![]() Ang Pagbabalik Ng Español: 3 Tangka, 3 Talo
NAGPATULOY ang kasaysayan ng pagdayo ng mga Español sa Pilipinas, sinimulan ni Ferdinand Magellan nuong 1521, inulat ni Antonio Pigafetta sa isang aklat, ‘Ang Unang Español’, tungkol sa unang paglayag paikot sa daigdig (mondo, world). Sa Maluku talaga ang tungo ni Magellan, nalihis lamang ang tantiya at sa Pilipinas napadpad at, bagaman at malapit na, hindi niya narating bago siya pinaslang ni Lapu-Lapu sa Mactan. Hinanap ng mga nalabi niyang kasama ang Maluku at nagtagumpay naman sila, nakapag-uwi ng maraming spice sa España nuong Septiembre 1522 sa pamumuno ni Sebastian del Cano. Iisang barko lamang, ang Victoria, ang nakabalik, 4 barko ang lumubog o naglaho, 3 taon inabot ang lakbay, namatay si Magellan at maraming kasamahan, at sa mahigit 270 kasama nang umalis nuong Agosto 1519, 18 lamang ang nakauwi nang buhay. Pulos kasawian ang dinanas ngunit nagalak lahat sa España pagdating. Napakalaking kayamanan ang halaga ng spice, nabawi ang gastos ng paglakbay, kumita pa nang malaki. Nabayaran ng hari ng España na nagpalaot kay Magellan, si Carlos 5, ang mga utang niya kay Jakob Fugger, ang taga-Germany (Aleman, German) na nagkakalakal ng spice at nagsulsol sa hari na tangkilikin si Magellan. Kumita si Christobal Haro, ang nagpa-utang at nagtustos kay Magellan. Namatay ang asawa at anak ni Magellan kaya walang tinamasa ang familia niya, subalit yaman panghabang buhay ang nabahagi ng 18 tauhan ni Magellan na nakauwi. |
|
Spice: Pampalasa Sa Ulam KAPULUAN sa Kanluran, Islas de poniente, the Western Islands. Ito ang ang unang nabantog na pangalan ng Pilipinas sa Europe. Hindi inakala ni Ferdinand Magellan - Fernan Magalhaes sa tinubuang Portugal, Fernando Magallanes pagkalipat sa España - na magiging palasak ang palayaw na itinuring niya upang pagtakpan lamang ang pagpuslit niya sa mga lupaing inaangkin ng karibal na kaharian ng Portugal nuon. Kapuluan ni San Lazaro (Islas de San Lazaro, Saint Lazarus Islands) ang totohanang ibininyag niya nang angkinin niya ang kapuluan sa ngalan ng hari ng España - pangalan na, karapat-dapat lamang, nilimot agad - dahil kapistahan (fiesta, feast) ng santo nang una nilang namataan ang mga pulo sa Samar nuong Marso 15, 1521. Hindi nagtagal pagka-alis ng mga Español, dumayo ang isang pangkat ng mga taga-Portugal at bininyagan naman ng Kapuluan sa Silangan (Yslas da Oriente, Eastern Islands) |
upang ipahiwatig na pag-aari ng Portugal ang kapuluan na, sa pagka-alam ng mga tagaruon nuon ay wala, at kahit kailan ay hindi nagkaruon, ng pangalan.
Kanluran. Silangan. Ito ay pagpatuloy lamang ng agawan ng España at ng Portugal sa mga lupang masasakop at mananakawan sa magkabilang panig ng daigdig na pinagkasunduan nilang paghatian sa Tordesillas, isang kabayanan (pueblo, town) sa España, sa tangkilik ni Julio 2, ang papa catholico (catholic pope) sa Rome nuong 1494. Portugal ang sasakop sa mga lupang matuklas sa silangan, sa España ang mga lupa sa kanluran. Pinaka-malakas ang 2 hukbo nila nuon kaya walang nagawa ang ibang kaharian sa Europe sa hatian ngunit lintik ang galit nila, samantalang walang kamalay-malay ang mga katutubo sa Pilipinas sa patuloy na paglusob ng mga walang pakundangang conquistador. Dahil lamang sa spice, pampalasa sa ulam. |
Kanya-kanyang Sugod sa Maluku PAGDATING ng Victoria, ang tanging barko na nakabalik sa España, natanyag ang pahayag ni Pigafetta at ng mga kasama ng landas papuntang Maluku na, ayon kay Pigafetta, ay 10 taon nang sinasarili ng katabi at karibal na kaharian ng Portugal. Binalak ng hari ng España, si Carlos 5, na magpalaot uli ng mga barko upang magkalakal sa Maluku (Moluccas, spice islands, bahagi ngayon ng Indonesia), pabagtas sa landas na tinuklas ni Magellan patawid sa dagat Atlantic, South America at dagat Pacific. At hindi lamang isa o 2 lakbayan, magalit man ang mga taga-Portugal o hindi. Naghayag si Carlos 5 at si Regina Isabel, anak ng hari ng Portugal, ng 33 pabuya sa sinumang Español na sumaling magpundar sa 5 susunod na paglakbay sa Maluku at sa anumang pulo na matuklas sa luob ng sakop ng Español, ayon sa pinaghatian sa kasunduan sa Tordesillas (Treaty of Tordesillas). Nasa pahayag ang mga karapatan ng hari at ng mga Español na sasali, at kung paano gagawin ang hatian sa kikitain ng pagkalakal. Nag-unahan ang mga Español magpalaot ng mga barko, kahit walang pahintulot ng hari ng España, kahit hindi alam sa España, upang gayahin at daigin pa ang kayamanang natamasa nina Pigafetta mula sa Maluku. |
Pagkaraan ng 5 taon, isang pangkat dagat (fleet) papuntang Maluku ang pinamunuan ni Sebastian Cabot mula España nuong Abril 3, 1526, ngunit sa sumunod na 4 taon, nahadlangan ng gutom, hirap, sakit at aklasan (mutiny) ng mga tauhan, at napilitang bumalik sa España nuong 1530.
Kahiwalay ang pangkat na pinamunuan ni Francisco Vasquez mula sa South America naman, pinundaran ng isa sa mga conquistador na naglipana sa America nuon sa madugo at marahas na paglupig sa mga katutubo duon. Pati si Hernando Cortes, ang mananakop ng Mexico, ay gumastos ng ilang daang libong peso, milyon-milyon ang katumbas sa kasalukuyang salapi, upang tustusan ang paglayag ng mga barko papuntang Maluku. Bahagya ang balita tungkol sa kanila, wala silang nahita at wala sa kanilang nakarating sa Pilipinas. Maliban kay Sebastian Cabot, 3 lamang ang sadyang pinalaot ng mga Español upang tuklasin at sakupin ang mga kapuluan sa kanluran na kinabilangan ng Pilipinas, sa halip ng tuloy-tuloy sa Maluku upang magkamal lamang ng mga spice. Kaiba man ang kanilang hangarin, sa paghalo-halo ng malas, bagyo at puot ng mga magiging Pilipino, sunud-sunod silang nasawi tulad ni Magellan. |
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |