PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Ang Unang Census At Analysis Ng Pilipinas ‘Relacion de las Yslas Filipinas’ “Isang pahayag tungkol sa kapuluan ng Pilipinas kung saan ko itinala at sinuri lahat ng puok at mga tao na nasakop na sa ilalim ng kanyang Kamahalan, si Don Felipe, ang ating hari, pati na ang mga pulo na tinatahanan ng mga Español. Kasama rito ang aking ulat tungkol sa uri ng pamahalaan ng mga Español at ng mga tagapulo, ang mga ugali ng mga indio at mga moro sa mga pulong ito...
“Hindi maipagka-kaila na ang mga Español na nagtungo sa kapuluang ito ay hindi nagkusang mag-usisa sapagkat kahit isa, kahit ang mga frayle, ay walang nag-ulat kung anu-ano na ang naganap mula nuong nasakop itong bayan. At wala akong confianza kahit na sa balita na may sinulat si Fray Alonso de Buyca na makapal na libro tungkol sa Pilipinas dahil nabasa ko ang mga liham niyang dumating nitong nakaraang taon, sakay sa barkong Sanct Martin. Humihingi siya ng ulat ng mga naganap dito nuong 16 taon sa nakaraan sapagkat wala siyang tiwala sa mga ulat na ipinadala sa kanya mula rito. Hiniling din niya na isulat sa kanya ng sinumang Español na nakatira na rito ang mga balita at ano pa mang mangyari sa mga darating na panahon...
“Dahil sa kapos sa panahon, hindi ko tutukuyin ang kanyang hiling. Akin na lamang tutuparin ang utos ng kanyang Kamahalan sa inyo, aking governador at panginuon, at ilalahad ang mga natutunan kong mga gawi at gawa ng mga katutubong nasakop natin...
“Isinulat ko ang itong pahayag sa utos ng governador general ng Pilipinas, para sa kanyang Kamahalan, ang Hari.”
Miguel de Loarca, sa kabayanan ng Arevalo, 1582.
|
ANG MGA KABANATA
|
|
KASA-KASAMA ng mga unang conquistador na sumakop sa Pilipinas si Miguel de Loarca at ginamtipalaan siya ni Miguel Lopez de Legazpi, ang unang governador general, ng malaking lupain - ang mga baranggay ng Oton, sa pulo ng Panay - nuong Junio 1572, isang taon lamang pagkatapos natatag ang mga Español sa Manila. Subalit kaiba siya sa ibang mga lagalag na Español, conquistador at frayle, na walang inatupag kundi magkamal ng ginto ng mga taoupang magbuhay mayaman pagbalik sa España o Mexico, o tumuloy agad sa China at Japan, mas mayaman at mas sikat na mga kaharian, kahit na pinagbawalang umalis sa Pilipinas ng governador, pati na ng hari ng España. Nagiliw si Loarca sa Pilipinas, kahit na nakita niyang pobre at hindi tanyag ang kapuluan, kahit na pagkatapos niyang maglakbay sa China ng ilang buwan, kasama ang 2 unang frayleng Español na nakapasok duon, si Fray Martin de Herreda ng Pamplona, Navarra, at si Fray Geronimo Martin ng lungsod ng Mexico, nuong 1575. Kahit na nuong naubos ang kanyang sahod (repartimiento, wages) mula sa Madrid sa pagpundar ng paggawaan ng barko sa Oton, at napilitan siyang humingi ng awa nuong 1580 mula kay Martin Enriquez, ang Pangalawa ng hari (virrey, viceroy) sa Mexico, dahil pulubi na siya. |
||
Aninaw sa kanyang mga isinulat ang giliw niya para sa mga tao, hinangaan pa ang mga Visaya, pinag-aralan ang mga wika at gawi ng iba’t ibang katutubo sa kapuluan, at nilakbay, sinukat at inusisa halos lahat ng pulo. Kaya nang humingi si Felipe 2, ang hari ng España, ng pahayag tungkol sa Pilipinas, si Loarca ang piniling sumulat ni Gonzalo Ronquillo de Penalosa, governador nuong 1582. Mula sa Arevalo (Iloilo City ang tawag ngayon), kabayanang itinayo ng mga Español sa pulo ng Panay, katabi ng encomienda niya sa Oton, malawak at maliwanag ang Relacion na isinulat ni Loarca at, sapagkat kauna-unahang pahayag, mahalaga sa paglarawan ng mga tao at |
ng pamumuhay nila 500 taon sa nakaraan.
Ang mga hayag at liham ng mga naunang Español, sina Antonio Pigafetta, Legazpi at iba pa ay pira-piraso at maraming mali, samantalang itong ulat ni Loarca ay nasalamin at napagtibay ng mga sumunod na ulat, sa sumunod na 220 taon, mula kina Juan de Plasencia (1589), Pedro Chirino (1595), Francisco Colin (1667), Gaspar de San Agustin (1720), Tomas Ortiz (1731), Juan Francisco de San Antonio (1738) at Joaquin Martinez de Zuñiga (1803). Isang pagkaka-iba ni Loarca sa sumunod na mga ulat, hindi siya frayle, at hindi niya inalimura |
bilang maka-demonio ang mga tagapulo dahil sa pagsamba nila sa mga añito at mga diwata. Katunayan, tangi sa mga ulat ng Español, hindi inalimura ni Loarca ang mga tao sa anumang dahilan.
Itong Relacion ni Loarca, 11 taon lamang matapos itatag ni Legazpi ang pamahalaang Español sa Manila, ang unang nagsiwalat sa mga katangian ng mga Unang Pilipino, mga katangian na itinuturo ngayon sa mga kasalukuyang Pilipino. Kapansin-pansin sa ulat ni Loarca ang unti ng mga tao sa Pilipinas nuong panahon niya - mula sa Camarines hanggang dulong hilaga ng Cagayan, wala siyang natanaw na nayon, baranggay o tahanan man lamang! |
Mga lalaki lamang ang isinali ni Loarca sa kanyang census, karaniwang mga ama ng familia o mga binata na nagbabayad ng buwis, kaya ang bilang niya ay kailangang 3 ulit patungan upang maisali ang mga babae, mga anak at mga namundok upang umiwas sa buwis. Hindi rin nabilang ang mga pangkat ng Negrito sa mga bundok at nanatiling hindi-bilang sa tanang panahon ng Español. Kapuna-puna sa suma ni Loarca na, sa buong Gitnaang Luzon (Central Luzon), pinaka-maraming tao sa nayon ng Betis, Pampanga, at mas marami pang tao sa Macabebe, Candaba at Calumpit, Bulacan, |
kaysa sa Tondo na nuon ay hiwalay na nayon sa kabilang panig ng Manila na mas maliit pa kaysa sa tinatawag ngayong Intramuros.
Inilarawan din ni Loarca ang mga gawi at paniwala ng mga Pilipino nuon at kapuna-puna ang lawak ng pag-alipin ng mga tao sa mga ka-baranggay nila, madalas ay mga kamag-anak pa - basta may utang na hindi nabayaran. Inilarawan din ang mga paniwala ng mga tao tungkol sa ‘paglikha’ sa daigdig, ang pagyao ng mga kaluluwa at mga diyos na naghahari sa langit. At karaniwang babae ang mga pari na nagmi-‘misa’ sa mga ‘simbahan.’ |
Mataas ang katayuan ng mga babae sa lipunan ng mga katutubo nuon, may mga kapangyarihan sila tulad ng pagpa-pasiya kung gaano karami ang magiging anak, at kung hihiwalay sa asawa o hindi (divorcio). Isang kahalagahan ng ulat na ito ang pagtuklas sa mga baranggay at nayon na naglaho na, ang mga purok na tinatahanan ng mga tao hanggang ngayon, mas matanda pa kaysa anumang lungsod sa America. Sa pagsuri ni Loarca, aninaw din ang mga pagbabago sa mga kinagisnan ng mga Pilipino, at ang pagbago sa katauhan na rin ng mga tao. |
ANG PINAGKUNAN Relacion de las Yslas Filipinas, ni
Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
Balik sa itaas Balik sa Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |