Hernan Cortes ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Saklolo  Ni  Alvaro  de  Saavedra,  1527-1529
Spain’s 3rd Stab at the Spice Islands, Rescue the Previous Expeditions

Pagbalik sa España nuong Septiembre 1522 ng Victoria, isa sa 3 barkong ipinasok ni Ferdinand Magellan sa Pilipinas nuong 1521, naiwan
sa Maluku ang isa pang barko, ang Trinidad, na capitana (flagship) ni Magellan. Wala nang nabalita tungkol sa Trinidad mula nuon
maliban sa ulat ng naka-uwing 18 tauhan ng Victoria na may butas ang Trinidad at kinukumpuni sa pulo ng Tidor nang iniwan nila. Inatas ng
hari ng España na tuklasin ang dinanas ng Trinidad, at ng 2 pang pangkat, nina Loaisa at Cabot, na sunod niyang pinalaot. Nang dumating
ang utos ng hari sa Nueva España (Mexico), kasalukuyang tinutustusan ni Hernando Cortes ang sarili niyang palaot patungo sa Maluku.
Pinagsama niya ang 2 pakay sa sumunod na lakbay ni Saavedra na, tulad nina Magellan at Loaisa, ay mapapadpad din sa Pilipinas.

Granada, Junio 20, 1526

INUTOS ng hari ng España, si Carlos 5, na magpadala ng mga barko mula sa Nueva España (ang Mexico ngayon) upang magsiyasat tungkol sa Trinidad at sa mga tauhan nito na naiwan sa Maluku, hanapin ang nawawalang pangkat ni Loaisa, pati na ang pangkat ni Sebastian Cabot na naglayag din papunta duon.

Ito ang atas na tinanggap ni Hernando Cortes, ang conquistador ng Mexico, na abala nuon sa paglupig sa kaharian ng mga Aztec at pagtatag ng mga kabayanan ng mga Español duon.

Inutos pa sa kanya ng hari na maglagak sa mga barko na magsisiyasat ng mga bagay na magagamit upang tubusin ang mga nabihag na Español, at upang makipagkalakal sa mga tagapulo. Inutos din na piliin niya ang mga pinaka-bihasang magdaragat (marineros, sailors) upang tauhan ang mga barko. Ipinayo sa kanya na sumulat na ang hari kina Ponce de Leon at iba pang pinuno ng mga pangkat Español sa America na ibigay ang anumang tulong na kailangan ni Cortes.

(Naka-ulat ang kinahinatnan ng Trinidad sa ‘Ang Unang Español’ ni Antonio Pigafetta sa website ding ito. Tinangka ng Trinidad na bumalik sa America patawid sa dagat Pacific nuong 1522 ngunit hindi nakayanan. Bumalik ang barko sa Maluku at sumuko ang mga tauhan at binihag ng mga Portuguese duon.

Si Sebastian Cabot na nabanggit sa utos ni Carlos 5 ay isang taga-Venice, Italy, bagaman at may nagsabing siya ay taga-England na nagsilbi sa hari ng España bilang taga-tuklas ng iba’t ibang lupain na masasakop para sa España, tulad ng tinangka ni Ferdinand Magellan. Nakabalik nang buhay sa España sina Cabot nuong 1530, gula-gulanit sa hirap na dinanas, at bigo sa pakay.)

Mexico, Mayo 1527

Ayon sa gawing Español, pinagsabihan ni Cortes ang mga pinuno ng pangkat dagat na pinapalaot niya ng mga dapat nilang tupdin. Hinirang niya ang kanyang pinsan, si Alvaro de Saavedra, upang pamunuan ang paglakbay. Si Antonio Guiral ang hinirang niyang punong ungkat-yaman ng pangkat (fleet accountant). Binigyan niya kapwa ng mga tungkulin:

  • Dahil ang pangunang pakay ninyo ay hanapin sina Fray Garcia Jofre de Loaisa at Sebastian Cabot na, sa awa ng Dios, ay maaaring nawalan ng mga barko, at baka may mga kalakal na spice, dapat ninyong itala sa isang aklat kung sinu-sino ang may-ari ng mga spice na isasakay sa inyong mga barko.
  • Kung sila o kayo ay may matuklasang mga lupa, dapat n’yong isulat kung saan-saan ito matatagpuan at kung anu-ano ang mga bagay na maaaring ikalakal duon.
  • Magtungo kayo sa Cebu upang tuklasin kung buhay pa si Joan Serrano, ang piloto, at iba pang Español na binihag ng mga tagaruon, at tubusin ninyo sila kung sakali. Matiyaga niyong hanapin sino pa mang tauhan ni Magellan ang maaaring naiwan sa mga pulo-pulo duon.

(Si Joan Serrano, isa sa mga piloto sa pangkat ni Magellan nuong 1521, ay huling natanaw na bihag ng mga taga-Cebu at nagmamaka-awa na tubusin siya sapagkat papatayin siya kung hindi, ngunit iniwan siyang humahagulhol sa dalampasigan ng Cebu ng mga tumatakas na Español. Hindi na nabalitaan pagkatapos kung buhay pa siya o ang mga kasama niyang Español sa Cebu.)

Binanggit ni Cortes ang pagdating sa Mexico ng Santiago, ang barkong patache na nawalay sa pangkat ni Loaisa pagkasulpot sa lagusan ni Magellan. Kalakip sa mga utos ang isang liham ni Cortes ng pasalamat sa hari ng pulo ng Tidore (Tidor) dahil sa kabutihang ipinakita niya sa pangkat ni Magellan nuong 1522. Binigyan din niya ng liham si Saavedra para sa hari ng anumang pulo na daungan nila, naghahayag na walang masamang tangka ang España at humihingi lamang ng pagkakataong makipag-kaibigan at makipagkalakal. Nilakip din ni Cortes ang isang liham para sa hari ng Cebu. (Nakalahad sa kanan)

Kagalang-galang na hari ng Cebu, sa banda ng Maluco:

Ako, si Don Hernando Cortes, capitan general at governador nitong Bagong España, sakop at pailalim sa kataas-taasang emperador at hari ng kalawakang España, ay malugod na bumabati sa iyo ng buong pagmamahal at naghahangad ng iyong mabuting kapalaran at pagpala ng Dios dahil sa mga magandang balitang natanggap ko tungkol sa mahusay na pakitungo mo sa mga Español na dumating at dumaong sa iyong kaharian.

Ang lawak ng kapangyarihan at tanyag ng aming panginuon ay maaaring nasabi na sa iyo ng mga Español na sadlak ngayon sa iyong kapangyarihan, mga Español na ipinalaot ng aming makapangyarihang emperador at hari ng mga christiano, 7 o 8 taon na ang nakaraan. Maaari ring mabatid mo ito mula sa capitan at tauhan nitong mga barko na ipinalaot ko upang ihatid itong liham sa iyo, sa ngalan ng aming mahal na hari, kaya hindi na kailangang pahabain ko pa itong liham.

Ngunit makakatulong sa iyong malaman na ang malakas naming principe ang nagsulong, upang malaman ang iyong bahagi ng daigdig at makipagkalakal, sa isa niyang capitan, si Hernando de Magallanes, gamit ang 5 barko na, sa kawalang ingat at kundangan ng nasabing capitan, isang barko lamang ang nakabalik sa kaharian ng aming panginuon.

Mula sa mga tauhan, nabatid ng aming kagalang-galang na hari ang mga dahilan ng pagkawasak at pagkawala ng iba pang barko. Ikinalungkot niya ang nangyari subalit higit siyang namighati na sinuway ng nasabing capitan ang utos ng mahal na hari at sa halip, sinulsulan pa ang digmaan na kinasangkutan mo at ng iyong kaharian. Atas ng aming hari sa capitan na tanging hangad niyang ituring kayong lahat na matalik na kaibigan at katulong, at ibigay lahat ng ikakabuti ng inyong dangal at katauhan.

Dahil sa pangahas ng nasabing capitan, minabuti ng Dios na Maykapal ng sansinukob na pabayaan siyang magdusa, mamatay sa kalunos-lunos niyang pagsuway sa atas ng aming panginoong hari. At malaking awa ng Dios na pinabayaan siyang mamatay sapagkat kung siya ay nakabalik nang buhay, higit na malupit ang parusang igagawad sa kanya.

At upang mabatid ninyong lahat na namumuno at hari ng mga puok diyan ang tunay na hangad ng aming kataas-taasang hari, at ang laki ng dalamhati niya sa pangahas na ginawa ng nasabing capitan, nagsugo siya nuong 2 taon na ang nakaraan ng 2 pang capitan, kasama ng kanilang mga tauhan, upang tubusin ang pinsalang nagawa ng naunang capitan.

At inutusan niya ako na sa kanyang ngalan ay namamahay ngayon sa mga lupaing kalapit lamang sa inyo. Inatasan niya akong magpalaot din agad ng mga maghahatid sa inyo nitong liham at ng mga pahinahon niya upang lubusang mabatid ninyo ang kabutihan ng kanyang hangad. Kaya ipinadala ko itong 3 barko na naghatid sa inyo nitong liham upang mapagtibayan ng mga tauhan, sa sarili nilang mga salita, ang mga inilahad ko sa liham na ito.

Dahil naman magkalapit ang ating mga puok, at makakapag-ugnayan nang ilang araw lamang, magiging karangalan ko kung sasabihin ninyo sa akin ang anumang nais ninyong mabatid, at kung anumang payo ang nais ninyo mula sa akin dahil alam kung ito ang nais ng aming mahal na hari, at pagtupad lamang sa kanya ang tulong na maibibigay ko. At sa saganang hangad ng aking panginuong hari para sa inyo, aking idadagdag ang aking pasalamat, at ipagbubunyi ko sa aking hari, kung mamarapatin ninyong isauli sa capitan na naghatid ng liham na ito ang sinumang Español na buhay pa sa inyong piitan. Kung nais ninyong ipatubos sila, didinggin ng capitan ang anumang naisin ninyo, tatanggap pa kayo ng mga pabuya mula sa aming mahal na hari, at mga gantimpala mula sa akin sapagkat, kung inyong nanaisin, magkaka-ugnay at magka-kaibigan tayo sa mga darating na panahon.

Mayo 28, 1526.
Hernando Cortes  

Ang Sumaklolo Mula Mexico

TAGA-Badajoz, España, si Cortes, bagaman at sa ibang pahayag, sa Medellin, sa Estremadura raw siya isinilang nuong 1485. Sa kanyang marahas at madugong buhay, natanyag siya bilang conquistador ng kaharian ng mga Aztec, tinawag pagkatapos na Nueva España ng mga Español (at Mexico ngayon).

Bata pa siya nang nagpasiyang maging sundalo. Nagtungo siya sa America nuong 1504 at sumanib sa iba’t ibang pagsakop na ginawa ng mga conquistador. Nabigyan siya ng mataas na tungkulin sa sandatahang Español sa Cuba.

Walang paalam sa hari, si Carlos 5, at labag sa utos ng governador sa Cuba, tumalilis siya kasama ng kanyang mga sundalo at walang tigil na lumusob at lumupig sa kahariang Aztec ni Montezuma mula nuong 1519

hanggang 1527. Inabot ng 9 mahabang taon ang ginawa niyang pagsukol. Libu-libong Aztec ang namatay, pinaslang ng mga Español o namatay sa gutom at sakit na dala ng mahabang digmaan.

Nagbalik si Cortes sa España pagka-tagumpay upang tumanggap ng malaking pabuya ng lupa at karangalan mula sa hari, si Carlos 5. Nuong Julio 6, 1529, itinanghal siyang maharlika (nobility) sa parangal na Marques del Valle de Oaxaca o panginuon ng libis ng Oaxaca, Mexico. Hinirang din siyang governador ng Mexico nuong 1530 hanggang 1541.

