Sa Albay     ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Mga  Sabak  Ng  Dutch
A New, Rising European Power Challenges the Spanish

PAGSAKOP ng mga Español sa Pilipinas nuong 1565, hila-hila nila ang mga kaaway mula Europe. Isa ang mga Portuguese, kinanyon sina Miguel Lopez de Legazpi sa Cebu nuong 1568. Lalong higit kumalaban ang mga Dutch, mga taga-Holland, bahagi ngayon ng bayang tinatawag na The Netherlands, ‘ang mga mababang lupa.’

Nuong Octobre 16, 1600, lumusob sa Pilipinas ang 2 barko ng mga Dutch. Napalayas, bumalik ang mga Dutch pagkaraan ng 10 taon, nang 4 barko naman ang lumusob nuong 1610. Natalo uli, isang buong sandatahang dagat (armada, fleet) naman ang nakipag-digmaan nuong 1616 sa Luok ng Manila (ang tinatawag ngayong Manila Bay).

Abala sa himagsikan nila sa Europe at sa pagsakop sa mga ibang lupain - pati na sa America, ang New Amsterdam na naging New York ngayon - hindi bumalik ng mga Dutch hanggang 1646, nang isang dambuhalang armada ang sunud-sunod na lumusob sa Manila, Cavite, Pangasinan, Bataan, Mindoro at mga karatig sa isang taon ng walang patumanggang tangkang sakupin ang Pilipinas.

DATING sakop ng España ang Holland, bahagi ng kaharian ng mga Hapsburg nang maging hari ng España nuong 1519 si Carlos 5, ang nagpundar kay Ferdinand Magellan nuong taon ding iyon na ‘tuklasin’ ang Moluccas at iba pang mga kapuluan sa karatig ng Pilipinas.

Nuon pa lamang, lumaganap na sa Holland ang pagsambang protestante, sinimulan ni Martin Luther sa kalapit na Wittenberg, Germany, nuong

1517. Naging makapangyarihan ang mga protestante, tinawag na mga Anabaptist, simula nuong 1530, at nuong 1535, tinangka nilang sakupin ang mayamang lungsod ng Amsterdam. Ginapi sila ng hukbo ng obispo ng lungsod ng Munster at pinagpapatay sila ng mga catholico.

Hindi napuksa ang mga Portestante, at lalo silang dumami matapos ilathala ni John Calvin ang kanyang ‘Christian Religion’ (‘Pagsambang Christiano’) nuong sumunod na taon, 1536.

Minana ang Holland ni Felipe 2, anak ni Carlos 5, nang itanghal siyang hari ng España nuong 1556, at dahil matimtimang catholico, tinangka niyang usigin ang mga protestante sa malupit na palakad at parusa ng hukuman ng mga frayle, pinamunuan ng mga Dominican, ang tinawag na Spanish Inquisition.

1568: Himagsikan ng mga Nagmaka-awa

Nagmaka-awa ang mga Calvinist at iba pang protestante sa Holland, karamihan ay mga maharlika duon na tinawag na Geuzen (‘mga humingi ng habag,’ beggars), at itinigil ni Regina Margaret (Margarita de Parma, Margaret of Parma) ang Inquisition nuong 1566.

Kapatid siya ni Felipe 2 na mula pa nang maging hari nuong 1556, si Margaret na ang reynang tagapag-hari (queen regent) sa Holland. Subalit sinuway ni Felipe 2 ang pagpigil sa Inquisition kaya pagkaraan ng isang taon, nuong 1567, napilitang magbitiw si Margaret. Pinalitan siya ng malupit na Duque de Alba (Duke of Alba).

Itinatag ni Alba ang kanyang kapulungan ng kalupitan (consejo sangriento, Council of Blood) at sa sumunod na taon, 1568, dinakip, inusig at pinugutan ng ulo ang mga protestante, pati ang mga conde ng Egmond at Hoorn.

Sumabog ang himagsikan ng mga Dutch laban sa España. Sinulsulan ni Principe William ng Orange ang aklasan. Nagsimula ang mga Calvinist na basagin ang mga estatua ng mga santo sa mga simbahan.

Tatlong taon na nuon sina Legazpi sa Cebu, inabala at kinanyon ng mga Portuguese, habang dahan-dahang pinalalawak ang catholico sa Pilipinas ng ilang frayleng Augustinian na kasamang naglakbay mula sa Mexico.

William Samantala, mabilis na naglalaho ang simbahang catholico sa mga dating sakop ng España sa paulit-ulit na sabak ng mga protestante sa hilagang Europe. Nuong Abril 1, 1572, naagaw ng hukbo ng mga Geuzen ang lungsod ng Briel at nagtatag ang mga Dutch ng sarili nilang bayan ng Netherlands sa ilalim ni Principe William. Ang himagsikan ay naging digmaan ng Holland laban sa España.

Digmaan Laban sa España

NUONG 1573, 3 taon pagkatapos sunugin ni Martin de Goiti ang kaharian ni Raja Suliman sa Manila, 2 taon pagkatapos itatag ni Legazpi ang pamahalaan at angkinin ang Pilipinas sa ngalan ng kaharian ng España, itinaboy ng mga protestanteng Dutch si Duque Alba pabalik sa Madrid.

Nuong sumunod na taon, 1574, habang pinahihirapan ni Limahon ang mga Español sa Manila, tinalo ng mga protestanteng Calvinist ang hukbo ng mga catholico sa Zuider Zee. Lubusang napalayas at hindi na muling nakabalik sa Holland ang mga Español.

Nuong 1579, nagbuklod ang Holland at 8 pang lalawigan (provincias, provinces) sa hilaga (northern) ng Europe upang buoin ang United Netherlands, hinayag na Dutch Republic.

2 ULIT ipinapatay ng mga Español si Principe William, una nuong 1582 at nuong 1584, nakitil siya ng isang fanaticong catholico, si Balthazar Gerards.

Bilang ganti, inagaw ng mga Dutch, sa pamumuno ng pang-2 anak ni Principe William, si Mauricio ng Nassau, ang mga lalawigan (provincias, provinces) sa timog (south), at nakalaya mula sa pagsakop ng España ang mga naging kasalukuyang bayan ng Luxembourg at Belgium, at ang Normandy na bahagi ngayon ng France.

Mula duon, kumalat ang digmaan ng mga Dutch sa mga sakop (colonies) ng España sa ibang lupalop, lalo na sa mga kapuluan sa Asia na kaunti lamang ang mga sundalong Español. Tulad ng Pilipinas.

Isa pa, kailangan ng mga Dutch ang spices, ang mga pampalasa sa ulam.

Spices: Pampalasa mula Maluku

Dati-rati, sa Portugal lamang bumibili ang mga barko ng Dutch ng mga spice at iba pang kalakal mula sa mga sakop nito sa India at sa Maluku (Moluccas, spice islands). Subalit namatay ang hari ng Portugal, si Sebastian, nuong 1578, at ang pumalit na hari ng Portugal nuong 1580 ay si Felipe 2, hari ng España at kaaway ng mga Dutch. At sinimulang dakpin ang mga barko ng Dutch sa Portugal at sa mga sakop nito.

Buti na lamang at, tiniktikan na ng mga Dutch mula pa nuong 1563 ang mga lihim ng paglayag mula sa Portugal at natuklas nila kung paano lumandas mula Europe hanggang Asia. Isang tiktik si Jan van Linschoten ng Haarlem, na nakarating pa sa Goa, India, sakay sa barko ng Portuguese.

Nuong panahon ding iyon, nag-usisa rin sa Portugal ang magkapatid na Houtman, sina Cornelis at Frederik, tungkol sa pagkalakal sa Maluku. Nuong 1595, lumunsad sila sa 4 barko, umikit sa timog ng Africa, tumawid sa dagat India (Indian Ocean) at, pagkaraan ng 15 buwan ng paglayag, dumating sa bayan ng Bantam, sa pulo ng Java. Tumuloy pa sila sa Bali at nawalan ng isang barko bago nakabalik nuong 1597 sa Amsterdam, dala ang unang hakot ng mga spice mula sa Asia.

Sumunod naglakbay sa Maluku si Jacob van Neck subalit hangos na halos lahat ng barko ng mga Dutch duon, kanya-kanya ng pakyawan ng mga spice at pagtatag ng mga imbakan (factory ang tawag nuon ngunit hindi pagawaan kundi bodega, wholesale warehouse ang ibig sabihin).

Pagkaraan ng 2 taon, nuong 1597, itinatag ng mga Dutch ang kanilang pamahayan (colonia, settlement) sa isang nayon na tinawag nilang Batavia (ngayon ay lungsod ng Jakarta), sa pulo ng Java. Sumunod na taon, 1598, sinakop nila ang pulo ng Mauritius, sa gitna ng dagat India, at ginawang himpilan ng mga barko mula, at papunta, sa Maluku. Lahat nito ay gawa ng mga karaniwang mamamayan, hindi ng pamahalaan.

Isa sa mga nagkanya-kanyang pundar si Oliver van Noordt (si ‘Olivero ng hilaga’), lumunsad mula sa Amsterdam nuong Septiembre 12, 1598, at pagbalik niya nuong 1601, kinilalang unang Dutch na nakalayag paikot sa daigdig (mondo, world).

Subalit may iba pang tangka si Noordt maliban sa kalakal ng spice - ang nakawin ang yaman ng mga Español sa bantog na galleon trade sa Pilipinas. Kaya isang taon bago siya bumalik sa Holland, nakipag-digmaan muna siya sa luok ng Manila (Manila Bay).

1600: Ang Unang Salakay

2 BARKO ng mga Dutch, pinamunuan ni Oliver van Noordt ang pumasok sa Pilipinas nuong Octobre 16, 1600. Humimpil muna sila sa tabi ng Albay at bumili ng bigas at iba pang pagkain. Umabot sa Manila ang balita pagkaraan ng 3 araw at pinasugod ni Governador Francisco Tello ang 70 sundalong Español, pinamunuan ni Pedro de Arceo.

Umurong ang mga Dutch sa pulo ng Capul, sa bukana ng Embocadero (San Bernardino Strait ang tawag ngayon) sa pagitan ng Sorsogon at Samar. Nuong Octobre 24, 1600, sinalakay at sinunog nila ang isang baranggay duon dahil binihag ng mga tagaruon si John Calleway, English na tauhan ni Noordt. Tapos, tumuloy ang mga Dutch sa tabi ng Mariveles (sa Bataan) at dinambong ang mga barkong pumasok sa luok Manila. Pinalubog nila ang isang frigata (frigate, munting barko) ng Español, ang Buen Jesus.

Ninakawan din nila ang isang barko ng Japon na may dalang arina (harina, flour), at isang champan (sampan) mula sa China.

Si Antonio de Morga, isang ungkat-yaman (auditor) ng Audiencia Real sa Manila, ang namuno sa 2 barkong lumunsad nuong Deciembre 12, 1600, sakay ang mahigit 600 sundalong Español. Pagkaraan ng 2 araw, nuong Deciembre 14, sinagupa nila ang mga Dutch sa Azebu, 25 kilometro mula sa Mariveles.

Higit na mahusay sa digmaang dagat ang mga Dutch. Ilang ulit nilang kinanyon ang barko ni Morga, ang San Diego, samantalang sa dagat tumama ang mga kanyon ng Español. Nagkabutas-butas ang San Diego at nagsimulang lumubog. Dinaan na lamang sa dami - 450 ang mga Español at mga mandirigmang Pilipino habang wala pang 100 ang mga Dutch ni Noordt sa kanyang barko, ang Mauritius. Binangga ng San Diego ang Mauritius at itinali ng mga Español nang magkakabit ang 2 barko.

Lumubog Sinampa ng mga Español ang Mauritius at 6 oras binakbakan sina Noordt.

Samantala, tumakas ang Eendracht, ang pang-2 barko ng mga Dutch, pinamunuan ni Admiral Lanverto Viesman. Humabol ang pang-2 barko ng mga Español, ang San Bartolome, pinamunuan ni Joan de Alcega, admiral sa hukbong dagat ng España, at mahusay sa digmaan. Inabutan, tinalo at binihag niya ang Eendracht matapos patayin ang apoy na sinindihan ng mga Dutch upang sunugin ang sariling barko nang hindi pakinabangan ng mga Español.

Hatak-hatak ang bihag na barko at mga Dutch, bumalik ang San Bartolome sa Manila. Binitay sa garrote ang 13 sa 19 Dutch na sumuko kay Alcega bilang mga taksil sa kaharian ng España (9 taon pa bago kinilala ang Holland, at 50 taon bago inamin na malaya nang bayan ito). Ikinulong sa mga monasterio ang 6 Dutch pang bihag, mga bata pa, upang gawing mga catholico uli.

Labu-labo ng Español at Dutch

Sa Mauritius, napipilan ang mga Dutch ni Noordt pagkaraan ng 6 oras na bakbakan, at sinimulan nilang sunugin ang sarili nilang barko. Nasindak sa apoy ang mga Español at nagtakbuhan pabalik sa kanilang barko, ang San Diego. Pinutol nila ang mga tali nito at inihiwalay mula sa nasusunog na Mauritius. Dahil nagkabutas-butas ang San Diego sa kanyunan, nagsimula itong lumubog.

Walang alam sa digmaan, sa halip na sugpuin ang sunog at sakupin ang barko ni Noordt gaya ng ginawa nina Alcega sa Eendracht, pinatakas ni Morga ang mga Español upang iligtas ang mga sarili. Nagtatalunan pa sila sa dagat nang lumubog ang San Diego at nalunod ang karamihan, - 300 Español sa isang ulat.

Nakatakas sina Noordt matapos patayin ang apoy, at nakauwi pa sa Netherlands pagkaraan ng paglayag nang isang taon sa kanilang sunog at karag-karag nang barko, ang Mauritius.

Samantala, pagkalubog ng San Diego, lumangoy si Morga nang 4 oras hanggang sa pulo ng Fortun. Sumakay siya at ang iba pang nakaligtas na Español sa mga bangka na natagpuan nila duon at nakarating sa pampang ng Anazibu (tinatawag ngayong Nasugbu) sa lalawigan ng Balayan (matagal pa bago tinawag na Batangas ang lalawigan).

Pagkabalik sa Manila, halos 150 kilometro ang layo, ipinadakip ni Morga si Alcega at sinisi sa pagkamatay ng maraming Español. Hindi raw sinaklolohan ang San Diego, tulad sa inutos niya.

Ngunit hindi kapani-paniwala ang mga hayag ni Morga, lalo na ang paglangoy nang 4 oras papuntang Batangas. Ayon kay Alonso Gomez Hombra, ang piloto ng San Diego, lumubog ang barko mahigit 2 kilometro lamang mula sa pulo ng Fortun, hindi mahigit 9 kilometro na inulat ni Morga.

Sumalungat pa ang kasamang frayleng Jesuit, si Alonso Bernal, na nagalit sa mali niyang mga utos nuong labanan. Kaya hindi nagtagal, pinawalan din ang admiral. Si Morga ang sinisi ng mga pinunong Español sa Manila sa pagkatalo ng San Diego dahil hindi niya hinintay si Alcega bago lusubin ang mga Dutch, at wala siyang ginawa nuong naglalabanan kundi magkubli sa likod ng maraming kutson (colchones, mattresses).

Kahit ipinagtanggol siya ni Governador Tello, napilitang umalis at Morga at bumalik sa Mexico, kung saan niya isinulat nuong 1609 ang kanyang aklat tungkol sa mga Pilipino, ‘Sucessos delas Islas Felipinas,’ na ginagiliwan ni Jose Rizal nuong 1888.

Subalit nuong 1609, habang inilalathala ang aklat sa Mexico, dumating sa Manila ang babala: Lumulusob uli ang mga Dutch.

Kapampangan Mga Kapampangan ang Lumaban

MULA nang puksain ni Oliver van Noordt ang baranggay sa pulo ng Capul nuong Octobre 24, 1600, lagi na lamang mga Pilipino ang napinsala sa matagal na bakbakan ng mga Dutch laban sa mga Español. Halos sa lahat ng sagupaan, napatay, nasugatan o nagdusa ang mga tao, mga paghihirap na palaging winalang-halaga ng mga Español. Ang mga Dutch na mismo ang nag-ulat na dumadami ang kasangkot na Pilipino, karamihan ay mga Kapampangan, sa digmaan.

Nuong 1613, napagtibay na ang pahayag sa Holland na ‘90 Papaugos’ (Pampangos o mga Kapampangan) ang kasama ng 200 sundalong Español at Mexicano sa kuta ng Nuestra Senora de Rosario (Fortress of Our Lady of the Rosary) sa kabayanan ng Gammalamma, sa pulo ng Ternate sa Maluku (Moluccas, spice islands), habang ‘20 Papaugos’ ang kasama ng 27 Español sa kuta ng San Pedro y San Pablo (Fort Saints Peter and Paul) sa pagitan ng Gammalamma at Malaia (Malaya). Marami rin daw na mga ‘Papaugos’ sa 3 kuta ng mga Español sa pulo ng Tidor, katabi ng Ternate sa Maluku din. At inamin na ng mga Dutch na sa pagsagupa nila sa mga Español sa Pilipinas, madalas na nakabaka nila ay mga ‘Papaugos,’ magaling sa paggamit ng sandata (armas, weapons) at paglaban bilang mga kawal (soldados, soldiers).

Mga Pangkat-Kalakal ng mga Dutch

PAGDATING sa Netherlands nuong 1601, labu-labo ang dinatnan nina Oliver van Noordt - may 14 toka-tokang pangkat-kalakal (tinawag na corporation, isang invento ng mga Dutch) ang nagpupundar sa 65 barko na lumalaot sa India at Maluku, humahakot ng spices at nakikipag-laban sa mga Español at mga Portuguese, at madalas, sa isa’t isa.

Nakakabawas sa kita, nakakalugi pa, ang ganitong gulo kaya tinipon sila ni Johan van Oldebarneveldt (si ‘Juan ng lumang bukid’) sa dambuhalang corporation, tinawag na VOC o Verenigde Oostindische Compagnie

(‘pinag-isang pangkat-kalakal sa mga Silangang India’).

Pinayagan sila ng Staten-Generaal (Estates General, ang batasan ng Netherlands) na sarilinin (monopoly) ang kalakal sa Asia. Binigyan din sila ng karapatang magpundar ng hukbo (army) at pangkat-dagat (armada), sakupin ang anumang lupain duon, at makipag-digmaan kahit kanino.

Bandang 3 milyon lamang ang mga Dutch nuon subalit mahigit 4,000 barko ang ipalalayag ng VOC sa Asia sa sumunod na 200 taon, at marami sa kanila, gaya ni Oliver van Noordt, ang makikipag-digmaan sa Pilipinas.

1609 - 1610: Balik Salakay

NASINDAK ang mga Español sa balita mula Jolo at Mindanao nuong katapusan ng 1609: Sumasalakay na naman ang mga Dutch. Pinatunayan ang balita ng ulat nuong Noviembre 3, 1609, mula sa Arevalo, kabayanan (town) sa pulo ng Oton (isang tawag ng mga Español sa Panay) na nagdambong ang 3 barko at isang patache ng mga Dutch sa malapit duon, kinalkal ang bigas at mga pagkain sa mga nakasalubong na bangka.

Agad pinasulong duon ni Juan de Silva, governador ng Pilipinas nuon, ang hukbong pangkat ni Cristobal de Azcueta, sakay sa ilang parao, bangkang pandagat ng mga Pilipino, at isang champan, barkong pandagat ng mga Intsik.

Nakasalubong nila ang pangkat-dagat (squadron) ng mga Dutch. Sa takot, tumakas sa dalampasigan sina Azcueta at, kahit hindi sumugod ang mga Dutch, sinunog ng mga Español ang kanilang mga sasakyan upang hindi magamit ng mga kaaway.

Sumabog sa apoy ang pulbura (polvora, gunpowder) ng baril sa champan, 3 sundalong Español ang namatay, ang isa ay naiwang humihiyaw sa luob, naipit ng bumagsak na haligi, at nasunog nang buhay. Marami ang nasugatan sa sunog.

Pagka-alis ng mga Dutch, napilitang lumakad sina Azcueta sa mga gubat at bundok, patawid sa pulo ng Panay. Maysakit at namamatay na sa gutom, 7 Español ang namatay pagkarating sa Arevalo.

Natuklas ng mga taga-Manila na 4, hindi 3, ang barko ng mga Dutch, kasama ang isang patache, nang dumating ang mga ito sa bukana ng luok Manila (Manila Bay) nuong Noviembre 8, 1609, sa pamumuno ni Francois de Wittert (Francisco Witer sa ulat ng Español), isa sa mga alalay ni Oliver van Noordt nang lumusob ito sa Manila nuong 1600.

Nakipagsapalaran uli si Wittert sa Maluku pagkatapos, at nakilala niya duon si Francisco Aguirre, taksil na Español na yumaya sa kanyang lusubin ang Manila na walang lakas nuon upang ipagtanggol ang Pilipinas. Inalok ni Wittert ng 1,000 pesos si Aguirre bilang gabay (guia, guide) ng pangkat na lumusob sa Manila at Cavite nuong Noviembre 11, 1609.

Pinupog sila ng putok at pina-urong ng mga kanyon ng mga Español, bagaman at hindi nasiraan dahil maliit lamang ang mga kanyon at mahina ang putok. Bago bumalik sa bukana ng luok Manila, natuklas ng mga

Dutch na walang barkong pang-digma (warship) ang mga Español, kundi 3 maliliit na sasakyan na hindi kayang magsakay ng mga kanyon, isang parao na maaaring sakyan ng 20 sundalo lamang, at ang Espiritu Santo, matanda at karag-karag na veterano ng maraming balik-balikan sa Mexico. Ni walang layag ito nuon.

Hinarang ni Wittert at ninakawan ang lahat ng barko, karamihan ay galing sa China, na dumating upang magkalakal sa Manila, gaya ng ginawa ni Van Noordt nuong 1600. Nabihag pa niya ang ilang pinuno ng mga Español, pati sina Alferez Aldano at Capitan Castillo na galing sa Japan.

Isang araw, 4 Dutch ang tumakas at sumanib sa mga Español. Sila ang nagsiwalat ng lahat tungkol kina Wittert, ang tibay ng kanilang mga barko at ang mga kanyon at sandata nila. Ginamit ng mga Español ang mga ulat upang gapiin si Wittert.

Daan-daang mga Kapampangan

Minadali ni Governador Silva ang pagtapos sa barkong San Juan Baptista na ginagawa sa Marinduque, at ang pagkumpuni sa Espiritu Santo sa Cavite. Inayos din ang 2 pang maliit na barko duon upang malagyan ng kanyon.

Inipon lahat ng rehas (rejas, iron bars) na bakal sa mga bintana (ventanas, windows) ng bahay ng mga Español upang gamitin sa pagkumpuni ng mga barko at gawing bala sa kanyon (cannonballs). Nilusaw at ginawang mga kanyon ang mga kalembang (campanas, church bells) sa mga simbahan.

Sa 6 buwan na ginawa ang mga barko, balisang-balisa ang mga Español na ipinatawag lahat ni Silva mula sa paligid at pinaluwas sa Manila. Sa Cavite, nakapagtipon ng 600 Español upang magtanggol paglusob ng mga Dutch, at upang tauhan ang mga barko pagkayari ng mga ito, at lusubin ang mga Dutch na panay ang dambong sa labas ng luok Manila, hinarang pati ang mga barko na nagdala ng bigas at pagkain para sa Manila.

Lalong nasindak ang mga Español nang lumitaw uli ang 4 barko at patache ni Wittert sa harap ng Cavite at Manila nuong Enero 19, 1610, upang magsiyasat, at 9 araw nagbantay duon, minasdan ang kilos ng mga Español bago umalis at nangdambong uli ng mga dumarating na barko.

Naharang nila ang mga barko na nagdala ng mga pagkain at kalakal mula sa China. Naglasing pa sila nang matambangan nila ang isang barko na may dalang mga alak Intsik (sioc tong, vino de mandarin). Ninakaw nila ang mga sutla (seda, silk), mga jamon at mga baboy (hams, capones) at mga manok (fowls). Umabot ng 2,000 ang mga baboy na nakuha nila, at libu-libong manok - naglagay pa sila ng kulungan at manukan sa pampang ng Mariveles dahil hindi na kasya sa mga barko.

Binihag nila ang mga tao sa paligid ng Mariveles upang mag-alaga, kumatay at magluto ng mga manok at baboy. Inutusan pa nila na magtanim ng palay dahil kailangan sa susunod na taon, pagbalik ng mga Dutch. Sinumbatan ng mga Dutch ang mga bihag na Pilipino:

“Bakit kayo sumusunod sa mga Español na hindi kayo kayang ipagtanggol?”

Itinapon ng mga Dutch sa dagat ang mga pagkain at kalakal mula sa mga naharang na barko na hindi nila kayang ubusin, upang hindi magamit ng mga Español.

May ilang barkong nakatakas at bumalik sa China. May iba na nakapuslit sa Manila. Sumapok ang isa sa batuhan at lumubog. Nalunod ang mga sakay na Intsik; ang ibang naka-ahon sa lupa ay pinatay at pinugutan ng ulo ng mga Zambal mula sa mga gubat at bundok. Natigatig ang mga Intsik sa Parian, ang purok ng mga Intsik sa labas ng Intramuros, at tumahimik lamang nang ipangako ng Audiencia na hindi sila papatayin ng Español.

Ipinatawag ni De Silva ang ilang daang Kapampangan upang tumulong sa pagbantay sa Manila.

Sa wakas, natapos ang 4 barko ng Español at isang oras bago magtanghali nuong Miercoles, Abril 21, 1610, lumunsad ang 1,000 sundalong Español, mahigit 2,000 mandirigmang Pilipino at ilan daang magdaragat (marineros, seamen), karamihan ay mga Kapampangan at mga Tagalog.

Si Silva mismo ang namuno sa pangkat, sakay sa capitana (flagship), ang San Juan Baptista. Katulong niya bilang Pangalawa (maestro de campo, master of camp) si Juan Juarez Gallinato. Kasama rin ni Silva ang kanyang batang pamangkin, si Fernando de Silva.

May sakay na 26 kanyon ang capitana, habang 22 kanyon ang nasa Espiritu Santo, ang almirante o pang-2 barko sa pangkat, pinamunuan ni Pedro de Heredia. ang dala Ang maliit na barkong San Yldefonso, pinamunuan ni Juan Tello de Aguirre, ay may 6 kanyon lamang habang tig-4 kanyon lamang ang nasa mas maliit pang mga barko, ang San Pedro, pinamunuan ni Capitan Guilestigui, ang San Pablo, ni Juan Fajardo de Losada, at ang Santiago, ni Luis Moreno Donoso.

May 2 galeria (galleys), maliliit na barkong sina-sagwan, pinamunuan nina Capitan Romanico at Juan Rodriguez, at mga bangka na nagdala ng mga gamit at pagkain ng pangkat. Kasama sa barko ni Silva ang isang frayleng Trinitarian at isang secular na pari. Sa ibang barko nasakay ang 16 frayle - 7 Franciscan, 4 Jesuit, 3 Augustinian at 2 Dominican.

Unang Sagupaan sa Playa Honda

Batalan o Batohan ang unang tawag sa mabatong bundok, mahigit kalahating kilometro ang tayog, at pinagmulan ng kasalukuyang pangalan ng bundok at lalawigan ng Bataan. Sa pagitan ng bundok at dagat, sa banda ng tinatawag ngayong Mariveles, ay ang malawak na kalatagan (plains) na dating tinawag ng mga tagaruon na Paynawen.

Malalim ang dagat sa pampang nito at dahil mainam na daungan ng mga barko, tinawag ito ng mga Español na Playa Honda (‘pampang malalim,’ low or deep beach). Duon, nuong 1610, nagbabantay ang mga barko ni Wittert upang harangin ang mga barko mula sa China na patungo sa Manila upang magkalakal.

Halos ika-7 na ng umaga nuong Sabado, Abril 24, 1610, nang marating ng mga Español ang 3 barko ni Wittert sa labas ng luok Manila, sa tabi ng Playa Honda, 96 kilometro mula sa Manila.

“Kakanyunin tayo ng mga itlog ng manok!” kantiyaw ng mga Dutch dahil sa mga maliliit na kanyon na naranasan nila sa Cavite.

Nagkanyunan at nagbanggaan ang mga capitana ni Silva at ni Wittert. Hinagisan ng mga kawit, sinampa at pinagtali ng mga Español ang 2 barko. Tapos, naglabanan sila ng kanyon, baril, sibat at espada. Marami ang napatay sa mahigit 3 oras na bakbakan.

Isa sa mga unang napatay si Wittert, at 5 Dutch lamang ang natirang buhay at walang sugat. Tinangka ng mga sugatan na sunugin ang barko upang hindi mabihag ng mga Español ngunit napigilan sila. Isa sa mga sugatan si Francisco Aguirre, ang taksil na Español, na naputulan ng paa. Hinatulan siyang mabitay kinabukasan ngunit namatay siya nuong gabing iyon.

Sa mga bihag na Español sa barko ni Wittert, isa lamang ang napatay, tinamaan ng kanyon, si Pedro Montejo, frayleng Augustinian mula sa Toledo, España.

3 Oras ding nagkanyunan, nagbanggaan, nagsampahan at nagbakbakan ang mga almirante ng mga Español at mga Dutch. Nanaig ang mga Español dahil sa giting ng mga pinuno ng mga sundalo, sina Capitan Pedro de Almazan at Capitan Juan dela Vega.

Ang pang-3 barko ng Dutch ay tinalo at sinunog ng mga sundalo sa San Yldefonso at San Pedro. Habang nasusunog, sumabog ang pulbura (polvora, gunpowder) sa barko. Marami ang namatay at, dahil malapit sa pampang, pati ang gubat sa tabi ay nagliyab - 6 araw nasunog ang gubat.

Nakatakas ang pang-4 barko at ang patache ng mga Dutch dahil malayo sila, hindi tanaw ng mga Español, at narinig nila ang mga kanyunan.

Alas-2 ng madaling araw nuong Linggo, Abril 25, 1610, nang dumating ang balita sa Manila, at pinatunog lahat ng kalembang (campanas, church bells) sa mga simbahan upang ipagdiwang ang tagumpay. Nag-prosisyon (procession) sa Intramuros kinaumagahan, mula sa cathedral hanggang sa simbahan ng mga Jesuit.

Hinila pabalik sa Cavite ang 2 barko ng mga Dutch. Umabot ng 400,000 pesos (mahigit 60 milyon piso ang katumbas ngayon) ang halaga ng mga nakuha sa 2 barko, at pinaghati-hatian ng mga Español sa Manila.

Ipiniit sa Intramuros ang mga nabihag na Dutch. Halos lahat ng mga sugatan ay namatay.

Pinagawa ng mga Galleon

Matapos durugin ng mga Español ang pangkat dagat ni Francois Wittert sa Playa Honda nuong 1610, nagpatuloy ang paghihirap ng mga Pilipino dahil inararo ni Governador Juan de Silva ang paggawa ng mga barkong pandigma sa Luzon at Visaya:

  1. Sa Manila, 2 galley ang ginawa
  2. Sa Cavite, mahigit 9 kilometro ang layo, 2 galleon ang ginawa, ang Espiritu Santo at ang San Miguel, at 6 galerias (galleys)
  3. Sa Camarines at sa Dalupaes, halos 200 kilometro mula Manila, 2 galleon ang ginawa, ang Nuestra Senora de Guadalupe at ang Angel dela Guardia
  4. Sa Bagatan sa Bicol, mahigit 380 kilometro ang layo, ginawa ang 2 barko: San Felipe at Santiago
  5. Sa Marinduque, 192 kilometro mula Manila, ginawa ang 2 galleon, ang San Juan Bautista at ang San Marcos
  6. Sa Mindoro, 240 kilometro ang layo, ginawa ang galleon San Juan Bautista
Mga Pilipino lahat ang gumawa ng mga ito, ayon sa sulat ni Sebastian de Pineda kay Felipe 3, ang hari ng España, at lahat sila ay naghirap, kaya marami sa kanila ay namatay. Bawat baranggay daw ay kinunan ng mga tao bilang buwis at pinagputol ng mga puno, pinaghakot ng mga kahoy at
pinagawa ng mga barko at ng mga lubid na abaca na gamit sa mga barko.

Lahat sila ay hindi binayaran. Dapat may sahod (sueldo, wages) sila, ayon sa utos ng hari, subalit ibinulsa ng mga Español at ng mga kasapakat nilang mga cabeza de barangay. Kulang na kulang ang pakain sa kanila kaya marami ang nagkasakit at namatay. Sa Cavite lamang, ayon kay Pineda, may 1,400 carpintero dati subalit pagdating ng 1618, may 200 na lamang ang buhay pa.

(Nag-aklas ang mga Waray-Waray dahil sa sapilitang paggawa ng mga
barko, ulat sa ‘Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys,’ sa website ding ito.)

Si Alonso Fajardo de Tenza, governador ng Pilipinas nuong 1618 - 1624, ang nag-ulat nuong Agosto 10, 1618, kay Felipe 3, hari ng España, na namamatay at nagdurusa ang mga Pilipino hindi lamang sa pagsuot sa gubat, pagputol ang mga punong kahoy at paghakot ng mga ito hanggang sa gawaan ng mga barko.

Naiiwang tiwangwang ang mga bukid kaya walang palay ang mga manggagawa. Pati mga kapitbahay nila ay nakakasali sa pagdurusa. Gawi ng mga taga-baranggay na mag-abot ng tulong, pagkain at salapi, sa mga familia ng mga manggagawa na hindi binabayaran, kaya sila man ay naghihirap din. At walang katapusan ang gawain, sabi ni Tenza, sapagkat kailangang palitan ang malalaking bahagi ng bawat barko tuwing 2 taon.

1613: Mga Kapampangan sa Maluku

Hawak ng mga Español ang bayan ng Gammalamma, sa pulo ng Ternate, na sinakop nila mula sa mga taga-Maluku. Tinawag nila itong Nuestra Signora di Rosario, may pader at mga torre na bato, 33 kanyon at iba pang sandatang pandigma na padala mula sa Manilles (Manila). Binabantayan ngayon ito ng 200 sundalong Español at 90 Papaugos (mga Kapampangan) na mga taga-Pilipinas at mahusay sa armas at nagsisilbing soldado (sundalo) para sa mga Español...”

Ito ang ulat nuong 1613 ng mga Dutch tungkol sa hukbong Español sa Maluku.

“Mayruong isa pang kuta ang mga Español sa pagitan ng Gammalamma at Malaia (Malaya) na tinawag nilang San Pedro y San Pablo (Saints Peter and Paul). Naka-destino duon ang 27 Español at 20 Papaugos. Mayruon ding mga taga-Manila duon.
(Nuong panahon ng Español, mga Español lamang ang mga taga-Intramuros o taga-Manila, subalit maaaring ang mga Tagalog sa paligid ang tinukoy ng Dutch).

“Sakop nila ang buong pulo ng Tidore (Tidor) at nagtayo ang mga Español ng 3 kuta (fuerzas, forts) duon. Una, sa Taroula, sa bayan ng hari ng pulo. Bantay duon ang 50 Español at 10 sundalong Papaugo, may 10 kanyon. Ang pang-2 kuta ay ang dating castillo (castle) ng mga Portuguese, tinawag na Corneille Bastiaansz. Mayroon duong 2 kanyon at 13 sundalong Español, at mga mandirigmang taga-Maluku. Ang ika-3 kuta ay ang Marieco, natatanaw mula sa Gammalamma. May 2 ring kanyon, 14 sundalong Español at mga Papaugos. Dahil sa maraming bakbakan duon, kaunti na lamang ang mga tao sa pulo ng Tidore...”

Nagsamantala ang mga Moro

Dahil abala ang mga Español sa paglagalag ng mga Dutch, nagsamantala ang mga muslim sa Mindanao at Jolo at sinimulan uli ang kanilang matagal nang digmaan laban sa mga Visaya. Nilusob ng mga muslim ang mga pulo ng mga Sugbuanon (Cebuanos) nuong 1614. Ayon kay Sebastian de Pineda, bandang 900 Visaya ang binihag at inalipin ng mga muslim. Hindi na natiyak kung ilan ang pinatay.

1615: Nagkamatayan sa Malacca

HINDI inasahan ng mga Dutch sa kanilang himpilan sa Batavia (ang Jakarta ngayon) sa pulo ng Java, subalit higit na malaking sandatahan, at lalong maraming mandirigmang ‘Papaugos’ ang hinanda ng mga Español laban sa kanila. 2 taon pagkaraan ng kanilang pagsuri ng lakas ng Español sa kalapit na Maluku, pumalaot si Governador Silva mula sa Cavite nuong Deciembre 31, Galley 1615, dala ang 10 galleon, 4 galley at isang patache na ginawa lahat ng mga Pilipino.

Kasama sa hukbo ang 3,000 Pilipino at 2,000 Español upang sagupain ang mga Dutch na lumulusob nuon sa Malacca (ang Melaka ngayon sa Malaysia). Mahigit 700 sa mga indio (tawag nuon ng mga Español sa Pilipino)

na kasama ang namatay, pati na ang 200 panday (metal smiths) at mga kagalian (carpenters, boatwrights) na taga-kumpuni ng mga sira sa barko, sulat ni Sebastian de Pineda kay Haring Felipe 3 nuong 1619. Kahit na raw hindi sumabak sa sagupaan, namatay ang mga Pilipino dahil sa sakit at gutom, kasi hindi raw binigyan ng damit pang-ginaw at hindi pinapakain nang husto. Nakita raw niya mismo na bawat gabi, 3 o 4 Pilipino ang namatay sa ginaw at gutom.

Halos huli na nang dumating si De Silva sa Malacca nuong Febrero 25, 1616. Nuong Deciembre 12, 1615 pa dinurog na ng mga Dutch ang 4 galleon ng mga Portuguese duon, subalit napigil ang tangka ng mga Dutch na sakupin ang Malacca mismo, katulong ang hari ng Aceh mula sa pulo ng Sumatra, dahil sa pagdating ng armada ni Silva.

Patuloy ang malas, nilagnat at namatay si De Silva nuong Abril 19, 1616 at, matapos dumaan sa Sincapura (Singapore tawag ngayon sa Siyang Puro), bumalik ang buong armada, dala ang bangkay niya upang ilibing sa Manila nuong Mayo 4, 1616.

1616: Moro Kumampi sa Dutch

Nasindak ang mga Dutch sa Maluku (Moluccas, spice islands) sa balitang lulusob ang malaking hukbong dagat (armada, warfleet) ni Governador Juan de Silva sa Maluku pagkagaling sa Malacca, upang puksain ang mga Dutch duon. Hangos nilang tinipon at kinumpuni ang 10 galleon nila upang sagupain ang armada ni Silva sa Maluku at sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon, sa pulo ng Java).

Walang dumating na armada at pagtagal, nag-iba ang ihip ng hangin. Tapos na ang panahon upang makapaglayag patimog (southward) mula Manila papuntang Maluku. Balisa pa rin ang mga Dutch, naghinalang bumalik sa Manila si Silva. Pinasiya nila, pahilaga (northward) na rin

lamang ang ihip ng hangin, sila ang lulusob sa Pilipinas upang durugin ang armada ni Silva.

Pagdating nila sa pulo ng mga kakampi nilang mga Magindanao (ang dinig ng Español ay Maingdanao o Mindanao, ang tawag ngayon sa buong pulo), ibinalita sa kanila na namatay sa lagnat si Silva sa Malacca.

Nagsamantala ang mga Dutch. Nagsabwatan sila ng mga Magindanao na puksain ang pagsakop ng Español sa Pilipinas. Ang mga Dutch ang lulusob sa Manila at karatig, at ang mga Magindanao ang sasalakay sa mga kapuluan ng mga Visaya (mga Sugbuanon, Cebuanos sa Español, tinawag din nilang Pintados dahil maraming tattoo at kinukulayan ang mga katawan) at sa timog (sur, south) ng Luzon.

1616: Salakay sa Camarines, Iloilo

Sa timog ng Luzon lumitaw ang mga Magindanao, sakay sa mahigit 70 caracoa (malaking bangkang pandagat, parao ang tawag ng mga Visaya at mga taga-Java, proa ang tawag sa English). Sa pampang ng lalawigan ng Camarines, dinatnan nila ang mga taga-ilog Vicor (Bicol ang tawag ngayon) gumagawa ng isang galleon at 2 patache para sa mga Español.

Sinunog ng mga muslim ang 3 ginagawang barko, at ang mga baranggay ng mga tagaruon. Pinatay nila ang mahigit 100 kagalian (carpinteros, boatwrights) na gumagawa sa mga barko. Binihag nila ang 30 Español at maraming mga indio upang ipagbili bilang mga alipin, ang pangunahing hanap-buhay ng mga muslim nuon.

Ninakaw ng mga Magindanao lahat ng kaya nilang mahakot nila, at salantâ ang buong kabayanan sa ilog Bicol nang iwanan nila.

Nag-away sa hatian ang mga Magindanao at upang iwasan ang bakbakan, naghiwalay sila sa 2 pangkat. Lumihis ang unang pangkat patungo sa

Manila upang sumanib sa pagsalakay duon ng mga Dutch.

Tumuloy ang pang-2 pangkat sa pulo ng Panay upang dambungin ang malaking kabayanan duon, tinawag na Yloylo ng mga Dutch. Sila, hindi ang unang pangkat, ang nakatagpo ng armada ng mga Dutch, na sa Panay pala nagtungo, hindi sa Manila.

Si Capitan Diego de Quiñones nuon ang commandante sa Panay at buong kapuluan ng Pintados (Visayas ang tawag ngayon). Ibinalita sa kanya ng mga takas mula sa Bicol at ibang pulo sa Visaya na darating ang mga Magindanao at mga Dutch sa luob ng isang linggo.

Kahit 70 sundalong Español lamang ang hukbo niya, hinimok niya lahat ng mga taga-Iloilo na magtatag ng tanggulan (redoubt) mula sa pinagpatung-patong na mga bigkis ng kawayan (fascines), mga pinatulis na bakawan (stakes) at mga tiklis na pinuno ng lupa (gabions).

At ilan daang Visaya, matagal nang kaaway ng mga muslim, ang kasama ni Quiñones na naghintay sa mga kalaban.

Takbuhan sa Balayan

HABANG hinihintay ng daan-daang Visayas ang mga kaaway sa Iloilo nuong Septiembre 1616, sumablay ang unang pangkat ng Magindanao na patungo sana sa Manila at nahantong sa luok (bay) ng Balayan. Duon nagpahinga sina Martin de Goiti at Juan de Salcedo nuong 1570 bago nila sinakop ang Manila. Mula nuon, lumago ang baranggay at naging kabayanan (town) pagdating ng mga frayleng Español.

Nuon 1616 nang pumasok ang mga Magindanao, nagtakbuhan ang mga taga-Balayan at nagtago sa mga gubat sa luoban ng tatawagin sa mga darating na panahon na lalawigan ng Batangas. Walang nagawa ang mga Magindanao kundi nakawan at sunugin ang mga bahay, at tupok ang buong kabayanan nang iwan nila.

Nabalita sa Manila ang pagsalanta sa Balayan. Pumuslit isang gabi ang 2 galeria (galley, maliit na barkong pandagat, may mga sagwan sa 2 tagiliran) ng mga Español sa tangkang itaboy ang mga Magindanao upang hindi sila makasanib sa mga Dutch na nakaharang na nuon sa luok Manila

(Manila Bay). Inabutan nila ang mga caracoa sa pulo ng Mindoro, nakasuksok lahat sa luob ng ilog Baco, na hinimpilan din nila Goiti at Salcedo nuong 1570. Humarang ang 2 galeria ang bukana ng ilog. Kahit 35 caracoa (tinawag ding caracora) ang nabalitang dala ng mga Magindanao, tiyak ang mga Español na tatalunin nilang lahat sapagkat napapalubog ng galeria ang caracoa sa hampas lamang ng sagwan.

Saklaw ng sindak ang mga Magindanao nang nasukol ng mga galeria. Pinakawalan nila ang mga bihag nilang Visaya at pinaki-usapan, sabihin sa mga Español na palayain sila. Balak nilang iwanan ang mga caracoa at tumakas na lamang sa mga gubat sa luoban, kahit na ilan lamang sa kanila ang makakaligtas sa mga pugot-ulo (headhunters) duon.

Pinalad ang mga Magindanao at duwag pala ang pinuno ng mga Español. Paglubog ng araw, umalis ang 2 galeria at nagpunta sa kabilang pulo. Kunyari, upang makaiwas sa salungat na hangin na baka magpalubog sa mga galeria subalit katunayan, upang umiwas sa mga Magindanao na baka sumampa sa mga barko sa dilim ng gabi. Ganuon nakatakas ang mga Magindanao nuong gabing iyon.

Lusob ng 10 Galleon

SUMABOG ang bulkan Mayon nuong Febrero 19, 1616. Sa ligtas na dako ng dagat, isa sa mga nanuod si Jorge Spielbert, pinuno ng 10 galleon ng mga Dutch na pumasok sa Pilipinas upang puksain ang mga Español. Nagkalat ng lagim ang hukbong dagat (armada, war fleet) ni Spielbert, hinarang at ninakawan ang lahat ng barkong nakasalubong. Pinagka-kanyon at sinalakay ang ilang kabayanan sa tabi ng dagat upang masukat ang lakas ng mga Español.

Nuong Septiembre 29, 1616, dumaong ang 10 galleon ng mga Dutch sa tapat ng tanggulang pinaghihintayan ni Capitan Quiñones at daan-daang mandirigmang Visaya sa kabayanan ng Iloilo (lungsod ngayon) sa pulo ng Panay. Pinagka-kanyon at pinagba-baril sila nina Spielbert.

Walang tumalab sa makapal na tanggulan ng mga Español at mga Visaya kaya sumugod sa dalampasigan ang 7 compania, mahigit 200, ng mga sundalong Dutch. Kasama ang mga Magindanao, 2 ulit silang sumalakay. Tinamaan ng baril sa hita si Quiñones at maraming Bisaya ang nasugatan, subalit napaurong nila ang mga Dutch sa bangis ng kanilang pagtatanggol.

Sinamantala ng mga Español, biglang sumugod si Capitan Lazaro de

Torres, 40 sundalong Español at mahigit 100 Visaya, at inupakan ang mga umuurong na Dutch at Magindanao sa dalampasigan.

Na-ulol sa sindak ang mga Dutch at muslim, kanya-kanya nagdambulan sa mga bangka upang makaligtas sa mga galleon nila. Iniwan sa pampang ang mga bangkay ng mga kasama at mahigit 20 sugatan (wounded) na, hindi kagulat-gulat, namatay lahat.

Wala kahit isang kanyon ang mga Español kaya nadaig man nila ang mga lumusob, 10 galleon pa rin ang dala ng mga Dutch nang umurong nuong simula ng 1617 upang salakayin naman ang Manila. Hindi nagtagal, at hindi pa galing ang sugat, pumuslit si Quiñones at ilang alalay papunta rin sa Manila dahil sa panawagan mula sa Intramuros: Iniipon ang buong lakas ng Español sa Pilipinas upang sabakan ang hukbong dagat ng mga Dutch na tumatag sa bukana ng luok Manila upang harangin ang sinumang patungo sa Manila o sa Cavite.

Hindi natapos ang ligalig sa Panay at mga karatig pag-urong ng mga kalaban nuong 1616. Sa sulat ni Sebastian de Pineda kay Felipe 3 nuong 1619, nilusob daw uli ng mga muslim ang mga pulo sa Visaya habang nagsasalpukan sa Playa Honda nuong 1617. Mahigit 200 daw ang pinatay, at 400 cagalyan (carpenteros, boatwrights) ang binihag.

1617: Sagupa uli sa Playa Honda

KAHIT naitaboy ang kanyang hukbong dagat mula sa Iloilo, tanto pa rin ni Spielbert na mahina ang sandatahang Español. Halos isang taon siyang naglimayon, nangdambong at sumalakay sa mga pulo, walang sumagupa sa kanya maliban sa Panay. At walang humabol o humarang nang tumuloy siya sa luok Manila (Manila Bay) nuong pagpasok ng taon 1617.

Maaaring isang dahilan ng kahinaan ng hukbong Español, pansamantalang (temporary) governador lamang, si Andres Alcaraz, ang namumuno nuon sa Intramuros dahil 2 buwan matapos nanuod si Spielbert ng pagsabok ng bulkan Mayon, namatay si Juan de Silva, ika-14 governador ng Pilipinas, nuong Abril 19, 1616.

Anumang dahilang mahina ang kalaban, hinati-hati ni Spielbert ang kanyang armada. Pinapunta niya sa hilaga (norte, north), sa banda ng Ilocos, ang 2 barkong Leon Rojo (Red Lion) at ang Vlissingue (puok sa Holland, Bli-SING-ga ang bigkas, Fregelingas ang dinig ng Español, Flushing ang tumbas sa English) upang dambungin ang mga champan mula China na patungo sa Manila o sa Lingayen, Pangasinan, upang magkalakal. Hinati rin ni Spielbert ang nalabing mga barko sa magkabilang panig ng bukana ng luok Manila upang harangin ang anumang barko na papunta sa Manila o Cavite.

Abril 8, 1617, na bago nabuo ang sandatahang dagat ng mga Español sa Cavite - 1,000 sundalong Español at Mexicano, at mga mandirigmang Pilipino, karamihan ay mga Kapampangan, sakay sa 7 galleon at 3 galeria (galleys, maliit na barkong may mga layag at mga sagwan).

Piniling general si Juan Ronquillo de Castillo, kamag-anak ni Gonzalo Ronquillo de Penalosa, ang ika-4 governador ng Pilipinas (1580 - 1583). Capitana (flagship) niya ang pinaka-malaking barko, ang Salvador, may 50 kanyon, 25 sa bawat tagiliran. San Marcos ang sunod na pinaka-malakas na barko, pinamunuan ni Juan dela Vega subalit hindi siya hinirang na admiral kaya walang almirante o pang-2 barko (second in command) ang pangkat-dagat.

Inggit at intriga ng mga pinunong Español ang sumira kay Vega. Kaya rin hiwa-hiwalay at halos hindi nagtulungan sa sumunod na labanan ang mga barkong Español. Mga capitan ng iba pang galleon si Pedro de Heredia sa San Juan Bautista, si Juan Bautista de Molina sa Nuestra Senora de Guadalupe, si Rodrigo de Guillestigui sa San Miguel, si Juan de Acevedo sa San Lorenzo, at si Sebastian de Madrid sa San Phelipe.

Ang 3 galeria ay pinamunuan ni Alonso Enriquez, ni Pedro de Almazan, at ni Diego de Quiñones, sugatan pa dahil sa bakbakan sa Iloilo nuong nakaraang Septiembre 1616.

Tumakas ang mga Duwag

Nuong Sabado ring iyon, Abril 8, 1617, narating ng pangkat, sa bukana ng luok Manila, ang pulo ng Marivelez (matagal pa bago tinawag na Corregidor and pulo, at ang dulong timog ng Bataan lamang ang tinawag na Mariveles). Hindi nila nakita ang mga Dutch kahit ilang araw silang naghanap bago sinabi ng isang tiktik (espia, spy) na 2 barko ng mga Dutch ay halos 30 kilometro sa hilaga (norte, north; katunayan, mahigit 200 kilometro ang layo ng Leon Rojo at Vlissingue) at ang ibang barko ay nasa Playa Honda, halos 100 kilometro sa hilaga din.

Jueves na, Abril 13, 1617, bago narating nina Ronquillo ang mga 8 barko ng mga Dutch na sali-salibat sa Playa Honda, abalang ninanakawan ang 2 barko ng mga taga-China ng mahigit 300,000 pesos ng mga sutla (seda, silk) at iba pang kalakal na para sana sa Manila.

Dahil mahina at salungat ang ihip ng hangin, hindi nakalusob ang mga Español. Hindi naman nagmadali ang mga Dutch, patuloy sa pagnakaw at

hindi iniwan ang mga Intsik hanggang ika-8 ng umaga kinabukasan, Viernes, Abril 14, 1617, nang nakalapit na ang mga Español. At nagsimula ang bakbakan.

Dahil walang almirante na namahala sa mga barko, nagkahiwalay ang mga Español. Ang Salvador na capitana ni Ronquillo ang naunang sumugod, kasunod ang San Miguel at ang San Juan Bautista, habang 15 kilometro sa likuran ang ibang mga barko.

Nagsamantala si Spielbert, pina-hanay (hilera, single file) ang 7 barko ng mga Dutch at pinasalakay lahat sa Salvador. Sapantaha niya na kapag natalo nila ang Salvador, ang pinaka-malaking barko, susuko na ang mga Español at maaari na nilang sakupin ang Manila at, pagdating ng iba pang barkong Dutch, ang buong Pilipinas.

Nagsamantala rin ang isang barko ng Dutch, tumakas sa halip na lumaban. Pagkaraan ng ilang buwan, nabalitaan ng mga Español na dinakip sa Maluku at binitay ang capitan ng barkong ito dahil duwag.

Samantala, ang 7 nalabing barko ng mga Dutch at sunud-sunod sumugod, pang-una si Spielbert sa kanyang barko, ang Sol Nuevo de Olanda (New Sun of Holland, ‘ang bagong araw ng Holland’). Sinalubong sila isa-isa ng sangkatutak na kanyon ng Salvador. Maraming barko ng mga Dutch ang nasiraan, marami ang napatay o nasugatan, at wala kahit isang nakalapit upang sampahin at palubugin ang Salvador, gaya ng balak ni Spielbert.

Paglapit ng San Juan Bautista at San Miguel upang tulungan ang capitana, umurong ang mga Dutch at wala nang bakbakan pang naganap nuong araw na iyon. Inulat na 5 Español lamang ang napatay, at 8 lamang ang nasugatan.   (Hindi kapani-paniwala, subalit maaaring tutuo ang ulat na, dapat alalahanin, ay para sa mga oficial sa Madrid. Ugali ng mga Español na huwag isali sa bilangan ang mga napinsalang katutubo, ang tinawag nilang indios. Ugali rin nila sa bakbakan na ilagay sa harap ang mga Pilipino. Kaya dapat paniwalaan sa pag-kanyong ito ng 7 barko, mahigit 100 Pilipino ang napatay at nasugatan. Dapat ding paniwalaan na karamihan ng sundalo sa hukbong Español kailan man ay mga Pilipino, kaya karamihan ng mga napatay at napinsala kailan man ay mga Pilipino. Hanggang nuong Himagsikan ng 1896.)

Nuong gabing iyon, tinipon ni Ronquillo ang mga barkong Español. Inutos niya na kanya-kanya silang susugod kinabukasan. Ang kanyang capitana ang lalaban sa capitana ni Spielbert. Ang iba pang barko ay tigi-tig-isang sasagupa at sasampa sa mga barko ng Dutch. Ang mga galeria ay tutulong sa alin mang barko na mamataan nilang nahihirapan.

Sa kabilang dako, ipinalipat ni Spielbert ang mga sugatan at maysakit na Dutch sa kanyang pinaka-sirang barko. Inutusan niyang tumalilis ito pabalik sa Maluku kinabukasan pagkatapos nagsimula ang bakbakan, habang abala ang mga Español at walang makakapansin o makakahabol sa kanila. Mabagal at engkang-engkang ang barko, kaya madaling aabutan kung hahabulin.

Inutos din ni Spielbert na ang kanyang Nuevo Sol de Olanda lamang ang sasagupa sa Salvador, at ang ibang barko ang lalaban sa iba pang barko ng mga Español.

Hagaran, Harangan sa Dagat

Sumugod ang mga Español kinabukasan, Sabado, Abril 15, 1617. Kinawit at itinali (grapple) ng Salvador ang barko ni Spielbert at matapos ng 2 oras ng kanyunan at barilan, nagsimulang lumubog ang Nueva Sol de Olanda. Bumitaw ang capitana ni Ronquillo at, pagkaraan ng kalahating oras, lumubog ang barko ni Spielbert. Nakatakas siya at bandang 40 tauhan niya sa 2 lantsa (lanchas, yachts) at nakalipat sa ibang barko.

Inupakan naman ng San Miguel ang 2 barko ng Dutch at nasindihan nito ang isa. Tumakas lahat ng mga Dutch, sakay ang ilan sa kanilang mga jacht (yacht, lanchas, yachts). Basta tumalon sa dagat at lumangoy ang iba, pati mga Español at Pilipino na sumalakay at sumampa sa barko. Halos lahat sila ay nalunod.

Ang nasusunog na barko ay tinangay patungo sa pinaglalabanan ng Nuestra Senora de Guadalupe at isang barko ng Dutch. Sa mga Español, ang Nuestra ang unang nakakawit at nakatali (grapple) ng kalaban at, katulong ang galeria ni Diego de Quiñones, ginapi at pinasuko nila ang mga Dutch.

Tapos, binangga sila ng nasusunog na barko. Agad bumitaw ang Nuestra at nakaligtas. Nakalayo rin ang galeria ni Quinones subalit nasindihan ang barko ng Dutch at nasunog o nasugatan ang marami sa mga Dutch, mga Español at mga Pilipino duon. Nalunod ang mga tumalon sa dagat dahil malayo na ang Nuestra at ang galeria ni Quiñones.

Ang 2 nasusunog na barko ng Dutch ay tinangay ng agos ng dagat at ihip ng

Lancha hangin papunta sa San Juan Bautista.

Sinalakay ng San Juan Bautista ang almiranta ng Dutch na sumuko matapos napatay halos lahat ng mga tauhan. Subalit natigil ang pagbihag sa admiral at iba pang Dutch dahil sinalpok sila ng 2 nasusunog na barko ng mga Dutch. Napilitang putulin ng mga Español ang mga tali ng kawit upang makalayo sa sunog. Sinamantala ng admiral at mga Dutch ang pagkalas ng San Juan Bautista, tumakas sa sira-sira nang almiranta.

Nakakawit at nakapag-tali din ang San Lorenzo ng isang barko ng mga Dutch, subalit lumaban sila nang magiting at matagal. Napakawalan nila ang kanilang barko at nakatakas sila.

Tinamaan ng baril at napatay si Sebastian de Madrid, ang capitan ng San Felipe, habang duwag pala ang capitan ng San Marcos, si Juan dela Vega na ayaw ng mga Español gawing admiral ni Ronquillo. Tumalilis palayo sa bakbakan ang San Marcos. Nang maraanan nila ang San Felipe, naduwag na rin ang mga tauhan ng napatay na capitan at tumalilis rin, kasunod ng San Marcos.

Inalipusta, Dinakip ang mga Duwag

Nang humupa ang labanan, inutos ni Ronquillo na habulin ang tumatakas na 3 galleon ng mga Dutch subalit hindi nagtagal, lumihis at bumalik sa Cavite ang capitana at 3 pang barko ng mga Español dahil maraming butas dahil sa kanyunan, at pinapasok na ng tubig. Kaya ang San Juan Bautista at ang 2 duwag na San Marcos at San Felipe na lamang ang humabol. Lubusan nakatakas ang mga Dutch nuong gabing iyon. (Hindi nagtagal, lumubog ang 2 sa 3 tumakas na barko kaya 6 sa 10 barko ng Dutch ang nawasak sa bakbakan.)

Nagsimula ring pasukin ng tubig ang San Juan Bautista kaya bumalik na ito. Kinabukasan, Abril 16, 1617, nagkahiwalay ang 2 duwag na barkong Español at kapwa bumalik din.

Walang naka-alam na palapit pala ang Leon Rojo at ang Vlissingue, ang 2 barko ng Dutch mula sa Ilocos, hila-hila ang nabihag nilang 2 champan mula sa China. Hindi rin alam ng 2 barkong Dutch ang naganap na bakbakan kaya nang nasalubong nila ang duwag na San Marcos agad sumalakay ang isang barko ng Dutch habang naiwang bantay sa mga Itsik ang pang-2 barko.

Nawasak ang mga layag ng San Marcos sa 3 oras ng kanyunan sa tabi ng Mariveles. Kinabukasan, Abril 17, 1617, sumali sa bakbakan ang pang-2 barkong Dutch at lalong nasira ang San Marcos. Ipinasiya ni Vega, ang capitan, na wasakin ang sariling barko at isinadsad niya sa pampang ang San Marcos. Upang hindi makuha ng mga Dutch ang mga kanyon, inutos ni Vega na sunugin ang barko. Tapos, nagtakbuhan sina Vega at mga tauhan, bitbit ang kanilang mga ari-arian, at nagtago sa sukal sa luoban.

Inalipusta sila at nilibak ng mga Dutch paglapit at nakita ang pagkaduwag ng mga Español. Nadampot nila ang isang binatilyong Dutch na bihag dati sa San Marcos at nakatakas nuong takbuhan. Siyao ang naghayag sa mga Dutch tungkol sa nakaraang bakbakan at tungkol sa maraming barkong Español sa paligid.

Mabilis na tumalilis ang 2 barkong Dutch at, upang hindi matambangan, nagtuloy sa himpilan (trading post) ng Dutch sa Japan.

Pagdating ng mga tauhan ng San Marcos sa Manila, dinakip si Vega at ang 2 capitan niya, sina Pedro de Ermura at Salvador de Onate, dahil sa pagkaduwag.

Patuloy ang Paghihirap

PAGKATAPOS nasugpo ang salakay ng armada ni Jorge Spielbert, nagpatuloy ang pahirap sa mga Pilipino dahil sa digmaan laban sa mga Dutch. Mga katutubo, karamihan ay mga Kapampangan, ang pinilit magsundalo sa hukbong Español.

Pati ang mga asawa ng mga sundalo na naiwan sa kanilang mga baranggay ay napahirapan, suplong ni Pineda kay Haring Felipe 3. Siningil ng buwis na palay kahit na wala ang mga asawa at naglilingkod sa hukbo, at walang nagsasaka sa bukid. Marami raw na asawa ang napilitang ipagbili ang kanilang mga anak bilang alipin ng mayaman upang makabayad ng buwis.

Hiniling ni Sebastian de Pineda sa hari, si Felipe 3, na patawarin na ang buwis ng mga sundalong Pilipino upang hindi sila mabaon sa hinagpis at pagka-alipin.

Samantala, patuloy ang pagkamatay ng mga Pilipino sa sabak ng mga Dutch. Nuong 1620, 2 galleon ng mga Español, ang Jesus Maria at ang Santa Ana ang pinalubog ng mga Dutch sa lusutan (estrecho, strait) ng San Bernardino, ang embarcadero. Kasama ang ilan daang Pilipino sa mga tauhang nasalanta.

Lumawak din ang sagupaan ng mga Dutch at mga Español, at ang ikinamatay ng mga Pilipino dahil gawi nuon na higit na maraming katutubo (indios, natives), karamihan ay mga taga-Pampanga, ang pinalaban ng mga Español sa mga Dutch.

Mahigit 400 Pilipino ang ginamit na sundalo ng mga Español nang nagtatag sila ng mga kuta sa Formosa (tinatawag ngayong Taiwan) at parati nang may mga Kapampangan na pinanglaban sa halos 40 taon na agawan ng Dutch at Español sa Maluku at sa Malacca, tumagal hanggang 1641. Marami sa mga Pilipino ay hindi na nakauwi.

1618 - 1645: Lumawak Ang Labanan

PATI ang mga sakop ng España at ng iba pang taga-Europe sa iba’t ibang pulo sa paligid ay kinalaban ng mga Dutch upang masarili nila ang kalakal ng mga spice, perlas at iba pang yaman ng Asia. Sinubukan nilang agawin ang Macao mula sa mga Portuguese nuong 1622. Nabigo, nagtayo sila ng kuta (fortress) sa pulo ng Makung sa kapuluan ng Pescadores.

Nuong 1623, pinuksa nila ang mga taga-Britain na nagtayo ng pamahayan (colony) sa Amboina, isa sa mga pulo ng Maluku. Sumunod na taon, 1624, sinalakay at itinaboy ng mga Intsik ang mga Dutch mula sa kanilang kuta sa Makung. Formosa Napilitang lumipat ang mga Dutch, nagtatag ng mga kuta (fortresses) sa timog (south) ng Formosa (Taiwan ngayon). Ang pinaka-malaki, ang Zeelandia, ay itinayo sa isang maliit na pulo ng Tay-ouan, malapit sa kinatatayuan ngayon ng lungsod ng Tainan.

Upang hindi masarili ng mga Dutch ang kalakal mula China, nagtatag din ng mga kuta ang mga Español sa hilaga (north) ng Formosa mula nuong 1626. Una ang La Sanctissima Trinidad (Holy Trinity), tinawag ding San Salvador, sa Chi-lung (Keelung ang tawag ngayon). Ang Fuerza Santo Domingo ang pinaka-malaki, sa

Tamsui, binantayan ng 200 Español at 400 Pilipino, karamihan ay mga Kapampangan. Mistulang nahati ang Formosa mula nuon, pinagtibay ng panay-panay na sagupaan ng 2 pangkat.

Naging mayaman ang kalakal ng mga Dutch sa Formosa, nadagdagan pa ng madalas na pagharang nila ng mga barko na nagka-kalakal sa Manila mula sa China, masaganang pandarambong sa banda ng Luzon na sinimulan ni Oliver van Noordt nuong 1600 at ginaya ng maraming Dutch taon-taon mula nuon. Pagkatapos ng 4 taon ng walang puknat na pagbanat sa mga Español, mula 1616 hanggang 1620, humupa nang kaunti ang labanan mula nuong 1626 sapagkat lubhang magastos ang digmaan.

Nuong 1634, sinimulan uli ng VOC, ang dambuhalang corporation ng mga Dutch, ang pagsalakay sa Español at ang mga kakampi nito sa dulong silangan (Far East). Nuong 1635, napalayas ang mga Español at mga Pilipino mula sa kanilang kuta sa Tamsui. Nuong 1641, sa wakas, tinalo ng mga Dutch ang mga Portuguese at inagaw nila ang mayamang lungsod ng Malacca, Malaysia, ang simula ng lubusang pagsakop ng mga Dutch sa Malaysia at Indonesia, bagaman at nagpatuloy ang kalakal ng mga Portuguese sa Gowa, sa pulo ng Celebes (Sulawesi ang tawag ngayon), at tatag pa rin ang mga kuta ng mga Español sa Ternate at Tidor, mga pulo sa Maluku.

Nuong 1642, sinalakay ng 1,000 Dutch sa 11 galleon ang huling kuta ng Español sa Formosa, ang Fuerza Santo Domingo. Sumuko at lubusan nang napalayas mula Formosa ang mga Español at mga Pilipino.

1640-1644: Tambangan sa Bicol, Ilocos, Pangasinan

NUONG 1640 at 1641, nagbantay ang mga barko ng Dutch sa lusutang San Bernardino (embocadero, San Bernardino Strait) upang harangin at nakawin ang galleon galing sa Acapulco, Mexico, dala ang mga kalakal, yaman at pilak (plata, silver) na buong taon tustos sa Manila.

Nabigo ang mga balak ng Dutch dahil lumihis ang mga galleon at pumasok sa Pilipinas, gamit ang ibang lusutan. Lihim sa mga Dutch, may paraang kinatha si Francisco Colin, frayleng Jesuit sa Bicol at Samar, upang balaan ang mga dumarating na mga galleon sa pamamagitan ng apoy ng malalaking siga sa tabi ng lusutang San Bernardino.

Inilipat ng mga Dutch ang kanilang panghaharang nuong 1643 at 1644 sa mga baybayin ng Ilocos at Pangasinan upang nakawan ang mga barko mula China na nagka-kalakal sa Manila.

Dumating sa Manila nuong Junio 1644 si Diego Fajardo mula Acapulco

at nagsimulang governador ng Pilipinas nuong Agosto 1644.

Kasama niyang dumating si Capitan Sebastian Lopez ng hukbong Español, at siya ang inutusan ni Fajardo na sumugod sa 3 galleon at 3 champan ng mga Embarcadero Dutch na tumanod sa tabi ng Ilocos at Pangasinan mula pa nuong Abril 1644. Wala kahit isang galleon ang mga Español sa Cavite kaya mga champan at mga galeria lamang ang gamit ng pangkat ni Lopez nang 2 ulit nilang inupakan ang mga Dutch. Sinunog nila ang isang champan, at winarak ang 2 pa. Marami ring Dutch ang pinatay nila kaya naitaboy ang pangkat dagat ng Dutch.

1644: Tangkang Agawin ang Pilipinas

Nuong taon ng 1644 din, nagpulong ang mga pinuno ng Dutch sa kanilang lungsod ng Batavia (Jakarta ang tawag ngayon) sa pulo ng Java at nagpasiyang ipunin ang pinakamalaking armada nila sa dulong silangan (Far East) at salakayin at lubusing tapusin ang mga Español sa Pilipinas.

Ayon sa mga espia ng mga Español sa Macassar (ang dating tawag sa Celebes, na Sulawesi ang pangalan ngayon), 18 galleon ang pinasugod ng mga Dutch sa 3 pangkat dagat (squadrons):

  • 7 galleon, ang mga pinakamalalaki, ang nagbantay sa Embocadero upang
  • bihagin ang mga galleon mula sa Acapulco
  • 5 galleon na humarang sa mga barko mula China sa tabi ng Ilocos at Pangasinan
  • 6 galleon ang nagbantay sa tabi ng Terrenate (Ternate) at Macassar (Celebes), sa Maluku, upang hadlangan ang anumang tulong mula sa Manila para sa mga kuta ng Español duon.

    Pagkaraan ng tag-ulan, ang lahat ng 18 galleon ay magkikita-kita sa luok ng Manila (Manila Bay) upang lusubin at sakupin ang Manila at Cavite. Kung natupad itong huling balak, paniwala ang mga Español na naagaw ng mga Dutch ang Pilipinas nuong taon na iyon, 1645.

  • 1645 - 1647: Pinaka-malaking Salakay

    MALABO ang pinagmulan ni Martin Gerritz de Vries (Maerten Gerrits van Fries sa Dutch), nasabing isinilang sa kabayanan ng Harlingen, sa lalawigan ng Friesland, Netherlands, subalit walang nakapag-sabi kung kailan, at hindi alam kung sino ang kanyang mga magulang. Karaniwang tauhan siya sa barkong Het Wapen van Hoorn nang dumaong sa Maluku nuong Julio 22, 1622.

    Marami siyang ginanap na tungkulin hanggang nahirang na capitan ng barkong Tayouan na dumating sa Formosa (Taiwan ang tawag ngayon) nuong 1640. Inusisa ni Vries ang mga kapuluan at ang mga ulat niya

    tungkol sa Cathaija (Cathay, ang lumang tawag sa China) at sa Tartary (ang lumang tawag sa Manchuria sa silangang hilaga ng China) ang ginamit ng mga sumunod na lakbay ng mga Dutch sa mga puok na iyon.

    Nang nabigo si Mathys Hendrik van Quast (Matias Enrico de Cuast sa Español) nuong 1639 sa paglakbay sa banda ng Japan, ibinigay ang 2 barko niya, ang De Engel at Graf, kay Vries na tagumpay naglakbay nuong February hanggang Deciembre 1643. Narating at ‘natuklas’ niya ang pulo ng Sakhalin sa tuktok ng Japan. Pagbalik niya sa Batavia (ang Jakarta ngayon), maraming karangalan ang iginawad kay Vries at tinanghal pa siyang isa sa mga hukom sa Java at iba pang sakop na pulo ng Dutch sa Indonesia.

    1645: Lumusob Sa Jolo

    NUONG 1645, bilang capitan ng 2 galleon, ang Zutphen at ang Schiedam, lumunsad si Vries kabilang sa pinaka-malaking pangkat dagat ng Dutch, upang makipag-patayan sa mga Español sa Pilipinas sa salakay na tumagal nang 3 taon at naging dahilan ng procesion La Naval ng Nuestra Señora de la Naval de Manila na ginaganap taon-taon hanggang ngayon.

    Nuong taon iyon ng 1645 sinalakay ng 3 barko ng mga Dutch ang kuta (fort) ng Español sa Jolo, katulong ang mga moro (tawag ng mga Español sa mga muslim) duon na naghi-himagsik laban sa pagsakop ng mga Español. Mahigpit at matagal na lumaban ang mga Español at mga Kapampangan sa kuta, pinamunuan ni

    Estevan de Ugalde y Orella, kapatid ng general na sumagupa sa mga Dutch nuong sumunod na taon, 1646. Nang dumating ang tulong mula sa Zamboanga na ipinadala ng governador duon, si Francisco de Atienza y Ibañes, napilitang umurong ang mga Dutch. Hinabol pa sila ng mga barko ng Español mula sa Sulu.

    Pagkaraan ng isang taon, nuong 1646, dumating ang mas malaking armada ng mga Dutch, mahigit 10 barko, upang upakan uli ang kuta sa Jolo subalit nakita nilang wala nang tao duon, ipinatawag na sa Manila upang magtanggol duon at sa Cavite.

    Lumihis ang armada at tinutukan ang mga kuta ng Español sa Zamboanga subalit nakita nilang matatag ang mga ito at hindi nila kayang puksain. Lumihis uli, tumuloy ang armada sa hilaga (north) upang harangin at nakawin ang galleon mula sa Acapulco, Mexico, pagpasok nito sa lusutang San Bernardino (embocadero, San Bernardino Strait) sa pagitan ng Sorsogon at Samar.

    Ang Encarnacion at ang Rosario

    ISANG general, si Lorenzo de Orella y Ugalde, ang nagdala mula sa Acapulco ng 2 galleon, ang Encarnacion na may 34 kanyon, at ang Rosario, may 30 kanyon naman, at kapwa nang nagdi-descarga sa Cavite nang dumating ang balita ng mga espia mula sa Macassar nuong Febrero 1, 1645.

    “Dalawa laban sa pito!” ang pasiya ni Governador Fajardo sa pulong ng mga pinunong Español sa Manila, at inutusan niya si Orella na salakayin ang mga Dutch sa San Bernardino, kasama ang hukbo ng 400 sundalo, marinero at iba pang mga tauhan, karamihan ay mga Pilipino.

    Hinirang si Sebastian Lopez, pinuno ng labanan ng mga champan, na Pangalawa at admiral sa almirante, ang Rosario. Kasama rin ang 4 frayleng Dominican, 2 sa bawat barko, at upang magtagumpay, nagpanata ang buong pangkat sa patnubay ng Virgen del Rosario.

    Pagkaraan ng isang buwan, lumaot ang Encarnacion at ang Rosario nuong Marso 3, 1646 at sinimulan ang pagbantay sa Mariveles subalit

    halos 2 linggo bago nasipat ng Rosario nuong umaga ng Marso 15, 1646, ang isang barko ng Dutch na agad tumakas. Pagkaraan ng tanghali, 4 barkong Dutch ang dumating at sinimulan ang kanyunan ng 2 pangkat nuong ika-3 ng hapon at tumagal ng 5 oras.

    Nuong gabi, tumakas ang mga barko ng Dutch at kinabukasan, dumaong ang Encarnacion at ang Rosario sa Bolinao, Pangasinan. Ipinagdiwang sa Manila ang balita ng tagumpay ng mga Español.

    Mula sa Bolinao, pinapunta ang 2 barko sa lusutang San Bernardino (embocadero, San Bernardino Strait) upang salubungin ang San Luis, galleon galing sa Acapulco, Mexico, at nagbantay ang 2 barko simula nuong Junio 1, 1646, sa kalapit na pulo ng Ticao, pinamahayan nuon ng mga Yvalon (mga taga-Bicol ang tawag ngayon).

    Dumating ang ulat mula sa Zamboanga na mahigit 10 barko ng mga Dutch ang tumapat sa mga kuta (forts) ng mga Español sa Jolo, iyong mga kuta rin na sinalakay ng 3 barko ng Dutch nuong nakaraang taon. Nang nakita nilang wala silang magagawa sa Jolo, tumuloy daw ang 10 barko ng Dutch papuntang hilaga (north).

    Kanyunan sa Tabí ng Marinduque

    Sa Bicol dumating ang 7 galleon at 16 lantsa (lancha, yacht) ng mga Dutch nuong Junio 22, 1646. Kinabukasan, pinaligiran nila at kinulong ang 2 barko ng Español sa daungan (port) ng Ticao. Pinalapag ni Orella sina Agustin de Zepeda at Gaspar Cardoso, kasama ang 150 sundalo at mandirigmang Pilipino, upang mag-kuta sa mataas na gulod (cerro, hill), sa tabi ng daungan, na maaaring gamitin ng mga Dutch upang kanyunin ang 2 barko ng Español nang walang ganti.

    Ika-10 ng gabi ring iyon, Junio 23, 1646, lumusob nga sa gulod ang mga Dutch, sakay sa 4 lantsa, subalit pinagbabaril sila at pinaurong ng mga

    sundalo nina Zepeda at Cardoso. Isang buwan paulit-ulit na tinangka ng mga Dutch ngunit nabigong sakupin ang gulod dahil duon lamang mabisang salakayin ang 2 barko ng Español - paikot kasi ang daungan ng Ticao at isa-isang barko lamang ang maaaring pumasok, hindi sabay-sabay, upang kanyunin ang mga Español.

    Balak ni Antonio Camb, ang pinuno ng mga Dutch duon, na bihagin ang galleon mula sa Acapulco at hilahin pabalik sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon), ang himpilan ng mga Dutch sa pulo ng Java. Subalit pinasiya siya nuong Julio 24, 1646, na nakapuslit at nakadaong na ang galleon sa ibang puok ng Pilipinas. Kaya pinalayag niya nuong gabing iyon ang kanyang armada papuntang Manila.

    Marinduque Kaskas na humabol ang Encarnacion at ang Rosario at nuong Julio 29, 1646, inabutan nila ang mga Dutch sa pagitan ng Marinduque at pulo ng Banton. Ika-7 ng gabi nang sumalakay ang mga Dutch, at sa buong magdamag na kanyunan at barilan, nakawit at naitali ng isang barko ng Dutch ang Encarnacion, subalit pinutol ng mga Español ang mga lubid bago nakasampa ang mga kalaban.

    Isa pang barkong Dutch lumapit ngunit pinupog ng kanyon ng Encarnacion. Lumayo ang barko subalit napalapit naman sa Rosario, na pinaputukan ito ng 10 kanyon sabay-sabay. Sumabog ang pulbura (polvora, gunpowder) sa barko ng Dutch at lumubog. Isang Dutch lamang ang naiwang buhay, pinulot sa dagat ng Encarnacion.

    Umurong ang mga Dutch pagsikat ng araw nuong Julio 30, 1646. Maghapon naglinis at nagkumpuni ang 2 barko ng Español bago muling tumugis. Ika-2 ng hapon kinabukasan inabutan ang 6 barko ng mga Dutch sa pagitan ng Mindoro at maliit na pulo ng Maestre de Campo. Sumalakay ang Encarnacion at ang Rosario.

    Buong hapon naganap ang ika-3 kanyunan at barilan, habang nakapaligid ang mga Dutch sa mga Español. Isang barko ng Dutch ang pinalubog ng Encarnacion. Ang barko ni Antonio Camb, ang pinuno ng mga Dutch, ay nagkabutas-butas sa dami ng tama ng kanyon. Nagsimulang pasukin ng tubig, napilitang tumakas sina Camb, kasunod ang 4 barko ng Dutch nuong paglubog ng araw.

    Pinabalik ni Governador Fajardo sa Cavite ang 2 barko upang makumpuni nuong katapusan ng Agosto, 1646. Pagkadaong, sumunod lahat ng tauhan ng Encarnacion at Rosario kay General Orello at nagdasal sa simbahan ng Santo Domingo upang magpasalamat sa Virgen del Rosario.

    Salakay ng Pang-3 Armada ng Dutch

    Hindi nagtagal, lumaot nang nag-iisa ang galleon San Diego papunta sa Acapulco. Akala ng general ng galleon, si Christoval Marquez de Valenzuela, na nalinis na ang mga mandarambong na Dutch sa paligid ng Pilipinas. Subalit kalalabas pa lamang sa luok Manila (Manila Bay), sa tabi ng maliit na pulo ng Fortun, sinalakay ang galleon ng 3 barko ng pang-3 armada ng mga Dutch, hinihintay duon ang 2 naunang armada nila. Hindi nila alam na itinaboy na pala ng mga Español.

    Hindi handang lumaban ang San Diego, nagkalat ang kalakal at gamit, kahalo ang mga kanyon na hindi nila akalain na kailangan nilang gamitin ganitong kalapit sa Manila. Agad pinatutok ni Valenzuela ang 5 kanyon at pinagkakanyon ang lumulusob na mga Dutch habang lumiko sila pabalik sa luok Manila. Napatay ang ilang tauhan niya sa habulan ng kanyon bago nakabalik sina Valenzuela sa Cavite.

    Nang malaman ni Governador Fajardo ang pagpasok ng pang-3 armada ng Dutch sa luok Manila, inutusan niya si Manuel Estacio Venegas na madaliin ang pagkumpuni sa 2 galleon, ang Encarnacion at Rosario. Natapos ang pagkumpuni sa luob ng isang linggo at lumaot ang 2 galleon, kasama ng San Diego, mula sa Cavite nuong Septiembre 15, 1646.

    Pinuno ng hukbong dagat si Sebastian Lopez, ang Pangalawa ni General Orella laban sa naunang 2 armada ng mga Dutch. Si Agustin Zepeda, ang nagtanggol sa gulod sa pulo ng Ticao, ang hinirang na admiral, ang Pangalawa ni Lopez. Si Francisco Roxo ang hinirang na sargento-mayor. Pinamunuan ang mga sundalong Español at Pilipino sa Encarnacion ng 2 capitan, sina Salvador Perez at Felipe Camino. Sa Rosario, ang almirante ni Zepeda, pinuno ng mga sundalo sina Capitan Juan de Mora at Capitan Francisco Lopez Yñoso.

    Kasama sa pangkat ang isang malaking galeria na may mga kanyon din at 100 sundalong Español at Kapampangan, pinamunuan ni Admiral Francisco de Esteyvar, veterano ng digmaan sa Ternate laban sa Dutch. May mga sundalo rin sa 4 brigantines (barkong pandagat, hawig ngunit mas maliit kaysa sa patache) may tig-isang kanyon sa harapan, na pinamunuan ng 4 capitan, sina Juan de Valderrama, Juan Martinez Capelo, Gabriel Mino de Guzman at Francisco de Bargas Machuca. Limang frayle ang kasama sa pangkat, 2 Dominican sa Encarnacion, ang capitana (flagship), 2 Franciscan sa almirante, ang Rosario, at isang Augustinian sa galeria.

    Tulad ng unang mga labanan, nagpanata ang mga Español sa patnubay ng Virgen del Rosario.

    Kulelat Papunta sa Mexico

    Lumikas ang pangkat dagat nuong Septiembre 15, 1646 at pagtapat sa pulo ng Fortun, namataan nila ang 3 barko ng Dutch sa banda ng bundok Calavite, sa dulong kanlurang hilaga (northwest) ng Mindoro. Tinangkang tumalilis ng mga Dutch at nagsimula ang matagal na kanyunan nang malayuan ng 2 naghabulang pangkat mula ika-4 ng hapon ng araw na iyon. Ika-9 ng gabi, inabutan ng Rosario ang mga Dutch at Lubang kahit nag-iisa, kinalaban ang 3 barko hanggang ika-1 ng umaga kinabukasan, nang sumilong ang mga Dutch sa batuhan (shoals) sa pampang ng Calavite.

    Ipinasiya ni Lopez na ipagpatuloy ang paghatid sa San Diego papuntang Acapulco dahil huli na sa panahon ng paglayag patawid sa dagat Pacific upang makarating sa Mexico. Kaya pagsikat ng araw nuong Septiembre 16, 1646, iniwan nila ang mga Dutch sa Calavite sa halip na makipag-salpukan, at tumuloy ang mga Español sa lusutang San Bernardino, sa dulong timog ng Bicol. Malas naman, bagong gawa at hindi pa sanay maglayag ang San Diego kaya mabagal at paengkang-engkang ang pangkat at inabutan sila ng

    pagbaliktad ng ihip ng hangin at hindi na maaaring makatawid sa dagat hanggang sa sunod na taon. Nagbalik sina Lopez sa Mariveles upang hintayin ang pasiya ni Governador Fajardo at upang bantayan ang bukana ng luok Manila sa pagbalik ng mga Dutch, na bumalik nga nuong Octobre 4, 1646.

    Nakita ng mga Dutch na hiwa-hiwalay ang mga barko ng Español - nakadaong sa Mariveles ang San Diego, naka-ankla sa bukana ng luok Manila ang Encarnacion, at nakatigil sa malayo ang Rosario dahil sa lakas ng agos ng dagat. Lumusob ang 3 barko ng Dutch.

    Hindi gumalaw ang Encarnacion. Alam ni Lopez na dadalhin siya ng agos ng dagat palayo sa San Diego, na madaling mabibihag ng mga Dutch. Kaya hinintay niyang makalapit ang 3 barko ng Dutch bago hinugot ang ankla (anchor), iniladlad ang mga layag, at nakipag-kanyunan sa mga Dutch habang silang lahat ay dinala ng dagat palayo sa San Diego.

    Nagbakbakan nang 4 oras bago humupa ang hangin at nakalapit ang galeria ni Esteyvar at kinanyon at pinagbabaril ang isa sa pinaka-malaking barko ng mga Dutch. Sa dami ng putok, napatalon sa dagat ang ilang Dutch bago bumaling at tumakas ang 3 barko ng Dutch. Humabol sina Lopez buong magdamag subalit nakapuslit ang mga kalaban.

    Pagkaraan ng ilang buwan, nabalitaan ng mga Español na sira-sira ang 3 barko nang dumaong sa kanilang himpilan sa Maluku. Samantala, 14 lamang ang napatay at ilan lamang ang nasugatan sa hukbo ng mga Español at mga Pilipino.

    Nag-fiesta at nag-procesion sila sa Manila at, bilang pagtupad ng kanilang panata at pasalamat sa kanilang tagumpay, ipinagdiwang nila ang Virgen del Rosario taon-taon mula nuon sa kapistahang ng La Naval de Manila.

    1647: Patuloy ang Salakay ng Dutch

    Nakadaong at kinukumpuni ang mga barko sa Cavite nuong Deciembre 1646 nang lumitaw ang 3 pang barko ng mga Dutch sa baybayin (coast) ng Luzon upang magdambong ng mga barko galing sa China na magka-kalakal sa Manila. Naharang nila ang isang malaking champan ng mga Intsik at, sa halip na nakawan at palayain gaya ng dati, ipinasiya nilang dalhin nang buo pabalik sa kanilang himpilan sa Batavia, ang tinatawag ngayong Jakarta, sa pulo ng Java.

    Inilipat nila sa champan ang 20 sundalong Dutch at pinaalis lahat ng Intsik, maliban sa 50 na katulong sa paglayag. Subalit hindi na sila nakalalayo sa dalampasigan, sinabakan ng 50 Intsik ang 20 sundalo, pinatay lahat, tapos naglayag patakas sa 3 barko ng mga Dutch. Nang dumaong sa Manila ang champan, palakpakan at sigawan ang mga tao!

    Wala nang lumitaw pang Dutch mula nuon hanggang Mayo 1647 nang pumuslit ang 3 barko sa Visaya. Nuong Junio 9, 1647, isang champan ng mga Español na papunta sa Oton, sa pulo ng Panay, ang hinabol ng 3

    barko malapit sa pulo ng Lubang, sa hilaga ng Mindoro. Mas matulin ang champan ngunit inabutan ng mga lancha ng Dutch, at bago nakatakas, nakipag-bakbakan pa ang mga tauhang Español at mga Pilipino.

    Nuong araw ding iyon, 11 barko ng mga Dutch ang namataang papasok sa luok ng Manila. Sa buong Pilipinas nuon, isang galleon, ang San Diego, at 2 galeria lamang ang handang makipaghamok. Hindi pumeka ang mga ito at nanatili na lamang sa Cavite upang tulungan sa labanan ang mga kanyon sa kuta (fuerza, fort) duon. Nagpakalat ng babala si Governador Fajardo sa lahat ng puok, lalo na sa Leyte, kung saan tinatapos ang bagong galleon, ang Nuestra Senora de Guia, na nagbabantay ang mga kalaban sa luok ng Manila.

    Kasabay nito, 200 sundalong Kapampangan sa Manila ang pinasugod sa Cavite. Si Christoval de Azcueta Menchaca ang hinirang na pinuno ng mga sundalo, si Lope de Colindres ang capitan ng galleon na San Andres, si Pedro de Almonte Verastegui ang general ng buong armada ng Español, si Andres Azcueta ang admiral at kanyang Pangalawa, at si Pedro de Figueroa ang sargento-major ng armada.

    Tangkang Wasakin ang Cavite

    Kinabukasan ng umaga, Junio 10, 1647, naiwan ang 2 barko ng mga Dutch sa Mariveles upang bantayan ang bukana ng luok Manila, at 9 barko ang tumapat sa Cavite bandang ika-10 ng umaga. Sugod sa kuta at mga barko ang mga Español at mga Kapampangan. Sa mga dalampasigan mula sa San Roque hanggang sa Estanzuela, nagbantay ang mga taga-Cavite, katulong ang mga Intsik at mga Hapon (Maraming taga-Japan nuon sa Luzon at Samar.)

    Hinahalibas ang mga tambol sa capitana (flagship), nagparada ang mga barko ng Dutch sa harap ng kuta hanggang nainis ang mga Español at kinanyon minsan ang capitana. Lumayo ito at nagpaputok din ng isang kanyon. Isang maliit na barko ng Dutch ang lumapit sa dalampasigan at sinukat ang lalim ng dagat sa daungan (port) at sinipat ang galleon at 2

    galeria na nakadaong duon. Tapos, tumuloy ang pangkat ng mga Dutch sa dalampasigan ng Pampanga (ngayon ay lalawigan ng Bataan) at hindi bumalik hanggang paglubog ng araw kinabukasan.

    Bandang alas-9 ng gabi, umangkla ang 10 barko ng mga Dutch mahigit 4 kilometro mula sa Punta del Sangley (Sangley Point, ang dating tinawag na Kawit, o Cavit sa dinig ng Español). Paglubog ng buwan nuong hatinggabi, nagtangkang pumuslit sa dalampasigan ang mga sundalong Dutch, sakay sa 3 lancha subalit itinaboy ng mga tanod na Español at Pilipino.

    Ika-8 ng umaga kinabukasan, Miercoles, Junio 12, 1647, dumating ang 2 pang galleon ng Dutch mula sa Mariveles at lumusob ang buong armada, 12 galleon at isang champan, upang durugin ang kuta ng Cavite.

    UNANG nagpaputok ng kanyon ang kuta ng Cavite, sa utos ni Pedro de Figueroa. Naghati ang armada ng Dutch. Ang pinaka-malaking 6 galleon ang tumigil sa tapat ng kuta at nakipag-kanyunan sa kuta at sa mga barko ng Español sa daungan.

    Lumigid-ligid ang 6 pang barko ng mga Dutch, nakipagkanyunan din sa iba pang puok sa kabayanan ng Cavite. Mula nuong bago mag-tanghali hanggang ika-7 ng gabi, 8 oras na nagbakbakan ang mga kanyon. Ayon sa bilang ng Español, kulang-kulang 2,000 ulit pinaputukan ang mga Dutch na sumagot naman ng mahigit 3,000 putok ng kanilang mga kanyon.

    Mahigit 120 ang tama ng kanyon sa capitana ng Dutch at nagsimula itong pasukin ng tubig. Halos 30 Dutch ang napatay duon. Pumeka ang

    champan ng mga Dutch upang sunugin ang mga barko ng Español, subalit tinamaan ito ng kanyon at nagliyab. Ang capitana ng Español, ang San Diego, ay tinamaan ng mahigit 200 kanyon subalit hindi nabutas ang barko, at 2 tauhan lamang ang napatay - isang Español at isang Pilipino.

    Ang galeria ni Andres Azcueta ay mahigit na 30 ulit tinamaan, isang Español at 7 Pilipino ang napatay duon. Sa bawat iba pang galeria ng mga Español, 2 o 3 ang mga napatay.

    Ang bubong ng simbahan at halos lahat ng bahay sa Cavite ay nawasak. Maraming tama ang simbahan, ang isa ay tumagos sa pintuan, humaging sa ulo ng isang bata at sumabog sa isang poste sa luob. Sa kabutihang palad, walang napatay o nasaktan, sa simbahan o sa kabayanan.

    Sinakop ang Corregidor

    Nuong hatinggabi, umurong ang armada ng mga Dutch. May balita na nasugatan ang pinuno ng armada, at namatay pagkaraan ng ilang araw. Pagsikat ng araw kinabukasan, Jueves, Junio 13, 1647, kumanyon uli ang mga Español ngunit lumayo na ang armada at humimpil sa Mariveles.

    Panay ang balik-balikan ng mga lancha mula sa capitana at iba pang barko ng mga Dutch, pahiwatig na malaki ang sira ng capitana. Isa pa sa kanilang mga barko ang nasiraan nang malaki at habang kinukumpuni nila ang mga barko, lumapag sa pulo ng Mariveles (ang tinatawag ngayong Corregidor) ang mga Dutch. Matagal nang walang tao sa pulo. Sinunog ng mga Dutch ang bantayan ng mga Español sa tuktok ng bundok at sinakop ang bahay ng corregidor (assistant town councilor) at ng mga Pilipino duon.

    Kinabukasan ng umaga, Viernes, Junio 14, 1647, nagpunta ang 3 barko ng Dutch sa katabing Rio de Canas (sugarcane river, hindi na kilala

    ngayong ‘ilog na maraming matamis na tubú’) upang humanap ng pagkain sa mga Intsik (Sangleys) na may asinan (salinera, salt works) duon. Nang narinig sa Cavite ang balita, sumugod sa Pampanga (ang Bataan ngayon) ang 100 sundalong Español at Kapampangan, pinamunuan ni Capitan Marcos de Zapala, at 70 cavalleros (cavalry), pinangunahan ni Capitan Christoval Velazquez y Lorenzana. Subalit hindi nila inabutan ang mga Dutch dahil kaskas na nagtakbuhan ang mga ito sa kanilang 7 lancha at 2 malaking bangka pabalik sa kanilang mga barko. Naiwan sa dalampasigan ang isa sa 2 vaca na kinatay nila.

    Humimpil sa Mariveles ang mga Dutch hanggang ika-4 ng hapon ng Miercoles, Junio 19, 1647, nang nagtipon ang mga barko at, paglitaw ng buwan nuong ika-7 ng gabi, lahat ng barko ay naglayag palabas sa luok ng Manila. Naghati ang armada duon, 6 barko ang tumuloy sa timog (south), sa banda ng Mindoro. Ang 6 pang barko ay bumalik at umangkla (anchored) sa tabi ng Mariveles.

    Pagkaraan ng 2 araw, sinalakay nila ang mga baranggay sa Bataan.

    1647: Bakbakan Sa Bataan

    PAGSIKAT ng araw nuong Junio 22, 1647, 2 magkahiwalay na pangkat ng mga Dutch, sakay sa 6 barko at 6 lantsa (lancha, yachts), ang sabay sumalakay sa Abucay at sa katabing nayon ng Samal.

    Ang 2 nayon nuon ay mga kabayanan (pueblos, towns) ngayon sa dalampasigan ng lalawigan ng Bataan, sa pagitan ng malaking kabayanan ng Orani at ng Balanga, ang capitolio. Ngunit nuong lumusob ang mga Dutch, bahagi pa sila ng tinawag ng mga Español na La Panpanga. At mga Kapampangan ang sumagupa sa salakay nuong Sabadong iyon.

    Sa magkasabay na bakbakan sa 2 nayon nuong umagang iyon, napaurong ng mga Kapampangan ang mga Dutch.

    Samal Sa Samal, mga Kapampangan ng hukbong Español, pinamunuan ni sargento-mayor Alexo Aguas, ang sumagupa sa 3 lantsa (lanchas, yachts) ng mga Dutch na sumalakay at sumunog sa mga bahay sa paligid ng nayon. Paulit-ulit na sinagupa at pinaurong ang mga Dutch buong maghapon ng mga Kapampangan kahit na mas maraming baril ang mga Dutch. Dinaan na lamang sa tapang, nasagip nila ang nayon ng Samal nuong araw na iyon.

    Bataan Sa Abucay, 5 sundalong Español at 150 Kapampangan ang pinamunuan ni Pedro Gamboa, ang matanda na ngunit matapang pa ring Pangalawa (maestro de campo, master-of-camp) sa Pampanga. Iba ang nangyari sa Abucay dahil duwag ang mga pinunong Español. Capitan ng hukbo si Diego de Cabrera, ang alcalde-mayor duon, ngunit hindi siya tunay na soldado, mataba at mas mahilig makipag-kalakal kaysa makipag-digmaan. Duwag din ang 2 frayleng Dominican, sina Fray Geronimo de Sotomayor Orrato at Fray Tomas Ramos. Kaya kahit gawa sa bato at matatag ang simbahan at convento, sinamang-palad ang Abucay.

    Nuong umagang iyon, 3 bangkay ang iniwan sa dalampasigan ng mga Dutch nang napaurong ang unang salakay nila. Sinunog agad ni Gamboa, pinuno ng mga Kapampangan, ang tulay na bumagtas sa malalim na ilog mula sa dalampasigan papasok sa nayon upang hindi magamit uli ng mga Dutch. Ipinatawag din niya si Cabrera, na umalis nuong nakaraang araw upang mag-ipon ng mga mandirigma na ipadadala sana sa Manila.

    Nagtanggol sa Convento

    Bumalik nuong araw ding iyon si Cabrera, kasama ang mga naipon niyang mandirigma subalit hindi niya dinala lahat ng pulbura ng baril (polvora, gunpowder) na ipinadala ng Manila, kaya kulang sa bala ang mga baril ng mga Kapampangan sa Abucay.

    Ganuon man, amuki ni Gamboa kina Cabrera at sa mga frayle na matatag na tanggulan ang simbahan at convento, mag-iwan ng ilang kawal na magtatanggol sa luob, at karamihan ng mga Kapampangan ay lalaban sa labas na parang guerrilla. Tatambangan nila ang sinumang magbalik na Dutch sa iba’t ibang puok ng nayon.

    Hindi pumayag si Cabrera na magkulong sa luob ng convento. Kailangan daw mayruon silang labasan, kung saka-sakali, upang makatakas sa bundok at gubat. Kaya wala siyang ginawang pagtanggol maliban sa kandaduhan ang mga pinto ng simbahan at convento.

    Galit na galit ang capitan ng mga Dutch nang magsampahang pabalik sa mga barko ang mga tauhan. Lalo na at sinabi sa kanya ng isang Negrong Español at ng ilang mangingisdang Intsik na nakatago sa luob ng simbahan ng Abucay ang salaping pilak (silver coins) ng mga Intsik na nagkalakal sa Manila. Nagmula raw sa barko ng mga Intsik na hinabol ng mga Dutch subalit nakaligtas.

    Ang capitan mismo ang namuno sa pang-2 salakay sa Abucay nuong madaling-araw ng Linggo, Junio 23, 1647. Halos 400 tauhan ang kasama niya, dala ang 2 kanyon, at sinunggaban nila ang mga bangka sa paligid upang makatawid sa malalim na ilog at makapasok sa nayon kahit sira na ang tulay.

    Walang kalaban nilang winasak at sinunog ang mga bahay sa nayon dahil nakakulong sa luob ng simbahan at convento ang mga galit na galit na tao na, kung hindi pinigil ng mga frayle at ni Gamboa, ay malamang ginulpi si Cabrera, ang alcalde-mayor.

    Kinanyon ang Simbahan

    Itinutok ng mga Dutch ang kanilang 2 kanyon sa harap ng simbahan at pinaputukan ang pinto, nabutas nang isang dakma ang laki. Nagbarilan na ang mga Kapampangan at mga Dutch. Nagtago sa likuran ang 2 frayleng Dominican. Isang Kapampangan ang tinamaan at namatay sa tabi ni Cabrera. Nataranta ang duwag na alcalde at tumakbo sa 2 frayle upang magtago rin at hindi na bumalik sa bakbakan.

    Walang ginawa ang 3 duwag kundi pag-usapan kung paano sila susuko sa mga Dutch upang hindi mapatay. Inutos ng mga frayle na sumuko na, subalit nakiusap si Gamboa at ang mga pinuno ng mga Kapampangan na marami sila at kaya nilang labanan ang mga Dutch. Kahit wala nang bala ng mga baril nila, sabi ng mga Kapampangan, lulusubin nila ng itak ang mga kalaban.

    “Kahit maubos kami, mamamatay kaming tunay na lalaki!”

    Abucay Basta, nagsabit ng puting tela ang mga frayle mula sa bintana (ventana, window). Natuwa ang capitan ng mga Dutch, ipinangako na hindi papatayin at ituturing nang mahusay ang mga sumuko.

    Habang nag-uusap ang mga frayle at ang capitan, pinilit ng mga Dutch na pumasok sa simbahan. Lumaban ang mga Kapampangan at nagsimula uli ang bakbakan. Nagalit ang capitan at binihag ang 2 frayle na nakiki-usap.

    “Hindi ito panahon upang makipagkasunduan,” sabi niya, at inutos sa mga Dutch na sabakan uli ang mga Kapampangan.

    Naakyat ng isang Dutch ang torre at kinalampag ang mga kalembang (campanas, church bells). Napatay ang ilang Dutch at marami ang nasugatan, ngunit wala nang bala sa mga baril at nasukol sa luob ng simbahan ang mga Kapampangan at nagapi.

    200 Kapampangan Pinatay

    Walang awang pinatay ng mga Dutch ang halos 200 Kapampangan at binihag ang 40 tao sa simbahan, pati na ang 2 frayle at si Cabrera, ang alcalde-mayor. Itinuro ng Negrong Español kung saan nakabaon ang salaping pilak (silver coins), nagkahalaga nuon ng 20,000 pesos (mahigit 3 milyon piso ang katumbas ngayon) na hinakot lahat ng mga Dutch sa kanilang mga barko at tumakas.

    Nang nabalitaan sa Manila ang salakay sa 2 nayon, inutos ni Governador Pedro Fajardo kay General Juan de Chavez na magdala ng hukbo upang saklolohan ang Samal at Abucay. Inutusan din niya ang mga frayleng Augustinian na magpadala ng kapalit, at kasama sina Fray Alonso de Carvajal at Fray Diego de Tamayo sa 600 sundalo, karamihan ay mga Kapampangan, na nagtungo sa 2 nayon 4 araw pagkatapos ng labanan, nuong Junio 26, 1647, sakali mang bumalik ang mga Dutch.

    Pagkaraan lamang ng 2 linggo, nuong Jueves, Julio 11, 1647, bumalik nga ang mga Dutch. Mahigit 200 ang lumusob uli sa Abucay upang nakawin ang mga vaca at mga baboy na naglipana duon. Nagtatatag ng kuta (fuerza, fort) si General Chavez sa Samal nang mabatid na lumusob uli ang mga Dutch. Pina-una niya ang isang pangkat ng sundalo ni Capitan Francisco Gomez Pulido at sumunod siya, kasama ang buong hukbo.

    Abala sa paghalungkat at pagnanakaw ang mga Dutch sa mga bahay nang abutan sila at pagbabarilin nina Pulido. Takbuhan papunta sa simbahan ang mga Dutch habang lumihis sina Pulido at, nag-shortcut sa bukid, tinambangan ang mga tumatakbong Dutch na napilitang tumakas na, pabalik sa kanilang mga barko.

    Dumating ang hukbo ni General Chavez at isang pangkat ni Francisco Palmares ang sumagupa sa mga Dutch sa dalampasigan, 14 ang napatay at 2 ang nasugatan at nabihag. Ang iba pang Dutch, marami ay sugatan, ay napilitang lumangoy upang makatakas. Naiwan sa pampang ang vaca na kinakatay nila nang lusubin sila. Galleon

    Hindi na sumalakay uli sa Abucay o sa Samal ang mga Dutch. Bumalik sila sa kanilang himpilan sa Batavia (sa Indonesia, Jakarta ang tawag ngayon), dala ang mga bihag na sumuko sa Abucay, pati ang 2 frayle, upang ipatubos sa mga Español. Tumanggi si Governador Fajardo na tubusin sina Sotomayor at Ramos, ang 2 frayle. Pinakawalan din sila ng mga Dutch pagkaraan ng panahon at nuong kapatusan ng 1647 at simula ng 1648, habang pabalik ang 2 frayle sa Manila, lumubog ang kanilang barko at kasama silang dalawa sa mga nalunod.

    Kasunduang Tapusin ang Digmaan

    Nuong taon na iyon, 1647, nagsimulang magkasundo ng payapa (peace negotiations) ang España at Holland, sa Europe. Winaksi ng mga Español ang kanilang pagharang (embargo) sa mga barko ng Dutch. Sa sumunod na taon, 1648, kinilala na ng España ang pagiging malaya (independence) ng Holland.

    Dahil matagal bago dumating ang balita sa Manila, nagsalpukan pa rin ang mga Español at mga Dutch, lalo na sa Maluku, hanggang 1649 nang umalis na panghabang-panahon sa Ternate ang mga Español.

    Hinakot nila sa Pilipinas ang mga taga-Maluku na kakampi nila at ibinahay sa isang baranggay sa lalawigan ng Cavite na tinawag din nilang Ternate.

    Nakaraang kabanata                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata