalang pinaka-matalinong lalaki sa buong pulo. Ipinilit ng capitan na dapat nilang sunugin ang mga lumang dios at maniwala kay Iesu Christo, at kung bibinyagan ang maysakit, gagaling siya agad. At kung hindi ito magkatotoo, sabi ng capitan, Pugutin ninyo ang ulo ko!

Sinagot ng hari na susunod siya sapagkat tunay siyang naniniwala kay Iesu Christo. Kaming lahat ay nagtungo, parang procession mula sa liwasan (plaza) hanggang sa bahay ng maysakit, at nadatnan namin siyang hindi makagalaw o makapagsalita. Bininyagan namin siya, pati ang 2 asawa niya at 10 dalaga duon. Tapos, kinausap siya ng capitan, tinanong kung ano ang pakiramdam niya at sumagot siya agad, at sinabing sa awa ng Dios, magaling na siya. At ito ay isang napakalinaw na himala (milagro, miracle) sa ating panahon.

Pagkarinig nito, nagpasalamat ang capitan sa Dios at pinainom ang maysakit ng katas ng almond (almond milk) na ipinagawa niya bago pa, para sa maysakit. Tapos, nagpakuha siya ng kutson (colchon, mattress), mga kumot at isang unan. At araw-araw, pinadalhan niya ng katas ng almond, tubig ng rosas (rosewater), langis ng rosas (rose oil) at mga matamis na bungang kahoy (frutas, fruits).

Pagkaraan ng 5 araw, nakalakad na ang maysakit at, nang naramdamang magaling na siya, ipinasunog ang mga lumang dios na itinago ng mga matatandang babae sa bahay niya nuong unang nagkasakit siya. Sa harap ng hari at ng lahat ng tao, ipinagiba pa niya ang ilang ‘simbahan’ sa dalampasigan, kung saan nag-aalay ang mga tao ng carne para sa mga lumang dios.

Ang mga tao naman ay naghiyawan ng ‘Castila! Castila!’ habang winawasak nila ang mga ‘simbahan.’ At hinayag ng gumaling na maysakit na sa tanang buhay na ibinigay sa kanya ng Dios, susunugin niya ang lahat ng lumang dios na makita niya, kahit na sa silid-tulugan (bedroom) ng hari mismo nakatago.

Mga Puok At Pangalan.

MAY mga bayan-bayan (mga baranggay) duon sa pulo. Ito ang kanilang mga pangalan, at ang tawag sa kanilang mga pinuno:
Cinghapola (sa Sangang Pula) at ang mga pinuno, Cilaton (si Latun), Ciguibucan (si Gibukan), Cimaningha (si Mang Inggo), Cimaticat (si Matikas), Cicambul (si Kambal).
At sa Mandaui (Mandawe ang tawag ngayon) at ang pinuno duon, Lambuzzan (si Lakan Busan).
Sa Cotcot (Kutkot) at ang pinuno nito, Acibagalen (ay si Bagalin).
Sa Puzzo at ang pinuno, Apanoan (si Apo Nu-an).
Sa Lalen at ang pinuno, Theteu (si Datu).
Sa Lulutan at ang pinuno Tapan (si Tapang), saka Cilumai (si Lumay), at Lubucun.

Lahat ng mga kabayanan (baranggay at nayon, wala pang kabayanan o town sa kapuluan nuon) at mga pinuno ay tauhan ng hari at ang bawat isa ay nagbibigay sa kanya ng buwis at pagkain.

Pagkatapos ng pulo ng Zzubu, may isa pang pulo, tinawag na Mattan (Mactan) na bumuo ng daungan (hinarang ang lakas ng dagat) na hinimpilan namin. At ang pangalan ng kabayanan duon ay Mattan, at ang mga pinuno duon ay sina Zzula at Cilapulapu(si Lapu-Lapu). At duon sa pulo na iyon ang kabayanan (baranggay) na sinunog namin, at ang pangalan nuon ay Bullaia (Balayan o ‘bahayan,’ ‘tirahan’ (settlement) sa wikang Visaya).

Pasintabi,  Annotation: Ang mga pangalang isinulat ni Pigafetta ay saliwa sapagkat bago sa kanyang pandinig, hindi niya naunawaan ang gamit ng ‘si’ at ‘sa’ ng mga katutubo na, dahil hindi marunong bumasa at sumulat, ay hindi naiwasto ang mga maling dinig at sulat. Ayon kay Hector Santos, batikang manalaysay (historian) ng Pilipinas, mali-mali ang dinig dahil kaiba ang bigkas ng mga tao nuon.

Mas maraming pakupya dati, hindi nabigkas o alam ng Español, gaya ng Sugbu na naging Cebu, ang dat-u na binibigkas ngayong datu, at ang Bai (‘princesa’ ang

kahulugan), binigkas na ba-EH (katunog ng ‘babae’) ng nagtatag na mga taga-Borneo, at tinatawag ngayong ‘Bay’ sa Laguna, at ‘bey’ sa English. Ang Mat-an sa Visaya (‘namamataan’ o ‘nakikita’sa Tagalog, ‘visible’ sa English) dahil malapit sa Cebu, ay isinulat na Mattan bago naging Mactan.

Ang Cebu mismo ay maling dinig ni Pigafetta sa Sugbu o sa Sugbu kaya isinulat na Zzubu. Isiniwalat din ni Pigafetta na papalit-palit ang gamit ng mga katutubo sa mga patinig (vowels) at katinig (consonants) ng mga pangalan, gaya ng Jaua o Jawa na tinawag ding Java.

Katulad ang kasalukuyang tawag ng mga Pilipino sa Manila, Maynila, Menila o M’nila na unang binigkas na ma-i-nilad.

Ukol naman sa mga pangalan: Ang ‘Sugbu’ ay lakas ng agos ng tubig (tulad sa ‘subu’ ng sinaing sa Tagalog) sa tabi ng Cebu dahil iniipit ng Mactan sa silangan, at ng Negros sa kabilang panig. Hambing ito sa ‘usog’ (‘agos’ sa Tagalog) ng mga Tausog (‘tao usog’ o magdaragat) sa Sulu, at sa ‘sulsug’ o ‘sorsog’ (‘sagsag’ sa Tagalog) sa lusutang pinangalanang San Bernardino Strait sa tabi ng ‘sulsughan’ o ‘Sorsogon.’

Nakaraang kabanata                 Ulitin mula itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata