Mga Asal Sa Kasal
Mangkukulam at Calendario

MARAMING mali ang nangyari sa bayang ito mula nuong naging catholico ang mga tao dahil hindi naunawaang maigi ang mga lumang gawi nila tungkol sa kasal at pag-aasawa. Ikinasal ng mga frayle ang mga tao, pinaghiwalay naman sila ng ibang frayle, tapos ikinasal uli ng iba pang frayle. Kaya nagkagulo-gulo hanggang ngayon. Dahil dito, maingat kong ipapaliwanag ang mga ugali ng mga tao sa kasal at pag-aasawa.

Palaging sa lalaki nagsisimula ang pag-aasawa. Kung nais mag-asawa ng isang pinuno, nagpapatawag siya ng timaguas (mga timawa) na kilala at iginagalang sa baranggay upang makiharap (negotiate) sa mga magulang ng babae. Kukunin ng isa sa timaguas ang sibat mula sa ama ng pinuno at, pagdating nila sa bahay ng babae, isa-saksak ang sibat sa hagdan (stairs) ng bahay.

  PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO:   Chronicles of the Early Filipinos

Census at Analysis ng Pilipinas nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Habang hawak-hawak niya ang sibat, nananawagan lahat ng timaguas sa kanilang mga diwata at añitos na pagpalain (bless) ang pag-aasawa. Kapag natuloy ang kasal, ang sibat ay nagiging pag-aari ng timaguas bilang bayad, o maaaring tubusin ng pinuno ng ginto.

Nakikipag-tawaran ang timaguas tungkol sa laki ng bigay kaya (dote, dowry) na ibabayad ng lalaki sa babae. Sa mga pulong ito (sa Visayas), karaniwang 100 tael (mahigit 4 kilo) ng ginto, mga alahas at mga alipin ang bigay kaya ng pinuno, katumbas ng 100 pesos (nuong 1582). Matapos magkasundo sa halaga, pinapasan ng timaguas ang babae sa kanilang balikat at inihahatid sa bahay ng lalaki.

Suhol sa Babae

Sa harap ng bahay, nagdadalang-hiya ang babae kunyari, at ayaw umakyat ng hagdan. Pagkaraan ng maraming pakiusap, ipapangako ng ama ng lalaki na bibigyan siya ng isang alipin kung papanhik siya sa bahay. Pagka-akyat, sisilip sa luob ang babae at makikita ang mga panauhin (invitados, guests) na nagtipon duon.

Nagkukunyari uli ang babae, ayaw pumasok sa bahay, hanggang bigyan siya uli ng isa pang alipin. Sa luob ng bahay, mahinhin uli ang babae, ayaw umupo hanggang hindi binibigyan ng alahas naman. Isang alahas pa uli bago siya pumayag na uminom, at pang-3 alahas upang siya ay kumain. Tapos, sabay silang mag-iinuman ng lalaki.

Nuon tatayo ang isang matandang lalaki, patatahimikin lahat, at ihahayag sa malakas na tinig na mayruon siyang nais sabihin:

Ikakasal si ...(pangalan ng lalaki)... kay ...(pangalan ng babae)... subalit sa kasunduan lamang na sakaling hindi kayang buhayin ng lalaki ang kanyang asawa, iiwanan siya nito nang hindi kailangang ibalik ang anumang bahagi ng bigay kaya na ibinigay ng lalaki, at malaya ring makapag-aasawa ang babae ng ibang lalaki. At kung sakaling ang babae ay magtaksil sa kanyang asawa, mababawi ng lalaki ang bigay kaya na ibinigay niya, iwanan ang babae at mag-asawa ng ibang babae. Kayong lahat ay saksi sa kasunduang ito!”

Pagkatapos ng talumpati (speech) ng matandang lalaki, naglalabas sila ng isang mangkok (plato, dish) ng bigas (arroz crudo, uncooked rice) na nahugasan na. Isang matandang babae ang nagda-dantay ng kamay ng babae at lalaki sa ibabaw ng bigas bago isasabog ang bigas sa lahat ng nasa bahay, sabay sigaw ng matandang babae. Sigawan din ang mga tao, at tapos na ang kasal.

Bata pa para Magsiping

Hanggang hindi nakakasal, hindi pinapayagan ng mga magulang ng babae na magsiping sila ng lalaki. Kahit na kumain nang magkasalo, bawal. Pagkatapos lamang ng kasal saka nila ibibigay ang babae sa lalaki.

Bago makasal, sa katapusan ng kasunduan, ibinibigay na ng lalaki ang bigay kaya sa babae. Sakaling nag-iba ang isip ng lalaki at ayaw tuluyan ang napagkasunduang pag-aasawa, o nais niyang makasal sa ibang babae, lugi siya sa bigay kaya na aangkinin na ng familia ng babae, kahit na hindi pa niya naka-kasiping ang babae.

Kapag nakikipag-inuman ang isang lalaki, o may kausap lamang na mga tao at sinabi niya na, ‘Nais kong mapangasawa si ...(pangalan ng babae)... na anak ni ...’ Ito ay itinuturing na pangako na dapat niyang tuparin. Kapag sinuway niya o ipag-kaila pagkatapos, pinarurusahan siya ng multa, tapos kinukuha pa ang mahigit kalahati ng mga ari-arian niya.

Tungkol sa bigay kaya: Hindi maaaring magtamasa ang mag-asawa, ang babae man o ang lalaki, hanggang hindi sila nagkaka-anak. Hanggang nuon, ang ama ng asawang babae ang humahawak sa yaman. Kung ang babae o lalaki ay bata pa upang magsiping, nagsisilbi sila sa bahay ng ama ng babae hanggang umabot sila ng sapat na gulang upang magsiping.

Kasal ng mga Timawa

Hindi sinusunod ng timaguas (mga timawa) sa kanilang pag-aasawa ang mga gawi sa kasal ng mga pinuno dahil wala silang sapat na kayamanan. Hindi sila nagka-kapit-kamay sa ibabaw ng kanin dahil ang ugaling ito ay nilalaan lamang sa mga pinuno. Nagaganap ang kasal ng timaguas sa

pag-inom ng babae at lalaki, sa iisang mangkok, ng pitarilla (palayok na lalagyan ng alak na tinawag din sa ganuong pangalan). Tapos, kapwa sila sisigaw na sasagutin din ng sigaw ng mga panauhin (invitados, guests). Mag-uuwian na ang mga tao upang maging mag-asawa na ang babae at lalaki, sapagkat pagka-alis lamang ng mga panauhin maaaring uminom nang magkasama ang 2 bagong kasal, at ‘magkatuluyan’ na.

Kasal ng mga Alipin

Kung may salapi ang mga alipin, karaniwang mga aliping tomataban, sinusunod nila ang asal pangkasal ng timaguas. Subalit ang mga aliping ayuey ay walang salapi at nagsisilbi sa bahay ng kanilang panginuon kaya ikinakasal sila nang walang inuman, at wala ring nakikiharap para sa kanila. Ang pag-aasawa nila ay nagaganap sa pagsabi nila sa isa’t isa ng, ‘Magpakasal na tayo!

Namamagitan lamang ang panginuon kung ang lalaking ayuey niya ay nais makasal sa babaing ayuey ng ibang panginuon. Inuutusan niya ang isang matandang babae na magsabi sa kabilang panginuon tungkol sa pag-aasawa ng 2 alipin. Pagka nagka-ayos ang 2 panginuon, binibigyan ang alipin ng isang palayok at 3 - 4 pinggan (platos, dishes). Wala nang iba

pang gawi pagkatapos nuon.

Pinaghahatian ng 2 panginuon ang mga anak ng kanilang alipin, upang maging alipin din. Paglaki ng mga bata at kaya nang maglingkod sa halip ng mga magulang nila, ginagawa nang aliping tumaranpoc ang mga magulang. Maaari na silang magbahay nang sarili, at 1 sa bawat 4 araw na lamang sila nagsisilbi sa panginuon.

Kung mga pinuno ang panginuon ng mga alipin na nag-asawa, binibigyan sila agad ng sariling bahay bagaman at tuwing umaga, bumabalik sila sa bahay ng mga panginuon upang maglingkod.

Kung nag-asawa ng malayang tao ang isang alipin, kalahati ng mga anak nila ay malaya din. Ang mag-asawa ang pumipili kung sino sa mga anak nila ang magiging alipin.

Mga Mangkukulam

Maraming mangkukulam sa bayang ito bagaman at mayruon ding mahuhusay na herbularios, mga manggagamot na gumagamit ng mga dahon at butil ng mga halaman. Mayruon pa silang lunas sa lahat ng lason dahil kagilas-gilas ang bisa ng mga panglanggas (herbs) dito.

Mapamahiin ang mga katutubo. Hindi sila naglalayag sa bangka o barko na may sakay na kambing (cabra, goat) o tsonggo (mono, monkey) dahil masamang kapalaran (mala suerte, bad luck) daw at tiyak lulubog sa dagat ang bangka o barko.

Libu-libo ang mga pamahiin nilang tulad nito. Kapag napa-hatsing (estornudo, sneeze) ang sinumang papunta sa digmaan o nagsisimula ng anumang malaking gawain, bumabalik agad at umuuwi dahil sasamaing palad daw.

Ilang taon na silang may isang uri ng kulam (hechiceria, witchcraft) na sinimulan ng mga taga-Ybalon (mga taga-Bicol) mula nuong pagdating ng mga Español. Nagdarasal at nag-aalay sila ng langis ng niyog (coconut oil) at ipin ng buaya (crocodile teeth) sa mga multo (demonios) nina Naguined, Arapayan at Macbarubac upang bigyan sila ng lakas na pumatay ng tao. Ang kapangyarihan daw ay naiimbak sa langis ng niyog.

Pinapatay sa Kulam

Sa kapangyarihang ito, sasabihin lamang nila at mamamatay na ang nais nilang patayin, sa luob lamang ng maigsing panahon. At sinumang bumili ng langis na inalay sa 3 multo ay nagkakamit ng kapangyarihang ito kaya magilas ang kalakal nila ng langis, sinasabayan nila ng mga dasal at panaghoy sa 3 multo. Ang tanging lunas sa kulam na ito, sabi nila, ay

paggamit ng ibang uri ng langis na lumalaban sa bisa (efecto, effect) ng langis na pinag-multuhan.

Maraming tao ang napinsala sa pag-kulam na ito sapagkat ‘pinaglaruan’ sila ng 3 multo. Pinag-iibayo ng mga frayle na sugpuin ang kulam sa pamamagitan ng pangaral sa mga tao, at kinukuha ang lahat ng pinag-multuhang langis na makita nila.

Walang Fiesta

Ang mga katutubo rito ay walang mga araw ng pangilin o pagdiriwang (fiestas, holidays) na nakatakda taon-taon, maliban kung umalis ang mga lalaki upang makipag-digmaan. Habang wala sila, ang mga asawa nila ay

hindi nagta-trabajo. Naglalaan din sila ng 7 araw taon-taon, bago sila magsaka sa bukid, nang hindi sila nagba-bayo ng palay. Sa mga araw na iyon, hindi rin nila pinapapasok sa baranggay ang mga tagalabas dahil panahon daw iyon ng pag-aalay nila sa kanilang mga diwata (dioses, gods) upang pagpalain ang kanilang mga bukid at pagyamanin ang kanilang ani.

Ang Hangin at ang Calendario

Panukala ng mga katutubo rito na ang hangin ay nagmumula sa dagat dahil, sabi nila, umaalon ang dagat bago dumating ang hangin.

Hinati nila ang bawat taon sa 12 buwan (meses, months) bagaman at 8 lamang sa mga ito ang binigyan nila ng pangalan:

  1. Ulalen, ang unang buwan, panahon ng unang paglitaw ng Pleiades (kumpol ng bituwin na unang sumisikat bandang Mayo - Junio)
  2. Dagan Cahuy (daghang kahuy, ‘maraming kahoy’ sa Tagalog), ang pang-2 buwan kung kailan nila pinuputol ang mga puno sa bukid at bundok upang ihanda ang lupa sa pagsaka
  1. Dagan Enan Bulan, sa pang-3 buwan nila pinupulot ang mga putol na kahoy at nililinis ang gubat-gubat upang mataniman
  2. Elquilin (‘ang kaingin’), sa sunod na buwan, sinusunog nila ang mga bukid at bundok
  3. Inabuyan, ang buwan ng hangin amihan (bonanzas, northeaster)
  4. Cavay ang tawag nila sa buwan nang binubunot nila ang mga ligaw na damo na tumubo kahalo sa mga palay
  5. Irarapon ang buwan ng simula ng pag-ani nila ng palay (rice harvest)
  6. Manalulsul, nang natatapos ang pag-ani ng palay

Ang ibang 4 buwan ay walang pangalan at hindi nila pinapansin dahil walang gawain sa bukid nuong mga buwan na iyon.

Dambuhalang Hayop

Sa bayang ito ay napakarami at napakalaki qng pagong (tortutas, turtles). Kahanga-hanga ang pag-aasawa ng lalaki at babaing pagong - magkakabit sila nang 20 - 25 araw! Sa bandang huli, natutunganga ang pagong kaya sinisisid sila ng indios at itinatali ang kanilang mga paa. Hindi namamalayan ng mga pagong kahit na hilahin na sila sa pampang. Ako man, nagawa ko ito.

Malalaki rin ang mga ahas dito sa kapuluan. Ang iba ay kasing laki ng puno ng niyog subalit mabagal silang gumalaw. Libu-libo ang mga buaya (crocodiles), nakatira sa lahat ng ilog at dagat. Marami silang pinipinsala.

Maraming pulo dito ang binabahayan ng mga civet (isang uri ng pusa na pinagkukunan ng mamahaling pabango; naglaho na lahat, naglaho na rin ang tawag sa kanila ng mga Pilipino).

May isang uri ng ibon dito na mas maliit kaysa manok Español (Spanish fowl) subalit ang itlog ay mas malaki pa kaysa itlog ng gansos (goose), at ang itlog ay halos lahat ay pula (yolk). Nagpupugad ang ibon sa tabi ng dagat o ilog. Humuhukay sa buhangin, abot sa isang braza (halos 2 metro) ang lalim, at duon nangingitlog.

Pagka-pisa ng itlog, lumilitaw ang mga sisiw mula sa buhangin, hinuhukay nila ng kanilang maliliit na paa. Pagkatapos, lumilipad sila agad palayo.

(Ito ang tabon (mound builder), tinawag nang ganito dahil pagka-itlog, kinakahig ang buhangin at tinatabunan ang itlog. Gawi ng mga ibong ito na mangitlog lahat sa iisang pugad, kaya tumataas ng 1 metro ang pugad. Giliw ang mga Pilipino sa itlog nito kaya nalipol na silang lahat, dinadagit kasi bawat pugad na makita. Natatagpuan na lamang ngayon ang tabon sa mga liblib na puok sa New Guinea.)

Mahalaga ang Niyog

Sa lahat ng mga pulo dito, maraming puno ng niyog (coconuts). Sa ibang niyog, may nakukuhang malaking buto (nut) na kasing laki ng filbert (buto ng frutas sa Europa). Itinatangi ito ng mga katutubo subalit hanggang ngayon hindi matiyak kung bakit, at kung saan nagagamit ito (malamang ito ay pitugo na ginagigiliwan ng mga Pilipino).

Tuluy-tuloy ang paggawa ng indios ng alak mula sa niyog. Sa isang hapon lamang, nakakuha daw ng 2 arrobas (23 kilo) ng dagta (sap) ang isang indio sa mga puno ng niyog na pag-aari niya. Matamis ang dagta at ginagamit sa paggawa ng maraming alak (brandy, tuba), malinamnam na suka (vinegar) at matamis na pulot (honey).

Kapag naubusan ng bigas, kinakain ng indios ang laman ng niyog sa halip ng kanin. Gumagawa sila ng mga pinggan (platos, dishes) mula sa bao ng niyog (coconut shell). Ang bunot ng niyog (coconut husk) at tinitirintas nilang tali (cords). Hinahawi naman nilag buslo (basket) ang mga dahon nito. Kaya malaki ang pakinabang nila sa puno ng niyog.

Sa mga pulong ito, maraming maraming baboy at kambing na mainam kainin. Nagkalat din ang mga ligaw na kalabaw (buffalo, mga tamaraw) na, kapag nahuli nang bata pa ay madaling amuin (domesticado, tamed).

May mga bibi (patos, ducks) at gansos (geese) na dala ng mga Intsik. Maraming mga manok na katulad ng mga nasa sa España. Mayroon pang mga manok na walang buntot na ayaw kainin ng mga katutubo, natatakot, subalit mas masarap ang lasa nito kaysa sa ibang manok.

Bulaklak Lasang Isda

May mga mainam na bungang kahoy (frutas, fruits) dito, gaya ng mga saging (bananas, may 50 uri ang natagpuan sa Pilipinas nuong panahon ng Amerkano), mabango ang mga nancas (mga langka) na mas malaki pa sa melon Español, mga macopa (tinawag ding tampoy) na hawig sa mansanas (apples), at ang santor (santol) na lasang quince (frutas sa Europa).

Marami ring masarap at iba’t ibang uri ng dalandan (oranges, naranjitas, dalanghita ang dinig at tawag ng Pilipino) at mga kalamansi (limas, lemons), na marami ay galing pa sa China kung saan mas maraming uri nito.

Sa Ylocos, may isang malaking punong kahoy (arbol, tree) na nagbubulaklak ng puti (azucena, white lily) na lasang isda. Pinupulot ito ang mga indio at tuwing umaga, niluluto nila at kinakain sa halip ng isda. Kaginsa-ginsa, kinabukasan, pulos bulaklak uli ang puno! Nangyayari ito araw-araw.

Mahirap ang tubig sa bundok. Mayroon duong isang uri ng yantok (bejuco, rattan) na tumutubo nang 6 - 8 brazas ang tayog (lagpas 10 metro) at mas mataba kaysa daliring hinlalaki (pulgar, thumb). Kapag pinutol iyong yantok, tumutulo nang malakas ang tubig mula sa loob. Masarap ang tubig na ito, at bawat yantok ay naglalabas ng 2 - 3 cuartillos (pints, bandang 1 litro) ng tubig.

Nakaraang kabanata                     Balik sa itaas                     Balik sa Tahanan ng mga Kasaysayan                     Lista ng mga kabanata                     Sunod na kabanata