Nilustay niya ang kayamanan niya sa sunud-sunod na luging pundar sa paglayag sa kapuluan sa kanluran (Islas del Poniente, ang Pilipinas). Tapos, umuwi siya uli sa España at, limot na ang tanyag dahil sa maraming sumbong at pintas ng mga kalaban, sapilitang siyang nanahimik na.

Namatay siya duon sa Sevilla nuong Deciembre 2, 1547.

Dagat Pacific, Octobre 1527

SAKAY sa 3 barko, tinunton ni Alvaro de Saavedra ang pinaghilaang landas na binagtas nina Jofre de Loaisa, kahawig sa landas na dinaanan ni Ferdinand Magellan nuong unang paglakbay sa dagat Pacific nuong 1520-1521. Sa talaan ng kalihim ng pangkat dagat (secretario de flotilla, fleet secretary), isinulat ni Saavedra ang kasaysayan ng kanyang paglakbay.

Lumunsad ang 3 barko mula sa luok ng Zaguatenejo (Zihuatanejo Bay), sa lalawigan ng Zacatala, sa baybayin ng Nueva España (Mexico) nuong Octobre 1527 at pagkaraan lamang ng ilang araw, namatay ang kanilang manggagamot (medico, physician) at inilibing nila sa dagat.

Hindi nagtagal, nagsimulang pasukin ng dagat ang isang barko at mabilis na napuno ng tubig. Napilitang tumulong ang mga tauhan ng ibang barko upang mapigil ang paglubog ng barko.

Mga 5 - 6 araw bago sila nakarating sa kapuluan ng mga kawatan (Islas delos Ladrones, Marianas Islands ngayon), naligaw ang 2 kasamang barko sa lakas ng isang bagyo. Nagpatuloy nang nag-iisa ang barko ni Saavedra. Sa lawak ng dagat Pacific, Deciembre 29, 1527 na - halos 2 buwan pagka-alis nila sa Mexico - nang natanaw nila ang kapuluan ng mga kawatan.

Pagkalagpas, dumaong sila sa isang hiwalay na pulo. Ang mga tagaruon ay nakatagpo na ng Español, ayon sa sigaw-sigaw nila ng “Castila, Castila!

Hindi na matiyak ngayon kung alin o saan itong pulo - Visaya sa isang ulat, Mondania sa ibang ulat, maaaring bulol na dinig sa Maingdanao o Mindanao. Ang paniwala ngayon, dumaong at nag-usisa ang pangkat ni Saavedra sa Mindanao, ang kauna-unahang mga taga-Europe na nakarating sa tinatawag ngayong Davao.

Pangunahing patibay nito ang pahayag ni Vicente de Napoles, isang kasama sa pangkat dagat, 6 taon pagkatapos ng paglakbay ni Saavedra. Sa isang pagsusuri sa Madrid, España, nuong 1634, nilahad ni Napoles na kasisimula pa lamang ng lakbay nang nagkahiwa-hiwalay ang 3 barko. Hindi na raw muling nakita nilang nasa barko ni Saavedra ang dating kasamang 2 barko. Narating daw nila ang pulo ng Mondania na tinawag ng mga Portuguese na Mindanao.

Nagpahayag din nuong 1537 si Andres de Urdaneta na sakay sa barko ni Loaisa. Bagaman at hindi niya narating, inilarawan niya ang Mindanao:

“Nasa bandang kanlurang hilaga (northwest) ng Moluco ang Bendenao (Mindanao)...na maraming kanela (cinnamon), ginto at mga perlas. Nabalitaan namin na taon-taon, 2 dyong (bangkang pandagat ng mga taga-Java, tinawag na Chinese junk ng English) ang nagpupunta ruon mula

sa China upang magkalakal. Nasa hilaga ng Bendenao ang Cebu na, sabi ng mga tagaruon, may maraming ginto na kinakalakal din ng mga taga-China taon-taon...”

Sa ulat naman nina Saavedra nuong naglalakbay, sa pulo raw ng ‘Visaya’ nila nasagip ang isang Español na maniwaring tauhan sa pangkat ni Loaisa. Isinalaysay niya na isang taon siyang naging bihag (esclavo, slave) duon bago siya dinala sa Cebu ng kanyang panginuon (amo, master). Nalaman niya mula sa mga tagaruon na ipinagbili sa mga Intsik ang 8 Español na nabihag mula sa pangkat ni Magellan.

Ang mga taga-Cebu raw ay mga hindi binyagan (paganos), sumasamba sa kanilang puon na tinawag nilang Amito (añitos). Ina-alayan daw nila ng pagkain at alak at, kung minsan, pumapatay (sacrifice) sila ng tao bilang parangal dito. Sa mga tabi ng dagat sila namamahay at madalas naglalayag sa dagat sa kani-kanilang mga bangka, parit-parito sa iba’t ibang pulo upang magkalakal o mandambong (piracy). Kahambing daw sila ng mga Arabe, palipat-lipat ang kanilang mga baranggay.

Maraming baboy na alaga sa Cebu, at may ginto duon. Sinabi rin niya na pumaparuon ang mga taga-China upang magkalakal sa mga pulu-pulo.

Tidor,  30 Marso 1528

NAGKALIGAW-LIGAW si Saavedra patungo sa Maluku kaya Marso 30, 1528, na nang dumaong ang barko ni Saavedra sa isang pulo sa hilaga (north) ng Tidore (ang Tidor ngayon), isa sa mga pulo ng Maluku, pagkatapos ng maraming hirap, gutom at sakit. Nuon, 25 na lamang ang nalalabing tauhan ni Saavedra.

Duon, natagpuan nila ang 3 tauhan ng Santa Maria del Parral, isa sa mga barko ng pangkat ni Loaisa, na naging mga mandarambong (pirates) matapos patayin ang kanilang capitan at nakawin ang barko. Bihag at alipin ng mga tagapulo ang 3 Español na tinubos (ransom) nina Saavedra at isinama sa katabing pulo ng Terrenate (Ternate ngayon), pagkaraan ng ilang araw.

Dinatnan nila duon ang gula-gulanit na pangkat ni Loaisa. Pinuno na nila nuon si Hernando dela Torre, hinalal ng mga nalalabing tauhan ng Sancta Maria dela Victoria, ang capitana (flagship) ni Loaisa, dahil patay o nawala na ang lahat ng mga pinuno, at siya na lamang, si Torre, ang payag pang maging pinuno.

Isiniwalat ni Hernando de Bustamante, ang ingat-yaman (tesorero,

treasurer) ng pangkat ni Loaisa, at ni Diego de Salivas nuong Mayo 3, 1529, ang pagpatay at pagiging mandarambong ng mga tauhan ng Santa Maria del Parral. Sinabi rin nila na 61 tauhan sa pangkat ni Loaisa ang namatay sa sakit, 9 ang nalunod nang lumubog ang barkong Santi Spiritus, 9 ang pinatay ng mga Portuguese at 4 pa ang binitay bilang parusa sa iba’t ibang kasalanan.

Sa kanyang liham nuong Junio 11, 1528, hinayag ni Hernando dela Torre, ang nahalal na pinuno, na sa 123 tauhan ng barko ni Loaisa at 25 tauhan ni Saavedra, 20 na lamang ang buhay pa nuon.

Kaya nagtungo sila sa mga Portuguese at, matapos makipagkasunduan, sumuko na ang mga Español. Isinakay sila sa barko ng Portuguese at nakabalik silang lahat sa Europe. Duon isinulat ni Torre ang kanyang liham.

Sa sumunod na Noviembre 2, 1528, inilahad naman ni Rodrigo de Acuña ang kanyang dinanas bilang capitan ng barkong San Gabriel sa pangkat ni Loaisa. Binihag siya ng Portuguese bago dinala pabalik mula Pernambuco.

Isinaysay naman ni Vicente de Napoles nuong 1634 tungkol sa pulo ng Mondania (Mindanao), ang paki-usap nila sa mga Portuguese hanggang, sa wakas, isinakay sila sa barko pabalik sa Europe.

Si Saavedra,  1529

SA halip na sumuko sa mga Portuguese, tinangka ni Saavedra na maglayag pabalik sa Nueva España (Mexico). Ang pangkat niya ang unang nakapag-ulat tungkol sa isang malaking pulo sa silangang timog (southeast) ng Maluku (ang pulo ng Irian Jaya at New Guinea ngayon). Tinawag itong Nueva Guinea o ‘bagong Guinea’ dahil maitim at hubad-hubad ang mga tagaruon, kasing anyo ng mga taga-Guinea sa Africa.

Pabagtas sa dagat Pacific nuong 1529, sina Saavedra rin ang unang mga taga-Europe na nakarating sa kapuluang tinatawag ngayong Marshall Islands, bahagi ng pulutong ng mga pulo ng Micronesia. Ang hindi narating nina Saavedra ay ang Nueva España dahil sa salungat na ihip ng hangin. Walang dahilang dapat nahulaan nila nuon na mahigit 30 taon ang lilipas bago matuklas ang landas pabalik sa Mexico, at isang lalaking iniwan nila sa Maluku, hindi sila, ang tutuklas nitong landas.

Namatay si Saavedra sa gitna ng dagat nuong Deciembre 1529.

Si Urdaneta,  1535

NANG hakutin ng mga Portuguese ang mga Español nuong 1528, naiwan sa Maluku si Andres de Urdaneta, nag-usisa sa pali-paligid. Tungkol sa mga nausisa niya sa paglayag kasama ni Jofre de Loaisa, marami siyang natuklas. Isa sa mga inilarawan niya pagkatapos ay ang mga taga-pulo ng mga kawatan (Islas delos Ladrones, Marianas Islands):

“Ang mga indio ng kapuluan ay hubad-hubad, walang mga damit. Matipuno sila, malulusog at mahahaba ang buhok, at may balbas silang lahat. Wala silang bakal, pulos gawa sa bato ang kanilang mga gamit. Ang tanging sandata nila ay mga sibat - ang tusok ng iba ay kahoy na pinatigas sa apoy samantalang ang iba ay may pinatulis na buto ng isda, o ng buto ng binti ng tao. Duon, dinukot at binihag namin ang 11 indio upang maggaod ng bomba ng tubig (water pump), dahil pulos maysakit na ang mga tauhan na kasakay namin sa barko.”

Kamangha-mangha, nakarating si Urdaneta sa pulo ng Java (bahagi ng Indonesia ngayon), at inilarawan niya ang mga tagaruon:

“Ang mga tao dito sa pulo ay mabagsik at matakaw. Marami silang kanyon (cañones, cannon) na tanso (bronze) na sila mismo ang gumawa. Mayroon din silang mga paputok (polvora, gunpowder), at mga sibat na tulad ng sa atin, at mainam ang pagkakagawa.”

Inulat din ni Urdaneta ang pagtago mula sa mga Portuguese hanggang nabihag din siya, sa wakas. Sakay sa barko ng Portuguese, nakabalik siya sa Lisbon, ang pangunahing lungsod (capital) ng Portugal, nuong Junio 6, 1636. Duon, kinuha ng mga Portuguese lahat ng dala niyang mga ulat at kasulatan (documentos).

Gayon man, hindi nag-isang taon, nuong Pebrero 26, 1537, natapos ni Urdaneta sa Valladolid, España, ang kanyang ulat tungkol sa sawing palad na lakbay ni Loaisa.

Walang dahilang dapat nahulaan niya nuon, na paglipas ng mahigit 30 taon, babalik siya at kasamang sasakop sa Pilipinas, at siya, pagkatapos, ang tutuklas ng landas pabalik sa Mexico mula sa tinatawag ngayong silangang timog (southeast) Asia.

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata